settings icon
share icon
Tanong

Ano ang espiritwal na paglalakbay?

Sagot


Ang espiritwal na paglalakbay ay isang pariralang ginagamit ng iba’t ibang relihiyon upang ipahiwatig ang natural na progreso sa pagunlad ng isang tao habang lumalago siya sa pangunawa sa Diyos, sa mundo, at sa kanyang sarili. Ito ay isang intensyonal na pamumuhay sa paglalim sa kaalaman at karunungan. Ngunit ang kahulugan ng espiritwal na paglalakbay patungo sa pagiging kawangis ni Kristo ay lubhang naiiba sa isang paglalakbay patungo sa isang uri ng espiritwalidad na hindi kasama at hindi nakabase sa persona at gawain ng Panginoong Hesu Kristo.

May ilang pagkakaiba sa pagitan ng espiritwal na paglalakbay ng Kristiyano at ng mga nasa New Age. Umuusal ng mga mantra ang mga New Agers ilang oras sa loob ng isang araw. Sinasabi sa Bibliya na dapat tayong magpaabot ng ating saloobin sa Diyos sa pamamagitan ng mga panalangin (1 Tesalonica 5:17). Samantala, naniniwala naman ang mga New Agers na maaaring piliin ng tao ang kanyang sariling daan sa kanyang paglalakbay at ang lahat ng mga daang ito ay pare-pareho lamang ang destinasyon. Sinasabi ng Bibliya na may iisa lamang daan — si Kristo (Juan 14:6). Naniniwala ang mga New Agers na ang espiritwal na paglalakbay ay hahantong sa pakikipagisa sa sangnilikha. Itinuturo naman ng Bibliya na ang sangnilikha ay nasa isang digmaan (Efeso 6:12) at bahagi ng paglalakbay ang pakikipaglaban sa kaluluwa at sa ating sariling mga lakad (1 Timoteo 6:12).

Ang isa pang pagkakaiba ay hindi lamang aktwal na itinuturo ng Bibliya ang espiritwal na paglalakbay kundi maging ang mga prosesong nakapaloob dito. Ang isang Kristiyano ay naguumpisa bilang isang sanggol (1 Corinto 13:11), na nakikita pa ang mundo sa pamamagitan ng mahiyaing mga mata, at naiimpluwensyahan pa ng kasalanan, at nangangailangan ng panimulang aralin tungkol sa Diyos at sa kanilang kalagayan sa harapan ng Diyos (1 Corinto 3:1–2; 1 Pedro 2:2).Binigyan ang mga bagong Kristiyano ng gawain sa iglesya na naaangkop sa kanilang kalagayan bilang mga bata pa sa pananampalataya (1 Timoteo 3:6). Habang lumalago ang mga Kristiyano sa pangunawa tungkol sa Diyos at sa mundo, natututuhan nila kung paano kumilos at makisama sa mundo (Tito 2:5–8). Ang isang tao na malayo na ang nilakad sa kanyang espiritwal na paglalakbay ay nagiging halimbawa para sa mga nakababatang Kristiyano (Tito 2:3–4) at minsan, ay nagiging tagapanguna sa Iglesya (1 Timoteo 3).

Sa puso ng espiritwal na paglalakbay ay ang pangunawa na ito ay isang paglalakbay. Wala isa man sa atin ang perpekto. Pagkatapos nating maging mananampalataya, hindi sa atin inaasahan na agad-agad na makaabot sa hustong gulang sa pananampalataya o malaman ang lahat ng katotohanan at maisapamuhay agad ang mga iyon sa maiksing panahon. Sa halip, ang buhay Kristiyano ay isang proseso na kinapapalooban ng ating atensyon (2 Corinto 7:1) at ng gawa ng Diyos sa atin (Filipos 1:6; 2:12–13). At mas higit itong may kinalaman sa oportunidad at sa intensyonal na pagsisikap kaysa sa pisikal na edad (1 Timoteo 4:12).

Ang isang espiritwal na paglalakbay na puno ng mga walang lamang mantra ay magbubunga lamang sa isang hungkag na puso. Ang isang paglalakbay na puno ng pagaaral ng Bibliya, pagsunod sa itinuturo nito at ng pagtitiwala sa Diyos ay isang habambuhay na paglalakbay na magdudulot sa atin ng tunay na pangunawa sa mundo at sa isang malalim na pag-ibig para sa ating Manlilikha.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang espiritwal na paglalakbay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries