settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng ibigin si Jesus?

Sagot


Para maunawaan ang ibig sabihin ng salitang ‘ibigin si Jesus,’ dapat muna nating ipaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng salitang pag-ibig. Dahil ang ating pinaguusapan ay si Jesus, lilimitahan natin ang ating pakahulugan sa dalawang pangunahing salitang Griyego sa Bagong Tipan para sa salitang pag-ibig. Ang una ay ang salitang philia. Ang pag-ibig na philia ay tumutukoy sa pag-ibig para sa kapatid o sa isang tao na mayroon tayong malapit na ugnayan. Para ipakita ang uring ito ng pag-ibig, hindi ito nangangailangan ng anumang pagsasakripisyo para sa umiibig. Ang pag-ibig na ito ay naipapakita sa pamamagitan ng magandang paguugali o pagbibigay ng oras. Sinumang kakilala o malapit na kaibigan ay maaring pakitaan ng pag-ibig na philia. Gayunman, ang ganitong pag-ibig ay madaling lumilipas kung ang isang mahal sa buhay ay tumira sa malayo o hindi laging nakikita. Kaya nga, ang ganitong pag-ibig ay hindi sapat para sa uri ng pag-ibig na nais ni Jesus mula sa Kanyang mga tagasunod.

Ang isa pang salitang Griyego para sa salitang pag-ibig ay agape. Ang ganitong pag-ibig ay itinuturing na walang kundisyon. Ito ang pag-ibig na inilarawan ni Pablo sa 1 Corinto 13 at mas nababagay sa pangunawa kung paano ibigin si Jesus. Ipinaliwanag ni Pablo ang uring ito ng pag-ibig sa pamamagitan ng ginagawa nito at hindi nito ginagawa. Ayon sa 1 Corinto 13:4–8, ang pag-ibig na agape ay matiyaga at magandang-loob, hindi maiinggitin, hindi mayabang, hindi mapagmataas, hindi magaspang ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa. Hindi ito natutuwa sa masama, sa halip ay nagagalak sa katotohanan. Ang ganitong pag-ibig ay matiisin, mapagtiwala, puno ng pag-asa, at nagtitiyaga hanggang wakas. Ang pinakamahalaga, ang pag-ibig na agape ay walang katapusan. Hindi ito lumilipas gaya ng pag-ibig na philia. Ang Agape ay hindi nakasalalay sa mga pangyayari at hindi nagwawakas.

Ang ibigin ang Panginoon ay pagsunod sa Kanya saanman Niya tayo dalhin, pagtalima sa anumang nais Niyang ipagawa sa atin, at pagtitiwala sa Kanya sa anumang uri ng pagsubok. Ang ibigin si Jesus ay pagpapakita ng pag-ibig ng Diyos para sa atin, “hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at isinugo niya ang kanyang Anak upang maging handog para mapatawad ang ating mga kasalanan” (1 Juan 4:10). Ang ibigin ang Panginoon ay ibigin ang Kanyang mga iniibig (1 Juan 4:19; tingnan din ang Juan 21:16).

Ang pag-ibig na Agape ay hindi nakasalalay sa emosyon kundi sa desisyon. Ang bawat katangian ng pag-ibig na agape ay sinasadyang pagpili na kumilos ayon sa kagustuhan ng iniibig. Kaya nga ng sabihin ni Jesus na “Kung iniibig ninyo ako, susundin ninyo ang Aking mga utos” (Juan 14:15), itinuturo Niya na ang pag-ibig sa Kanya ay maipapakita sa gawa, hindi isang emosyonal na pakiramdam lamang. Kung iibigin si Jesus gaya ng Kanyang iniutos, ang aksyon na dapat gawin ay ayon sa inilarawan sa 1 Corinto 13. Malinaw ang sinasabi ni Jesus na ang pag-ibig sa kanya ay paglilingkod (Juan 14:15, 21, 23, 28) at ang pagsuway sa Kanya ay ebidensya ng kawalan ng pag-ibig sa Kanya (Juan 14:24). Kaya nga, ang ibigin si Jesus ay ang kahandaang kumilos para patunayan ang ating pagtatalaga ng sarili sa Kanya, para sa Kanya at sa pagsunod sa Kanya.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng ibigin si Jesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries