Tanong
Paano ko palalaguin ang aking espiritwal na pangunawa?
Sagot
Ang kahulugan ng espiritwal na pangunawa o spiritual discernment ay “ang pagkakaroon ng kakayahan na maintindihan o maunawaan ang malabo; pangunawa sa isang bagay; kapangyarihan na makita ang hindi malinaw para sa isang pangkaraniwan ang katalinuhan.” Binibigyang diin ng pakahulugang ito ang “kawastoan,” gaya ng “kakayahan na makita ang katotohanan.” Ang espiritwal na pangunawa ay ang kakayahan na makita ang pagkakaiba sa pagitan ng tama at mukhang tama. Ito ay ang pagkakaroon ng makalangit na karunungan.
Laging nababalot ng mga pagtatalo at debate ang espiritwal na katotohanan dahil ito ay malabo para sa marami. Sinabi ni Hesus sa mga alagad tungkol sa mga Pariseo, “Ipinagkaloob sa inyo ang karapatang maunawaan ang hiwaga tungkol sa kaharian ng langit, ngunit hindi ito ipinagkaloob sa kanila” (Matthew 13:11). Binulag ni Satanas ang isip ng mga hindi sumasampalataya (2 Corinto 4:4), kaya’t kailangan na ang Diyos ang magbigay ng liwanag sa isipan ng tao upang magkaroon sila ng kakayahan na maunawaan ang katotohanan. Imposible na magkaroon ng karunungan kung hindi dahil sa Diyos. Siya ang nagbibigay o bumabawi ng espiritwal na pangunawa (Job 12:19-21).
May mga mali ang pakahulugan sa espiritwal na karunungan at sinasabing ito ay ang kakayahang bigay ng Diyos para diumano malaman ang presensya ng mabuti at masamang espiritu - at ang kakayahan na malaman kung may demonyo sa isang lugar. Habang maaaring may ilan na nagtataglay ng ganitong kapasidad, hindi ito ang Biblikal na pakahulugan sa espiritwal na pangunawa. Ang espiritwal na pangunawa ay may kinalaman sa karunungan at sa kakayahan na makilala kung ano ang katotohanan at kung ano ang kamalian.
Inihalintulad sa tao ang karunungan sa Kawikaan 2 at inilarawan bilang isang tao na “maaari nating makilala” (mga talata 20-33). Sinasabi sa Bibliya na si Hesu Kristo ang “karunungan ng Diyos” (1 Corinto 1:30). Kaya nga, ang karunungan o espiritwal na pangunawa ay bunga ng pagkakilala kay Hesu Kristo. Ang paraan ng mundo sa pagkakaroon ng karunungan ay kakaiba sa paraan ng Diyos. Inilalapat ng mga marurunong sa sanlibutan ang kanilang karunungan sa paglutas ng mga problema, sa pagtatayo ng mga gusali, at sa paglikha ng mga pilosopiya. Ngunit hindi ipinahintulot ng Diyos na makamit ng tao ang karunungang nanggagaling sa Kanya sa pamamagitan ng karunungan ng mundo. Sinasabi sa 1 Corinto 1:18-31 na ang “karunungan ng matatalino”ay pinawalang saysay ng Diyos at ipinagkaloob ang Kanyang karunungan sa mga “mangmang” at “mahihina” sa pamamagitan ng pakikipagrelasyon kay Hesu Kristo. Sa ganitong paraan, walang sinumang tao ang maaaring “magmalaki sa Kanyang harapan” (talata 29). Natututuhan natin ang espiritwal na pangunawa sa pamamagitan ng pagkilala sa Kanya.
Hindi masama na magkaroon ng karunungan o magkaroon ng edukasyon, at hindi rin masama na gamitin ang pangangatwiran at lohika sa paglutas ng mga problema. Gayunman, hindi maaaring makamit ang espiritwal na pangunawa sa ganitong pamamaraan. Kailangang magmula ito sa pamamagitan ng kapahayagan ni Hesu Kristo sa mananampalataya, at palaguin sa pamamagitan ng pagsasanay sa katuwiran (Hebreo 5:14) at pananalangin (Filipos 1:9). Ipinapakita sa Hebreo 5:11-14 kung paano lumalago ang espiritwal na pangunawa. Sinabi ng manunulat na may mga tao na naging “mabagal ang pangunawa” na nangangahulugan na hindi na sila nagsasanay na umunawa sa paraang espiritwal. Sinabihan sila ng manunulat ng Hebreo na ang sinumang nabubuhay sa “gatas” sa halip na “matigas na pagkain” (na ninanais ng may gulang na) ay hindi pa sanay sa salita ng katuwiran; samantalang ang malagong Kristiyano ay “marunong nang kumilala ng mabuti't masama.” Ang mga susi, ayon sa talatang ito, ay maging dalubhasa sa Salita ng Diyos (na siyang pakahulugan sa katuwiran) at “palagiang pagsasanay” (kung saan nagkakaroon tayo ng karanasan).
Ngayon, paano palalaguin ang espiritwal na pangunawa? Sa pagkilala na ang Diyos lamang ang tanging makakapagpalago sa karunungan, ipanalangin mo na lumago ang iyong espiritwal na kaalaman. (Santiago 1:5; Filipos 1:9). Pagkatapos, dahil ang pagkakaroon ng karunungan upang malaman kung ano ang mabuti at masama ay nagmumula sa pagsasanay at sa pagsasapamuhay, magbasa ka ng Salita ng Diyos upang matutuhan mo ang katotohanan at sa pamamagitan ng pagninilay-nilay niyon ay lumalim ka sa katotohanan.
Kung kukuha ang isang bangko ng empleyado, sinasanay ito sa pagkilala sa pekeng pera. Maaaring isipin na ang pinakamagandang paraan upang malaman kung ano ang peke ay ang pagaaral sa iba’t ibang uri ng pekeng pera. Ang problema ay laging may gumagawa ng pekeng pera araw araw. Ang pinakamagandang paraan upang malaman kung alin ang peke ay ang pagkakaroon ng malalim na kaalaman sa totoong pera. Dahil napagaralan ng mga empleyado ng bangko ang katangian ng tunay na pera, hindi na sila naloloko kung may mahahawakan silang peke. Ang kaalaman sa totoo ang tumutulong sa kanila upang makilala ang huwad.
Ito ang dapat na gawin ng mga Kristiyano upang mapalakas ang kanilang espiritwal na pangunawa. Dapat nating malaman kung ano ang tunay, upang kung dumating ang huwad, makikilala natin iyon. Sa pamamagitan ng kaalaman at pagsunod sa salita ng Diyos, matututo tayong kumilala ng mabuti at masama” (Hebreo 5:14). Malalaman natin ang mga katangian at kalooban ng Diyos. Ito ang puso ng espiritwal na pangunawa - ang pagkakaroon ng kakayahan na makita ang kaibahan ng tinig ng mundo at ng tinig ng Diyos, ang magkaroon ng pagkilala na ang isang bagay ay masama o ang isang bagay ay mabuti. Itinataboy ng espiritwal na kaalaman ang tukso at binibigyan tayo ng kakayahan na “kasuklaman ang masama at pakaibigin ang mabuti” (Roma 12:9).
English
Paano ko palalaguin ang aking espiritwal na pangunawa?