settings icon
share icon
Tanong

Ang kaligtasan ba sa biyaya at gawa ay isang huwad na Ebanghelyo?

Sagot


Nilabanan ni apostol Pablo ang mga nagtuturo ng huwad na Ebanghelyo sa Galacia 1:6–9: "Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo!" Ang isyu sa mga iglesya sa Galacia ay ang katuruan na dapat pang ganapin ng mga mananampalataya ang mga Kautusan sa Lumang Tipan (partikular ang pagtutuli) upang magtamo sila ng kaligtasan. Maliwanag na ipinahayag ni Pablo na ang isang Ebanghelyo ng magkahalong biyaya at gawa ay isang huwad na Ebanghelyo.

Ang kaligtasan ay ipinagkakaloob sa pamamagitan lamang ni Kristo sa biyaya lamang ng Diyos sa pamamagitan lamang ng pananampalataya (Efeso 2:8–9). Walang sinumang ang perpekto, at walang gawa ng tao ang makakapagpawalang sala sa kanya sa harapan ng isang walang kasalanan at banal na Diyos. Walang sinuman ang makapagliligtas ng kanyang sarili o karapatdapat man sa kaligtasan, gaano man siya karelihiyoso o gaano man karami ang kanyang ginawang mabuti.

Maraming tunay na Kristiyano ang mali ang pangunawa sa Ebanghelyo ng biyaya. Totoo din ito maging panahon ni Pablo. Ang ilan sa mga mananampalatayang Hentil sa Galacia (mga Kristiyanong hindi Hudyo) na sumusunod sa mga kaugalian ng mga Hudyo ay mga tunay na mananampalataya (Gawa 15). Sila ay mga Kristiyano, ngunit sa ilang antas ay mali ang kanilang pangunawa sa Ebanghelyo. Sa konseho sa Jerusalem, pinalakas ng nga unang mga tagapanguna sa Iglesya ang loob ng mga Kristiyanong Hentil sa biyaya ng Diyos at pinagbilinan sila ng ilang mahahalagang alituntunin na kanilang susundin upang magsulong ng kapayapaan sa loob ng Iglesya.

Ang problema ng pagtatangka na paghaluin ang biyaya at gawa ay nagpapatuloy pa rin hanggang ngayon. Maraming Kristiyano ang nagkaroon ng tunay na pananampalataya kay Jesu Cristo ang naniniwala pa rin na kailangan nilang gumawa ng ilang mabubuting gawa upang makasigurado sila na hindi sila pupunta sa impiyerno, na parang hindi sapat ang biyaya ng Diyos kay Kristo. Habang kailangang komprontahin at ituwid ang ganitong katuruan – dapat tayong magtiwala kay Kristo hindi sa ating mga sarili – at hindi ito nangangahulugan na ang mananampalatayang iyon ay hindi ligtas o nawala man ang kanyang kaligtasan.

Ayon sa Galacia 1, ang mga nagtuturo ng anumang uri ng huwad na Ebanghelyo, kung saan sa Galacia ay isang Ebanghelyo ng biyaya at gawa, ay mga "sinumpa;" na ang ibig sabihin ay hinatulan na sila ng Diyos. Nilalabanan ng iba pang mga sitas sa Bagong Tipan ang huwad na Ebanghelyo. Halimbawa, nais ni Judas na sumulat patungkol sa kaligtasan na kanyang unang ibinahagi sa kanyang mga mambabasa, ngunit natanto niya na kinakailangan niyang baguhin ang kanyang paksa: "Mga minamahal, ang nais ko sanang isulat sa inyo'y ang tungkol sa kaligtasang tinatamasa nating lahat, ngunit nakita kong ang kailangang isulat sa inyo'y isang panawagan na inyong ipaglaban ang pananampalatayang ipinagkaloob minsan at magpakailanman sa mga banal" (Judas 1:3). Sa sumunod na mga talata, tinukoy niya ang mga taong nangangaral ng huwad na Ebanghelyo bilang mga "taong ayaw kumilala sa Diyos na binabaluktot ang aral tungkol sa kagandahang-loob ng Diyos upang mabigyang katuwiran ang kanilang kahalayan."

Maaaring mali ang pangunawa ng isang tao sa kaligtasan sa biyaya ngunit tunay pa rin siyang sumasampalataya kay Kristo. Gayunman, may mga tao rin na hindi nakakakilala sa Panginoon na nangangaral ng isang huwad na Ebanghelyo. Ang mga masasamang taong ito ay tinatawag na mga "isinumpa," dahil buong kaalamang pinipilipit nila ang tunay na mensahe ni Jesu Cristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang kaligtasan ba sa biyaya at gawa ay isang huwad na Ebanghelyo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries