Tanong
Masama ba na gustuhin ng mamatay?
Sagot
Maraming tao na may taning na ang buhay dahil sa karamdaman, nasa mahirap na kalagayan o nawawalan na ng pag-asa dahil sa maraming kabigatan sa buhay ang nagiisip kung maaaring hilingin sa Diyos na kunin na lamang ang kanilang buhay. Ito ba ay isang uri ng pagpapakamatay? Kukunin na ba tayo ng Diyos kung ipapanalangin natin na kunin na niya ang ating buhay? Ang katanungang ito ay lumilikha pa ng isang katanungan: ang ganitong uri ba ng panalangin ay isang kasalanan?
Ang kagustuhan na makatakas sa mga pagdurusa, sa emosyon man o pisikal ay normal para sa tao. Kahit na ang Panginoong Hesus ay nanalangin, “Ama ko, kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito: gayon ma'y huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo” (Mateo 26:39). Ito ay panalangin ni Hesus bilang isang tao. Alam ni Hesus kung ano ang daranasin Niyang paghihirap sa krus ngunit pansinin na nagpapasakop Siya sa kalooban ng Ama (Juan 5:30). Sa Hardin ng Gethsemane, ipinakita ni Hesus na may mga panahon na kinakailangan ang pagdurusa at kusang loob siyang nagdusa dahil iyon ang kalooban ng Ama.
Bilang mga mananampalataya, dapat na lagi nating ipanalangin na “masunod ang Kanyang kalooban.” Walang sinuman sa atin ang mamamatay kung hindi pa iyon ang oras na itinakda sa atin ng Diyos. Pinatotohanan ni David na ang lahat ng araw ng ating mga buhay ay ayon sa plano ng Diyos at walang makakapag paiksi nito ng labas sa Kanyang kalooban: “kahit na ang mga araw na itinakda sa akin, nang wala pang anoman sa kanila” (Awit 139:16). Sa halip na ipanalangin ang kamatayan, mas mabuting manalangin para sa lakas na kaloob ng Diyos at sa Kanyang biyaya upang makatayong matatag sa gitna ng anumang pagdurusa na ating nararanasan at magtiwala sa Diyos na Siyang nakakaalam ng oras at detalye ng ating pagpanaw sa mundong ito.
Mahirap ang magdusa at kadalasan, ang pinakamahirap ay ang maunawaan kung bakit tayo nagdurusa. Ang mga pagdurusa ay nagpapahina sa pagtitiwala natin sa ating sarili at ayaw natin na maging mahina at umasa sa iba. Ngunit sa tuwing itinatanong natin: “Bakit ako pa Panginoon?” ang sagot ng Diyos ay maaaring, “Bakit hindi ikaw?” Sa tuwing nagdurusa ang mga mananampalataya sa mundong ito, may plano ang Diyos sa likod ng mga pagdurusang iyon. Ang Kanyang mga plano at layunin ay sakdal at banal. Sinasabi sa atin ng Mangaawit, “Tungkol sa Dios ang kaniyang lakad ay sakdal” (Awit 18:30). Kung ang lakad ng Diyos ay sakdal, mapagtitiwalaan natin anuman ang Kanyang ginagawa – dahil ang Kanyang pinahihintulutan ay sakdal din naman. Maaaring imposible para sa atin na maunawaan ang Kanyang layunin, ngunit ang pagiisip ng Diyos ay hindi natin pagiiisip gaya ng ipinapaalala Niya sa atin sa Isaias 55:8-9.
Nagdusa si Pablo dahil sa Kanyang “tinik sa laman,” isang karamdaman na hindi ipinaliwanag sa Bibliya at tatlong beses niyang ipinananalangin sa Diyos na alisin sa kanya iyon. Ngunit sa halip na bigyan siya ng kaginhawaan, hindi iyon ginawa ng Diyos. Ipinaalala Niya kay Pablo na ang layunin ng “tinik” sa lamang iyon ay upang huwag siyang “magpalalo ng labis dahil sa kadakilaan ng mga pahayag.” Ngunit hindi iniwan ng Diyos si Pablo na magdusang mag-isa. Tiniyak sa Kanya ng Diyos na ang Kanyang biyaya ay sapat at madadakila ang Diyos sa kanyang pagtitiwala sa Kanyang kapangyarihan. Ang tugon ni Pablo sa mga katotohanang ito ay pagmamapuri na ikinagagalak ang kanyang kahinaan upang manahan sa kanya ang kapangyarihan ni Cristo sapagka't kung kailan siya mahina, saka naman siya malakas (2 Corinto 12:7-10). Kaya nga, sa halip na tumakas sa mga pagdurusa sa pamamagitan ng kamatayan, dapat tayong magtiwala sa Diyos at magpahinga sa Kanya. Ang Kanyang layunin sa ating mga pagdurusa ay ang maluwalhati ang Kanyang pangalan at pasaganain sa atin ang Kanyang biyaya.
Sa tuwing nagdaranas tayo ng matinding pagdurusa, minsan, nararamdaman natin na hindi na natin kayang magpatuloy pa. Ngunit ipinapaalala sa atin ng Diyos na walang pagsubok na dumating sa mananampalataya na hindi pinagdaanan ng mga nauna sa atin. May ibang mananampalataya na nagdusa ng sakit na hindi nalunasan o napagaang ng modernong medisina. May ibang mananampalataya na dumanas ng matinding paguusig at kamatayan sa kamay ng mga kaaway ng Diyos. Ang iba naman ay nagdanas ng matinding kalungkutan ng pagiisa at pagiwan ng mga mahal sa buhay, samantalang ang iba naman ay nabilanggo dahil sa kanilang patotoo. Kaya’t tiyak na hindi tayo nagiisa. Ngunit ang Diyos ay laging tapat at hindi Niya tayo hahayaan na magdusa o subukin ng higit sa ating makakaya, at pagdating ng mga pagsubok, bibigyan Niya tayo ng paraan upang makatayong matatag sa gitna ng mga pagsubok at magtagumpay laban sa mga iyon (1 Corinto 10:13).
Sa huli, ang sagot sa katanungan kung kasalanan ba ang manalangin na kunin na ng Diyos ang buhay ay “ang anomang hindi sa pananampalataya ay kasalanan” (Roma 14:23). Sa ibang salita, kung sinasabi sa atin ng ating budhi na ito ay kasalanan, kung gayon ay kasalanan nga ito sa atin. Sinasabi din sa atin ng Kasulatan na, “Sa nakakaalam nga ng paggawa ng mabuti, at hindi ginagawa, ito'y kasalanan sa kaniya” (Santiago 4:17). May iisa lamang kasalanan na nagdadala sa impiyerno at ito ay ang patuloy na pagtanggi sa Panginoong Hesu Kristo bilang Tagapagligtas. Ang pananalangin sa Diyos na bawiin na Niya ang buhay ay maaaring isang kasalanan dahil nagpapakita ito ng kawalan ng pananampalataya. Ang isang mas magandang panalangin ay tulad nito: “O Diyos, ipinangako MO na iingatan ako sa gitna ng mga pagsubok. Nagmamakaawa ako na pagaanin Mo nawa ang aking pagdurusa o bigyan Mo ako ng kaparaanan upang makatakas mula rito. Ngunit sa lahat ng bagay, hindi ang kalooban ko kundi ang kalooban Mo ang masunod sa aking buhay. Amen.”
English
Masama ba na gustuhin ng mamatay?