Tanong
Ano ang hindi pagsisisi? Ano ang ibig sabihin ng hindi nagsisisi?
Sagot
Alam ng taong hindi nagsisisi na siya ay nagkasala at tumatanggi na humingi ng tawad sa Diyos o tumalikod sa kasalanan. Ang hindi nagsisisi ay hindi nagpapakita ng pagsisisi sa kanilang maling gawain at hindi nakadarama ng pangangailangang magbago. Ang hindi pagsisisi ay ang kasalanan ng gustong manatiling makasalanan.
Ang pagsisisi ay pagbabago ng isip na nagreresulta sa pagbabago ng pagkilos. Ang pagsisisi ay nakikita sa buhay (Gawa 11:18), at ito ay isang kinakailangang bahagi ng kaligtasan. Inutusan ng Diyos ang lahat na magsisi at manampalataya kay Cristo (Gawa 2:38; 17:30; 20:21). Samakatuwid, ang hindi pagsisisi ay isang malubhang kasalanan na may malalang kahihinatnan. Ang mga hindi nagsisisi ay namumuhay sa isang kalagayan ng pagsuway sa Diyos, hindi nakikinig sa Kanyang tawag. Ang mga hindi nagsisisi ay nananatiling hindi ligtas hanggang sa tumalikod sila sa kanilang kasalanan at yakapin ang sakripisyo ni Cristo sa Krus.
Si Haring Solomon, ang pinakamatalinong tao na nabuhay, ay sumulat ng, “Ang taong ayaw magbago ay hindi maliligtas; ang hindi makinig ng payo ay mapapahamak” (Kawikaan 29:1). Ang pagiging matigas ang ulo ay ang pagkakaroon ng isang matigas na espiritu na hindi tumutugon sa patnubay o pagtutuwid ng Diyos. Ang mga matitigas ang ulo ibig sabihin, ay hindi nagsisisi.
Nagbabala si Apostol Pablo tungkol sa mga kahihinatnan ng hindi pagsisisi: “Ngunit dahil matigas ang iyong ulo at ayaw mong magsisi, lalo mong pinapabigat ang parusang igagawad sa iyo sa Araw na iyon, kung kailan ihahayag ang poot at makatarungang paghatol ng Diyos. Sapagkat igagawad Niya sa lahat ng tao ang naaayon sa kanilang mga ginawa. Buhay na walang hanggan ang ibibigay Niya sa mga taong nagpapatuloy sa paggawa ng mabuti, at naghahangad ng karangalan, kadakilaan at kawalang kamatayan. Ngunit matinding galit at poot ang sasapitin ng mga taong makasarili at ayaw sumunod sa katotohanan kundi sumusunod sa kasamaan. Paghihirap at kapighatian ang daranasin ng bawat gumagawa ng masama, una ang mga Judio at gayundin ang mga Hentil” (Roma 2:5–9; cf. Psalm62:12). May darating na paghuhukom. Maganda ang resulta ng pagiging matuwid, ngunit ang mga kahihinatnan ng hindi pagsisisi ay magiging malupit.
Ang aklat ng Pahayag ay nagpapakita kung gaano kahilig magkasala ang makasalanan. Sa panahon ng kapighatian, pagkatapos ng tatlong magkakaibang paghatol ng Diyos, ang masasama ay mananatiling hindi nagsisisi, sa kabila ng kanilang matinding pagdurusa (Pahayag 9:20–21; 16:8–11). Ang trahedya ay kahit ang ilang tao ay nakararanas na ng kakila-kilabot na mga kahihinatnan ng kanilang kasalanan, hindi pa rin sila nagsisisi.
Mayroon bang isang hindi nagsisising Kristiyano? Sa Bibliya, upang maging isang Kristiyano, dapat magsisi at maniwala; ang mananampalataya kay Cristo ay ang nagsisi sa kasalanan. Anong tawag sa mga nag-aangking mananampalataya na nabubuhay sa kasalanang hindi nagsisisi? Malamang, hindi sila naligtas; sila ay mga nagpapanggap lamang, na walang gawain ng Banal na Espiritu sa kanilang mga puso. Tahasang sinabi ito ni Apostol Juan: “Kung sinasabi nating may pakikisama tayo sa Kanya at lumalakad sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi natin isinasabuhay ang katotohanan” (1 Juan 1:6). Ang isa pang posibilidad ay may nag-aangking sila'y ligtas ngunit nabubuhay sa kasalanan na hindi nagsisisi at patuloy na sumusuway sa Diyos - ang hindi nila pagsisisi ay pansamantalang katigasan ng puso, at ang disiplina ng Diyos ang magpapanumbalik sa kanila sa Kanya (tingnan sa 1 Corinto 5:1–5).
Ang hindi nagsisising makasalanan ay kailangang marinig ang mabuting balita ng pagliligtas ng Diyos. Ang kabutihan ng Diyos ay umaakay sa mga tao sa pagsisisi (Roma 2:4), at Siya ay isang Diyos na may mahabang pagtitiis. Dapat ipagtapat ng mga Kristiyano ang kanilang sariling mga kasalanan, manalangin para sa mga hindi nagsisisi, at magbahagi ng salita ng Diyos sa mga hindi pa mananampalataya: “Mahinahon Niyang itinutuwid ang mga sumasalungat sa Kanya, baka sakaling sila'y bigyan ng Diyos ng pagkakataong magsisi't tumalikod sa kanilang mga kasalanan at malaman nila ang katotohanan. Sa gayon, maliliwanagan ang kanilang isip at makakawala sila sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang kanilang sundin ang kagustuhan Niya” (2 Timoteo 2:25–26).
English
Ano ang hindi pagsisisi? Ano ang ibig sabihin ng hindi nagsisisi?