settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang ibig sabihin ang trahedya?

Sagot


Ang karaniwang itinatanong ng tao kapag may trahedyang nangyayari ay "ano ang ibig sabihin nito?" Kapag nakasaksi tayo ng isang sakuna o lansakang pagpatay, may likas na damdamin tayo na ang nangyari ay hindi dapat nangyari. Ang ating katutubong diwa ng "kamalian" ay pahiwatig ng kahulugan sa mga pangyayaring ito. Gayunman, kailangang mayroon tayong tamang pananaw kapag tinitingnan natin ang kahulugan ng isang trahedya. Kailangang mayroon tayong malinaw at magkakaugnay na sagot, at ito ay magiging posible lamang sa pamamagitan ng kristiyanong pananaw tungkol sa mundo. Ang Diyos ang nagbibigay ng kahulugan sa bawat pangyayari sa kasaysayan, kaya't sa pamamagitan niya ay matatagpuan natin kung ano ang kahulugan ng pagdurusa. Naging likas na sa mundong ito ang pagkakaroon ng mga kalunus-lunos na pangyayari. Ngunit sa kabutihang-palad, ang Diyos ay nangungusap sa atin, upang matagpuan natin hindi lamang ang kahulugan, kundi pati na rin ang kaligtasan at kapahingahan mula sa mga pagdurusa ng sanlibutang ito.

Kapag nag-aaral ng pisikal na kilos, mahalagang maunawaan ang pananaw. Ang bilis at pagbilis ay nagiging makabuluhan lamang dahil sa kanilang kaugnayan sa isang bagay; Ito ang reperensya. at ang anumang kilos na ipapakita ng palatandaang ito ay nakakaapekto sa ating pagka unawa. Totoo rin ito sa ating pakiramdam ng tama o mali. Ibig sabihin, upang maging makabuluhan ang konsepto ng mabuti , masama, tama at mali, o mga trahedya, kailangang naka angkla ang mga ito sa isang hindi gumagalaw o hindi natitinag na reperensya. At ang tanging katanggap-tanggap na reperensya o batayan sa mga isyung ito ay walang iba kundi ang Diyos. Ang katotohanan na itinuturing nating mali ang mga pagpatay ay matibay na patunay na sumasang ayon tayo sa ideya na ang Diyos ang pinakang pamantayan ng ating pagkadama ng kabutihan at kasamaan. Samakatuwid, walang kabuluhan ang lahat ng bagay, kahit ang isang kahindik-hindik na pangyayari, kung walang Diyos. Kaya nga, kailangan nating maunawaan ang kalikasan ng sanlibutang ito at ang ating kaugnayan sa Diyos upang magkaroon ng kabuluhan ang mga bagay na ating nakikita.

Ang Diyos ang nagbibigay ng kahulugan sa lahat nang mga pangyayari at binibigyan niya tayo ng tiwala na nauunawaan Niya ang anumang ating dinaranas. Nang itatag ni Jesus ang komunyon, pinagsama niya ang nagdaan, kasalukuyan, at hinaharap. Sinasabi sa 1 Corinto 11:26 ang ganito, "Sapagkat tuwing kakain kayo ng tinapay na ito at iinom sa kopang ito (kasalukuyan), ipinapahayag ninyo ang kamatayan ng Panginoon (nakaraan) hanggang sa kanyang muling pagparito (hinaharap)." Ang pagkakaalam ng Diyos sa lahat ng pangyayari ay nangangahulugang walang bagay na hindi mahalaga sa kanya. Kung paanong alam ng Diyos kung kailan mamamatay ang maya, ay tiyak na nalalaman din niya tuwing humaharap tayo sa mga trahedya (Mateo 10:29-31). Sa katunayan ay tiniyak niya na daranas tayo ng mga problema sa sanlibutang ito (Juan 16:33) at sinabi pa Niya na personal niyang naranasan ang mga paghihirap natin (Hebreo 2:14-18; Hebreo 4:15).

Samantalang ating nauunawaan na ang Diyos ay makapangyarihan sa lahat ng bagay, mahalagang tandaan natin na ang Diyos ay hindi siyang pinagmumulan ng trahedya. Sapagkat ang karamihan sa pagdurusa ng sangkatauhan ay dahil sa kasalanan, bagaman totoo ring dahil sa kasalanan ng ibang tao. Halimbawa ang lansakang pagpatay ay kasalanan ng mamamatay-tao na sumusuway sa kautusang moral ng Diyos (Exodo 20:13; Roma 1:18-21). Kapag tinitingnan natin kung makakasumpong tayo ng kahulugan sa isang pangyayari, kailangan nating maunawaan kung bakit ganito ang mundo. Ang kahirapan sa sanlibutang ito ay dahil sa kasalanan ng tao (Roma 5:12), na laging dahil sa kanilang kagustuhan (1 Corinto 10:13). Minsan ay hinahayaan ng Diyos na maganap ang mga sakuna, kahit Siya ay may lubos na kapangyarihan upang pigilan ang mga ito bago maganap. Maaaring hindi natin maunawaan kung bakit, ngunit alam nating Siya ay ganap, makatarungan at banal gayundin ang kanyang mga pasya. Mayroong tatlong bagay na ginagawa ang mga pagdurusa sa atin. Inaakay tayo nito upang hanapin ang Diyos, pinauunlad nito ang ating kalakasang espirituwal, at pinag iibayo nito ang ating pagnanais sa langit (Roma 8:18-25; Santiago 1:2-3; Tito 2:13; 1 Pedro 1:7).

At sa halamanan ng Eden ay nakipag usap ang Diyos kay Adan sa tuwirang paraan at hindi sa pamamagitan ng mga ideyang mahirap unawain. Gayundin naman, ang Diyos ay nangungusap sa atin ngayon sa gayunding paraan. Sa ilang paraan, ito ang pinakaimportanteng kahulugan na masusumpungan sa anumang trahedya. Higit na nakikita ang ibig sabihin ng isang kalunus-lunos na pangyayari batay sa ating paraan ng pagtugon o reaksyon. Ayon kay C.S. Lewis, "Ang Diyos ay bumubulong sa atin sa ating mga kalayawan, nagsasalita Siya sa ating budhi, ngunit sumisigaw sa ating mga hirap. Ito ang kanyang megaphone upang gisingin ang sanlibutang bingi." Ngunit ito ay hindi nangangahulugan na ang Diyos ang sanhi ng mga trahedya, kundi ginagamit niya ang ating mga reaksyon o tugon sa trahedya upang mangusap sa atin. Ang mga kalunus-lunos na pangyayari ay nagpapaalala sa atin na hindi lang tayo nabubuhay sa isang makasalanan at hindi perpektong mundo kundi ipinapaunawa rin nito sa atin na mayroong Diyos na nagmamahal sa atin at nagnanais ng mabubuting bagay para sa atin higit pa sa kayang ialok ng mundong ito.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang ibig sabihin ang trahedya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries