settings icon
share icon
Tanong

Ano ang panganib / konsekwensya ng hindi pagpapahayag ng kasalanan?

Sagot


Sinasabi sa Juan 1:9, "Kung ipinahahayag natin ang ating mga kasalanan, ay tapat at banal siya na tayo'y patatawarin sa ating mga kasalanan, at tayo'y lilinisin sa lahat ng kalikuan." Ang talatang ito ay isinulat para sa mga Kristiyano at nagumpisa sa salitang "Kung." Iniaalok ng Diyos ang buong kapatawaran sa bawat kasalanan na nagagawa ng Kanyang mga anak KUNG ipapahayag nila ang mga iyon sa Kanya. Ang salitang "pagpapahayag" ay nagpapahiwatig ng pagsang-ayon sa Diyos kung gaano kasama ang ating kasalanan. Ang pagsisisi o paglayo mula sa kasalanan, ay bahagi ng pagpapahayag ng kasalanan. Para sa mga hindi pa napapatawad sa pamamagitan ng dugo ni Kristo, ang bawat kasalanan ay hindi pa naipahayag at hindi pa napapatawad. May naghihintay na walang hanggang kaparusahan para sa sinumang tatangging magsisi sa kanilang mga kasalanan at tatanggi sa paghahandog ni Hesus para sa mga kasalanan (2 Tesalonica 1:8–9; Juan 3:15–18). Ngunit paano ang mga Kristiyano na may mga kasalanang hindi ipinapahayag sa Diyos?

Ayon sa Kasulatan, ang lahat ng ating mga kasalanan ay binayaran na noong tanggapin natin ang handog ni Kristo para sa atin. Sinasabi sa 2 Corinto 5:21, "Yaong hindi nakakilala ng kasalanan ay kaniyang inaring may sala dahil sa atin: upang tayo'y maging sa kaniya'y katuwiran ng Dios." Noong ilagak natin ang ating pagtitiwala kay Kristo at sa kanyang paghahanodg ng Kanyang sarili sa krus, pinili ng Diyos na ituring tayo na mga makatuwiran. Hindi ang ating sariling katuwiran kundi ang katuwiran ni Kristo ang nakikita ng Diyos sa atin (Tito 3:5). Nakipagpalit Siya sa atin: ang ating maruming talaan para sa Kanyang malinis na talaan at mayroon na tayo ng buong pagsang-ayon at pagtanggap ng Diyos magmula ng araw na iyon.

Ngunit ano ang nangyayari sa tuwing magkakasala tayo pagkatapos na tanggapin ang perpektong talaan ni Hesus? Ito ay tulad sa pagtayo sa bintana sa isang napakalamig at nagyeyelong araw. Napakalamig ng hangin, ngunit ang sikat ng araw ay tumatama sa bintana. Naguumpisa iyon na painitin ang iyong pakiramdam, at nagagalak ka sa sinag nito. Bigla, isinara mo ang bintana. Sa isang iglap, tumigil ang init. Dahil ba ito sa tumigil ang araw sa pagsikat? Hindi. Ito ay dahil may isang bagay na nakapagitan sa iyo at sa araw. Sa sandaling buksan mo ang bintana, maiinitan kang muli ng araw. Ngunit nasa iyo ang desisyon. Ang nakapagitan sa iyo at sa araw ay nasa loob ng bahay, wala sa labas.

Ang hindi ipinahayag na kasalanan ay maitutulad sa isang saradong bintana. Nalulugod ang Diyos sa Kanyang mga anak (Awit 37:23; Roma 8:38–39). Ninanais Niya na pagpalain tayo, makisama sa atin at ipagkaloob ang Kanyang mga pagsang-ayon sa atin (Awit 84:11; 115:13; 1 Samuel 2:30). Nais Niya na malugod tayo sa init ng Kanyang mga "ngiti." Ngunit sa oras na piliin nating magkasala, nagtatayo tayo ng hadlang sa pagitan natin at ng ating banal na Ama. Isinasarado natin ang bintana at naguumpisang maramdaman ang lamig ng espiritwal na kalungkutan. Maraming sandali na inaakusahan natin ang Diyos sa pagiwan sa atin, ngunit sa katotohanan, tayo ang nangiiwan sa Kanya. Kung nagmamatigas tayo at hindi nagpapahayag ng ating mga kasalanan at hindi nagsisisi, didisiplinahin tayo ng ating mapagmahal na Ama (Hebreo 12:7–11). Maaaring masakit ang gagawing pagdidisiplina sa atin ng Diyos at maaaring humantong iyon sa ating kamatayan kung ang ating puso ay patuloy nating pinagmamatigas sa Kanya (1 Corinto 11:30; 1 Juan 5:16). Nais ng Diyos na manumbalik ang ating pakikisama sa Kanya higit sa ating pagnanais (Isaias 65:2; 66:13; Mateo 23:37; Joel 2:12–13). Inaabot Niya tayo, dinidisiplina at iniibig Niya tayo sa kabila ng ating mga kasalanan (Roma 5:8). Ngunit pinababayaan Niya na manatili ang ating malayang pagpapasya. Kailangan nating muling buksan ang bintana sa pamamagitan ng pagpapahayag at pagsisisi sa ating mga kasalanan.

Kung bilang mga anak ng Diyos ay pinipili natin na manatili sa ating kasalanan, pinipili natin kung gayon na maranasan ang mga konsekwensya na kalakip ng ating malayang pagpapasya. Ang resulta nito ay sirang relasyon sa Diyos at kapwa mananampalataya, at hindi paglago sa pananampalataya. Gayunman, ang mga nagpupumilit sa pagkakasala ay nararapat na magsuri sa kanilang relasyon sa Diyos (2 Corinto 13:5). Malinaw na sinasabi sa Kasulatan na ang mga tunay na nakakakilala sa Diyos ay hindi namumuhay sa kasalanan (1 Juan 2:3–6; 3:7–10). Ang pagnanais para sa kabanalan ang marka ng mga taong tunay na nakakakilala sa Diyos. Ang kilalanin ang Diyos ay ibigin Siya (Mateo 22:37–38). Ang ibigin Siya ay ang naisin na bigyan Siya ng kaluguran (Juan 14:15). Ang hindi pagpapahayag ng kasalanan ay hadlang sa pagbibigay sa Kanya ng kaluguran, kaya't ang tunay na anak ng Diyos ay magnanais na ipahayag ang kanyang mga kasalanan sa Kanya, humingi ng tawad sa kanyang mga kasalanan, baguhin ang kanyang puso at pagiisip, at ibalik ang dating init ng kanyang pakikisama sa Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang panganib / konsekwensya ng hindi pagpapahayag ng kasalanan?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries