Tanong
Dahil hindi pinapatawad ng Diyos ang isang tao hangga't hindi siya nagsisisi, maaari din ba nating ipagpaliban ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin hangga't hindi sila nagsisisi?
Sagot
Maraming sinasabi ang Bibliya patungkol sa pagpapatawad, tungkol sa pagpapatawad ng Diyos sa mga makasalanan at sa pagpapatawad ng tao sa kapwa tao. Ngunit ang dalawang uring ito ng pagpapatawad ay hindi magkahiwalay at magkaibang isyu ng pagpapatawad, sa halip sila ay direktang magkaugnay. Ang pagiging malapit sa Diyos sa araw-araw ay nakasalalay sa ating pagpapatawad sa iba (Mateo 6:2), at ang ating pagpapatawad sa iba ay dapat na ayon sa modelo ng pagpapatawad sa atin ng Diyos (Efeso 4:32; Colosas 3:13). Kaya mahalaga ang katanungang ito.
Dapat nating gawin ang ating buong makakaya upang maunawaan ang pagpapatawad sa atin ng Diyos kung magpapatawad tayo sa iba sa isang paraan na sumasalamin sa Kanyang pagpapatawad sa atin. Nakalulungkot na sa mga nagdaang siglo, nagdulot ng kalituhan ang salitang pagpapatawad at naging kalayaan ito sa isipan sa halip na kalayaan mula sa kasalanan. Ito ang dahilan ng kalituhan sa buong konsepto ng pagpapatawad.
Totoo na ang pagpapatawad na ipinagkakaloob sa atin ng Diyos ay Kanyang ipinagkakaloob sa oras na ipagtapat natin sa Kanya ang ating mga kasalanan at pagsisihan ang mga iyon. Ang paghingi ng tawad ay kinapapalooban ng pagsang-ayon sa Diyos tungkol sa ating kasalanan, at ang pagsisisi ay nangangailangan ng pagbabago ng isip tungkol sa ating mga maling gawa o saloobin at pagbabago sa ating kilos at gawa na nagpapakita ng tunay na kahandaan na iwaksi ang kasalanan. Hindi mapapatawad ang kasalanan malibang iyon ay ipagtapat at pagsisihan (tingnan ang 1 Juan 1:9; Gawa 20:21). Habang ito ay isang mahirap na kundisyon sa pagpapatawad, ito ay isang ring dakilang pagpapala at pangako. Ang pagpapahayag ng kasalanan ay hindi isang gawain ng pagkondena sa sarili kundi ito ay isang aksyon ng paghahanap sa probisyon ng Diyos sa lunas sa kasalanan, sa kapatawaran ng Diyos sa pamamagitan ni Kristo.
Ang kundisyon ng Diyos na dapat nating ipahayag sa Kanya at pagsisihan ang ating mga kasalanan ay hindi nangangahulugan na hindi handa ang Diyos na patawarin tayo. Ginawa Niya ang lahat sa Kanyang bahagi upang maipagkaloob sa atin ang Kanyang kapatawaran. Nakahanda ang Kanyang puso na magpatawad at hindi Niya nais na mapahamak ang sinuman (2 Pedro 3:9), at ginawa Niya ang hindi kayang isipin ng tao upang maipagkaloob ang tanging paraan para sa ating kapatawaran. Dahil sa paghahandog ni Hesus ng Kanyang buhay sa krus, malayang iniaalok sa atin ng Diyos ang Kanyang kapatawaran.
Sinasabi ng Kasulatan na dapat tayong magpatawad gaya ng pagpapatawad sa atin ng Diyos (Efeso 4:32) at ibigin ang bawat isa kung paanong inibig Niya tayo (Juan 13:34). Dapat tayong maging handa at kusang loob na magpatawad sa sinuman na lumalapit sa atin na nagpapahayag ng kanilang kasalanan at humihingi ng kapatawaran (Mateo 6:14–15; 18:23–35; Efeso 4:31–32; Colosas 3:13). Hindi lamang ito isang obligasyon kundi dapat na isa itong kasiyahan para sa atin na mga pinatawad ng Diyos. Kung tunay tayong nagpapasalamat para sa ating nakamit na kapatawaran, dapat na hindi rin tayo magaatubiling magkaloob ng kapatawaran sa nagkasala sa atin na nagsisisi, kahit na muli at muli silang magkasala sa atin. Tayo din naman ay patuloy at patuloy na nagkakasala sa Diyos at nagpapasalamat tayo na patuloy at patuloy din Niya tayong pinatatawad sa tuwing lalapit tayo sa Kanya ng may pusong nagsisisi.
Ang katotohanang ito ang magdadala sa atin sa katanungang ito: Dapat ba nating patawarin ang isang tao na hindi nagpapahayag ng kanyang kasalanan at hindi nagsisisi? Upang masagot ito ng tama, dapat na ipaliwanag muna ang kahulugan ng pagpapatawad: Una, ang mga sumusunod ang mga hindi tamang kahulugan ng pagpapatawad:
Ang pagpapatawad ay hindi pagpaparaya. Ang pagpaparaya ay ang matiyagang pagtitis kung hinahamon ang pasensya, pagpapalampas sa pagkakamali ng iba o pagpapanatili ng kontrol sa sarili sa harap ng sakit na dulot ng kasalanan ng iba. Ang pagpaparaya ang nagtutulak sa atin na timbangin ang ginawang kasalanan ng iba ng may pag-ibig, karunungan, at pangunawa at piliin na huwag umaksyon laban sa nagkasala. Ginagamit sa Kasulatan ang iba't ibang salita para sa paguugaling ito: pagtitiyaga, pagpapahinuhod, at siyempre ang pagpaparaya (tingnan ang Kawikaan 12:16; 19:11; 1 Pedro 4:8).
Ang pagpapatawad ay hindi rin paglimot. Hindi nakalimot ang Diyos tungkol sa ating mga kasalanan. Naaalala Niya ang lahat ng ating mga kasalanan at hindi Niya malilimutan kailanman' gayunman, hindi ang pagalaala Niya sa ating kasalanan ang komokondena sa atin (Roma 8:1). Ang pangangalunya ni David at pagsisinungaling ni Abraham ay nakatala sa lahat ng panahon sa Kasulatan. Tiyak na hindi nalilimutan ng Diyos ang kanilang mga kasalanan.
Ang pagpapatawad ay hindi pagalis ng lahat ng konsekwensya ng kasalanan. Kahit na napatawad na tayo sa pamamagitan ni Kristo, maaari pa rin tayong magdusa dahil sa mga natural na konsekwensya ng ating mga kasalanan (Kawikaan 6:27) o maranasan ang pagdidisiplina ng ating mapagmahal na Ama (Hebreo 12:5–6).
Ang pagpapatawad ay hindi isang pakiramdam. Ito ay pagtatalaga ng sarili na patawarin ang nagkasala. Maaaring makaramdam o hindi makaramdam ng maganda ang isang nagpapatawad. Ang pakiramdam ng kapaitan laban sa isang tao ay maaring lumipas sa pagdaan ng panahon kahit na hindi pa napapatawad ang taong nagkasala.
Ang pagpapatawad ay hindi isang pribado at lihim na aksyon ng indibidwal na puso. Sa ibang salita, ang pagpapatawad ay laging kinasasangkutan ng dalawang tao. Dito pumapasok ang pagtatapat ng kasalanan at pagsisisi. Ang pagpapatawad ay hindi lamang tungkol sa nangyari sa puso ng ginawan ng kasalanan; ito ay isang transaksyon sa pagitan ng dalawang tao.
Ang pagpapatawad ay hindi makasarili; hindi ito bunsod ng pansariling interes. Hindi tayo nagpapatawad sa nagkakasala sa atin para sa ating sarili o para gumaan ang ating pakiramdam o palayain ang ating sarili sa mga kabigatan. Nagpapatawad tayo dahil sa pag-ibig ng Diyos, pag-ibig sa ating kapwa at bilang pagpapasalamat para sa ating sariling kapatawaran.
Ang pagpapatawad ay hindi awtomatikong pagbabalik ng tiwala. Maling isipin na ang pagpapatawad sa isang abusadong asawa ay nangangahulugan na muli silang magsasama bukas. Ibinigay sa atin sa Kasulatan ang maraming dahilan upang hindi pagtiwalaan ang mga taong napatunayan ng hindi mapagkakatiwalaan (tingnan ang Lukas 16:10–12). Ang muling pagbabalik ng tiwala ay maguumpisa lamang pagkatapos ng proseso ng pagkakasundo na kinapapalooban ng tunay na pagpapatawad — na kinapapalooban naman ng pagpapahayag ng kasalanan at pagsisisi.
Gayundin, mahalagang malaman na ang iniaalok na kapatawaran na maaaring makamit mula sa tao ay hindi katulad ng pagpapatawad na ibinigay, tinanggap at ginawa ng Diyos. Ito ang dahilan kung bakit ang salitang pagpapatawad na ginagamit sa Bibliya ay iba ang kahulugan sa salitang pagpapatawad na ating ginagamit. Ang pangunawa natin kadalasan sa pagpapatawad ay "kahandaang magpatawad" na gaya ng aktwal na transaksyon ng tunay na pagpapatawad. Gaya ito ng popular na pananaw na kung ang isang tao ay bukas sa pagbibigay ng kapatawaran, siya ay nakapagpatawad na ng aktwal. Ngunit pinapaiksi ng malawak na pakahulugang ito sa pagpapatawad ang proseso ng pagpapahayag ng kasalanan at pagsisisi. Ang pagpapatawad na iniaalok at ang pagpapatawad na tinatanggap ay dalawang magkaibang bagay at hindi natin matutulungan ang ating sarili sa pamamagitan ng paggamit ng ibang terminolohiya.
Kung hindi ganito ang pagpapatawad, ano ito ngayon? Ang isang napakagandang pakahulugan sa pagpapatawad ay makikita sa aklat na may titulong "Unpacking Forgiveness" ni Chris Brauns:
Pagpapatawad ng Diyos: Isang pangako ng nagiisang tunay na Diyos na patawarin sa Kanyang biyaya ang sinumang magsisisi at mananampalataya upang maipagkasundo Niya sila sa Kanyang sarili, bagama't hindi inaalis ng pagpapatawad na ito ang konsekwensya.
Pangkalahatang pagpapatawad ng tao: Pagtatalaga ng isang pinagkasalahan na patawarin ang taong nagkasala sa kanya na nagsisisi mula sa isang kasamaang moral at makikipagkasundo sa taong iyon, bagama't hindi kinakailangang alisin ang lahat ng konsekwensya.
Sa pakahulugan ng Bibliya, ang buong pagpapatawad ay hindi lamang isang bagay na ipinagkakaloob ng pinagkasalahan; kinakailangan din na tanggapin ito ng nagkasala, upang magkaroon ng pagkakasundo sa pagitan ng dalawa. Ipinapakita sa Unang Juan 1:9 na ang proseso ng pagpapatawad unang-una ay upang palayain ang nagkasala hindi ang ginawan ng kasalanan; tinatapos ng pagpapatawad ang pagtanggi, dahil dito magkakaroon ng maayos na relasyon. Ito ang dahilan kung bakit dapat tayong maging handa sa pagpapatawad -- kung hindi tayo handang magpatawad, hindi natin hinahayaan ang iba na magkaroon ng kasiyahan sa biyayang ipinagkaloob sa atin ng Diyos. Mali ang turo ng makabagong saykolohiya tungkol sa pagpapatawad na ito ay kinasasangkutan ng isang tao lamang, na hindi kinakailangan ang pakikipagkasundo at ang layunin ng pagpapatawad ay upang palayain ang pinagkasalahan sa kapaitan ng hindi pagpapatawad.
Habang hindi tayo dapat na magtanim ng galit at kapaitan sa ating puso (Hebreo 12:15) o maghiganti (1 Pedro 3:9), dapat nating tiyakin na sundin ang kalooban ng Panginoon at hindi magpatawad sa mga taong hindi nagsisisi. Sa maiksing salita, dapat nating ipagpaliban ang pagpapatawad sa mga taong hindi umaamin sa kanilang kasalanan sa atin at hindi nagsisisi; ngunit gayundin naman, dapat nating ipagkaloob ang kapatawaran at maging handang magpatawad sa mga taong umaamin at nagsisisi sa kanilang kasalanan sa atin.
Habang binabato si Esteban hanggang mamatay, inilarawan niya ang prinsipyo ng pagpapatawad. Inulit ni Esteban ang mga pananalita ng Panginoong Hesus doon sa krus. Nanalangin si Esteban ng ganito: "Panginoon, huwag mo po silang pananagutin sa kasalanang ito!" (Gawa 7:60; cf. Lukas 23:34). Ipinapakita ng mga pananalitang ito ang kahandaang magpatawad, ngunit hindi ito nagpapahiwatig ng isang kumpletong transaksyon ng pagpapatawad. Simpleng ipinapanalangin lamang ni Esteban sa Diyos na patawarin ang mga pumatay sa kanya. Hindi siya nagtanim ng galit o ng kapaitan sa kanila, at sinasabi niya na kung magsisisi sa Diyos ang mga taong bumabato sa kanya, hinihiling niya sa Diyos na patawarin Niya sila — anong kahanga-hangang halimbawa ng pag-ibig sa ating mga kaaway at pananalangin para sa mga umuusig sa atin (Mateo 5:44).
Iniuutos ng Bibliya ang pagpapakain sa ating mga kaaway kung sila'y nagugutom (Roma 12:20). Hindi nito sinasabi na dapat na awtomatiko nating patawarin ang ating mga kaaway (o pagtiwalaan sila); sa halip, dapat natin silang ibigin at dapat tayong gumawa para sa kanilang ikabubuti.
Kung ipinagkaloob ng wala sa panahon ang pagpapatawad ng wala ang mga kundisyon ng pagamin sa kasalanan at pagsisisi, hindi matatalakay ng parehong partido kung ano ang katotohanan. Kung hindi kinikilala ng nagkasala ang kanyang kasalanan, hindi niya tunay na mauunawaan kung ano ang ibig sabihin ng kapatawaran. Sa pagdaan ng panahon, ang hindi pagamin at pagsisisi ay hindi makakatulong sa nagkasala upang maunawaan ang kasamaan ng kasalanan, at isinasantabi nito ang hustisya at magiging sanhi ito upang lalong magkaroon ang pinagkasalahan ng pakikipaglaban sa kapaitan.
Narito ang ilan sa mga susing alituntunin para sa Biblikal na pagpapatawad:
• Kilalanin ang katotohanan ng kasamaan (Roma 12:9)
• Ipaubaya ang paghihiganti sa Panginoon (Roma 12:19)
• Huwag magtatanim ng sama ng loob, huwag makikipagtalo o gaganti.
• Magkaroon ng isang pusong handang magpatawad sa nagkasala.
• Pagtiwalaan ang Diyos na bibigyan ka niya ng kakayahan na malabanan ang kasamaan ng kabutihan hanggang sa punto na maiibig at mapapakain mo ang iyong kaaway (Roma 12:20–21)
• Tandaan na itinalaga ng Diyos ang mga pamunuan at mga maykapangyarihan at bahagi ng gawain na ipinagkaloob sa kanila ng Panginoon ang "magparusa sa mga gumagawa ng masama" (Roma 13:4). Ang isa sa mga dahilan upang hindi mo dapat ipaghiganti ang iyong sarili ay dahil binigyan ng Diyos ng kapangyarihan ang pamahalaan na magpairal ng katarungan.
English
Dahil hindi pinapatawad ng Diyos ang isang tao hangga't hindi siya nagsisisi, maaari din ba nating ipagpaliban ang pagpapatawad sa mga nagkasala sa atin hangga't hindi sila nagsisisi?