settings icon
share icon
Tanong

Ano ang gagawin natin sa langit?

Sagot


Sa Lukas 23:43 sinabi ni Hesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.” Ang salitang ginamit ni Hesus para sa salitang “paraiso” ay paradeisos na nangangahulugan na “isang parke, katulad ng Eden” (isang lugar ng kaligayahan sa hinaharap o paraiso). Ang Paradeisos ay salitang Griyego na hango mula sa salitang Hebreo na pardes na ang kahulugan ay “isang parke: gubat o halamanan” (Strong’s). Sinabi ni Hesus, “Ngayon ay kakasamahin kita sa en paradeisos, hindi en nephele na salitang Griyego para sa “mga ulap.” Pinili ng Panginoon na gamitin ang salitang “isang parke.” Hindi lamang ito katulad ng ibang parke kundi ito ang “paraiso ng Diyos” o “parke ng Diyos” (Pahayag 2:7) na para sa atin ay isang lugar ng walang hanggang kasiyahan sa hinaharap. Nakakainip ba sa ganitong lugar? Kung iniisip mo ang isang parke, mababagot ka ba doon?

Sinabi ni Hesus, “Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.” (Mateo 4:10b). Kapansin pansin na hindi sinabi ni Hesus na “magpupuri at maglilingkod.” Kahit ang isang napakaiksing eksaminasyon sa salitang “pagpupuri” sa Bibliya ay nagpapakita na ito ay sa pamamagitan ng pagsasalita at pagawit. Sa isang banda, ang pagsamba naman ay nanggagaling sa puso. Ang pagsamba ay naipapahayag sa pamamagitan ng pagpupuri. Ang paglilingkod sa DIyos ay pagsamba at malinaw na itinuturo ng Bibliya na maglilingkod tayo sa Diyos sa langit. “At hindi na magkakaroon pa ng sumpa: at ang luklukan ng Dios at ng Cordero ay naroroon: at siya'y paglilingkuran ng kaniyang mga alipin” (Pahayag 22:3).

Hindi natin lubusang mapaglilingkuran ang DIyos dito sa lupa dahil sa kasalanan, ngunit sa langit, “hindi na magkakaroon pa ng sumpa“ (Pahayag 22:3). Wala na tayo doon sa ialim ng sumpa ng kasalanan, kaya’t ang lahat ng gagawin natin sa langit ay pagsamba sa Diyos. Wala ng ibang motibong magtutulak sa atin upang maglingkod sa Diyos kundi dahil sa ating pag-ibig sa Kanya, pag-big na hindi narurumihan ng ating makasalanang kalikasan.

Kaya ano ang ating gagawin sa langit? Isang bagay ang ating matututuhan: “Sapagka't sino ang nakaalam ng pagiisip ng Panginoon? o sino ang kaniyang naging kasangguni?” (Roma 11:34). “Na siyang kinatataguan ng lahat ng mga kayamanan ng karunungan at ng kaalaman” (Colosas 2:3). Ang Diyos “ang Mataas at Matayog na tumatahan sa walang hanggan, na ang pangalan ay Banal” (Isaias 57:15). Ang Diyos ay higit na malawak kaysa sa walang hanggan, at kailangan ang walang hanggan “upang matalastas pati ng lahat ng mga banal kung ano ang luwang at ang haba at ang taas at lalim, at makilala ang pagibig ni Cristo na di masayod ng kaalaman, upang kayo'y mangapuspos hanggang sa buong kapuspusan ng Dios” (Efeso 3:18-19). Sa ibang salita, hindi matatapos ang ating pagkatuto sa langit

Sinasabi sa atin ng Salita ng Diyos na hindi tayo mag-iisa sa Kanyang paraiso. Sapagka't ngayo'y malabo tayong nakakikita sa isang salamin; nguni't pagkatapos ay makikita natin sa mukhaan: ngayo'y nakikilala ko ng bahagya, nguni't pagkatapos ay makikilala ko ng gaya naman ng pagkakilala sa akin” (1 Corinto13:12). Nagpapahiwatig ito na hindi lamang natin makikilala ang ating mga kaibigan at mahal sa buhay sa langit kundi “makikilala natin sila ng lubusan.” Sa ibang salita, wala ng anumang lihim sa langit. Wala na roong dapat ikahiya. Wala na roong dapat itago. Mayroon tayo ng walang hanggan upang makisama sa “isang lubhang karamihan na di mabilang ng sinoman, na mula sa bawa't bansa at lahat ng mga angkan at mga bayan at mga wika” (Pahayag 7:9). Hindi kataka-taka na ang langit ay isang lugar ng walang hanggang pagkatuto ng lahat ng kaalaman.Gugugol tayo doon ng walang hanggan upang kilalanin lamang ang bawat isa!

Ang lahat ng ating inaasahan sa kung ano ang gagawin natin sa walang hanggang “parke” ng Diyos ay malulubos sa oras na “sasabihin ng Hari sa nangasa kaniyang kanan, Magsiparito kayo, mga pinagpala ng aking Ama, manahin ninyo ang kahariang nakahanda sa inyo buhat nang itatag ang sanglibutan” (Mateo 25:34). Anuman ang ating gagawin sa langit, nakatitiyak tayo na iyon ay kahanga hanga at hindi kayang ilarawan ng ating imahinasyon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang gagawin natin sa langit?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries