settings icon
share icon
Tanong

Nabawtismuhan ako sa isang paraan na hindi naaayon sa Bibliya. Kailangan ko bang muling magpabawtismo?

Sagot


Malinaw ang katuruan ng Bibliya patungkol sa bawtismo. May dalawang bagay tayong dapat maintindihan. (1) Ang bawtismo ay dapat mangyari pagkatapos na pagtiwalaan ng isang tao si Hesu Kristo bilang Tagapagligtas at magtiwala sa Kanya lamang para sa kanyang kaligtasan. (2) Ang bawtismo ay sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig. Ang salitang bawtismo ay literal na nangangahulugan na "ilubog sa tubig." Ang bawtismo sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ang tanging kaparaanan ng pagbabawtismo na makapaglalarawan ng sapat sa simbolismo nito - ang pagkamatay at pagkalibing ng mananampalataya kasama ni Kristo at pagkabuhay na muli sa isang bagong buhay (Roma 6:4).

Paano ngayon ang mga nabawtismuhan ng hindi ayon sa Biblikal na kaparaanan? Alang alang sa malinaw na argumento, hatiin din natin sa dalawang kategorya ang uri ng mga taong nabawtismuhan sa ganitong paraan. Una. May mga nabawtismuhan bago sila naging Kristiyano. Ang pangkaraniwang halimbawa ay yaong mga nabawtismuhan habang bata pa sila at yaong mga nabawtismuhan ng matanda na ngunit hindi naman tunay na nakakilala sa Panginoong Hesu Kristo. Sa parehong sitwasyon, ang ganitong mga tao ay dapat na muling mabawtismuhan. Muli, ipinahayag sa Bibliya na ang bawtismo ay kailangang gawin ng isang tao pagkatapos niyang manampalataya kay Kristo. Ang simbolismo ng bawtismo ay mawawalang kabuluhan kung hindi tunay na naranasan ng isang tao ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo.

Ikalawa, may mga nabawtismuhan pagkatapos na manampalataya kay Kristo ngunit sa pamamagitan ng ibang kaparaanan katulad ng pagbubuhos ng tubig o pagwiwisik. Ang isyung ito ay mas mahirap. Kung ang paraan ng pagbawtismo sa isang tao ay sa pamamagitan ng pagwiwisik o pagbubuhos sa ulo, hindi ito tumutugma sa kahulugan ng "bawtismo" na nangangahulugan na "ilubog sa tubig," Gayunman, hindi tinalakay saanman sa Bibliya ang tungkol sa pagbabawtismo ng hindi inilulubog sa tubig. Ang isyung ito ay dapat na ayon sa kumbiksyon ng indibidwal. Ang isang mananampalataya na nabawtismuhan sa paraang hindi naaayon sa Bibliya ay dapat na humingi ng karunungan sa Diyos kung magpapabawtismo siyang muli sa tamang paraan (Santiago 1:5). Kung hindi tiyak ng isang Kristiyano ang idinidikta ng kanyang konsensya, mas maganda na muli siyang magpabawtismo upang hindi siya usigin ng kanyang budhi (Roma 14:23).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Nabawtismuhan ako sa isang paraan na hindi naaayon sa Bibliya. Kailangan ko bang muling magpabawtismo?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries