Tanong
Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang Panginoon ng buong kaluluwa, buong puso, buong isip, at buong lakas?
Sagot
"Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh. Ibigin mo si Yahweh na iyong Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong lakas" (Deuteronomio 6:4–5). Ang mga talatang ito ay kilala bilang ang Shema, na kinuha mula sa unang salitang "pakinggan" sa Hebreo. Itinuturing ng mga makabagong Hudyo na isa sa kanilang pinakasagradong gawain ang pagdadasal ng Shema tuwing gabi at umaga. Tinukoy ito ni Hesus bilang "pinakadakilang utos sa Kautusan" (Mateo 22:36–37).
Tila imposibleng masunod ng tao ang kautusang ito. Ito ay dahil sa natural na kalagayan ng tao, talagang imposible niya itong magawa. Wala ng mas mabigat na ebidensya sa kawalan ng tao ng kakayahang sundin ang mga kautusan ng Diyos kaysa sa isang utos na ito. Walang sinumang tao sa kanyang makasalanang kalikasan ang posibleng masunod ang Diyos ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, buong isip at buong lakas sa loob ng 24 oras sa isang araw. Hindi ito kayang gawin ng tao sa kanyang sariling kakayahan. Ngunit kasalanan ang hindi pagsunod sa alinmang utos ng Diyos. Kaya nga, kahit na hindi pa ibilang ang ating mga nagagawang kasalanan sa araw-araw, para na tayong isinumpa dahil sa ating kawalang kakayahan na sundin ang isang utos na ito. Ito ang dahilan kung bakit paulit-ulit na ipinaalala ni Hesus sa mga Pariseo ang kanilang kawalan ng kakayahan na ganapin ang mga Kautusan ng Diyos. Ipinapakita Niya sa kanila ang kanilang kasalatan sa espiritwal at sa kanilang pangangailangan ng isang Tagapagligtas. Kung hindi dahil sa paglilinis ng kasalanan na Kanyang ipinagkakaloob at sa presensya ng Banal na Espiritu na nananahan sa puso ng mga tinubos, ang pag-ibig sa Diyos sa anumang antas ay napakaimposible.
Ngunit bilang mga Kristiyano, nalinis na tayo mula sa ating mga kasalanan at mayroon na tayong Banal na Espiritu. Kaya paano natin uumpisahang ibigin ang Diyos na gaya ng nararapat? Gaya ng isang lalaki na humingi ng tulong sa Diyos dahil sa Kanyang kawalan ng pananampalataya, gayundin naman, maaari nating hilingin sa Diyos na tulungan tayo sa mga aspeto ng ating buhay na hindi natin Siya iniibig ng ating buong puso, buong kaluluwa, buong isip at buong lakas. Ang Kanyang kapangyarihan ang ating kinakailangan upang magawa ang imposible at makakapagumpisa tayo sa pamamagitan ng paghahanap at paggamit sa kapangyarihang iyon.
Maraming beses na ang ating pag-ibig at pagmamahal sa Diyos ay umiinit at lumalago sa pagdaan ng panahon. Tunay na ang mga bagong Kristiyano na kararanas pa lamang ng kaligtasan ay lubhang nakakadama ng pag-ibig ng Diyos at ng kanilang pag-ibig sa Kanya. Ngunit sa pamamagitan lamang ng karanasan sa katapatan ng Diyos lumalalim ang ating pag-ibig sa Diyos sa panahon ng mga kabigatan at pagsubok. Sa pagdaan ng panahon, nasasaksihan natin ang Kanyang kahabagan, awa, biyaya at pag-ibig, gayundin ang Kanyang pagkamuhi sa kasalanan, kabanalan at katuwiran. Hindi natin maiibig ang sinuman na hindi natin nakikilala, kaya ang pagkilala sa Kanya ang dapat na una sa lahat ng ating prayoridad. Ang mga taong nagnanais na makilala ang Diyos, namumuhay sa katuwiran at dinidibdib ang utos na ibigin ang Diyos ng higit sa lahat ang mga taong nasisiyahan sa mga bagay ng Diyos. Masugid silang nagnanais na pagaralan ang salita ng Diyos, manalangin, at sumunod at magparangal sa Diyos sa lahat ng bagay at nagnanais na ibahagi si Hesu Kristo sa iba. Sa pamamagitan ng mga espiritwal na disiplinang ito lumalalim ang ating pag-ibig sa Diyos at lumalago sa pananampalataya sa ikaluluwalhati ng Diyos.
English
Ano ang ibig sabihin ng ibigin ang Panginoon ng buong kaluluwa, buong puso, buong isip, at buong lakas?