Tanong
Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang Diyos?
Sagot
Una, kinakailangan sa pag-ibig sa Diyos ang pagkilala sa Kanya at ang kaalamang ito ay naguumpisa sa Kanyang Salita. Maaaring ito ay isang matamis na pananalita, pero ang pagkilala sa Kanya ay katumbas ng pag-ibig sa Kanya.
Ang ibigin ang Diyos ay sambahin at papurihan Siya. “Nasusulat, ‘Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sambahin, at siya lamang ang dapat mong paglingkuran’” (Lukas 4:8). Nagbibigay ang aklat ng mga Awit ng magagandang halimbawa kung paano sasambahin at pupurihin ang ating Manlilikha (halimbawa Awit 8, 19, 23, 24, 67, 99, 117, at 150).
Ang ibigin ang Diyos ay unahin Siya sa lahat ng bagay. Ang pinaka-unang utos ay “Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, buong kaluluwa mo, buong pag-iisip mo at buong lakas mo” (Markos 12:30). Ito ay isang walang kahating pag-ibig. Ang Diyos ang pinakauna sa ating mga buhay. Kung iniibig natin ang Diyos ng ating buong puso, buong kaluluwa, buong isip, at buong lakas, hindi natin hahayaan na ang ibang bagay ang pumalit sa Kanya. Ang ating pag-ibig sa Diyos ay nakikita sa pamamagitan ng ating pag-big sa mga tao (Markos 12:31), hindi ang pag-ibig natin sa mga bagay ng sanlibutan. “Sino pa sa langit, kundi ikaw lamang, at maging sa lupa'y, aking kailangan?” (Awit 73:25). Hindi natin maaaring ibigin ang kasalukuyang mundo at ang Diyos ng sabay (1 Juan 2:15); ililigaw tayo ng pag-ibig sa mga bagay na inaalok ng mundong ito (2 Timoteo 4:10).
Ang ibigin ang Diyos ay naisin Siya at nasain ang kanyang katuwiran, ang Kanyang Salita, at ang Kanyang biyaya. “Kung paanong batis ang siyang hanap ng isang usa; gayon hinahanap ang Diyos ng uhaw kong kaluluwa” (Awit 42:1). Kapag natikman natin at nakita na mabuti ang Panginoon (Awit 34:8), mas nanaisin natin Siya. Kung iniibig natin ang Diyos, magiging katulad tayo ni Maria ng Betanya, “na naupo sa paanan ng Panginoon at nakinig sa Kanyang sinasabi” (Lukas 10:39). Kung iniibig natin ang Diyos, ang paglalarawan ng Mangaawit ay aalingawngaw sa ating kalooban: Mas kanaisnais pa ito [mga utos ng Diyos] kaysa gintong lantay, mas matamis pa kaysa pulot ng pukyutan” (Awit 19:10).
Ipagpalagay na ang isang tao ay nahiwalay sa kanyang minamahal at nakatanggap siya ng sulat mula dito. Ang kanyang unang reaksyon ay agad na buksan ang sulat at basahin ang nilalaman nito. Ang Kanyang pag-ibig para sa kanyang minamahal ay natural na magtutulak sa kanya para sagutin ang sulat na iyon. Totoo din ito sa ating pag-ibig sa Salita ng Diyos. Dahil iniibig natin ang may akda nito, iniibig din natin ang Kanyang mensahe sa atin. Binabasa natin ito ng madalas at may pananabik, ginagawa natin ang sinasabi nito sa atin, at iniingatan natin sa ating mga puso ang Kanyang mga Salita.
Panghuli, ang ibigin ang Diyos ay pagsunod sa Kanya. Sinasabi sa atin ni Jesus, “Kung iiniibig ninyo Ako, tutuparin ninyo ang Aking mga utos” (Juan 14:15, 23; 15:10; 1 Juan 5:3). Gayunman, hindi ito pagsunod lamang sa mga alituntunin at paglilista ng mabubuting gawa. Ito ay tungkol sa pagkakaroon ng pag-ibig ng Diyos na nakasulat sa ating mga puso. Natural na nais nating bigyang kasiyahan ang ating mga iniibig. Kung iniibig natin ang Diyos, nanaisin nating bigyan Siya ng kasiyahan at masigasig nating susundin ang Kanyang mga utos. “Ang nais kong sundi'y iyong kalooban; aking itatago sa puso ang aral” (Awit 40:8).
English
Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang Diyos?