Tanong
Ano ang pananaw ng Bibliya tungkol sa mga kutang espiritwal (spiritual strongholds)?
Sagot
Ang salitang “kuta” o stronghold ay matatagpuan ng isang beses lamang sa Bagong tipan. Ito’y isang pigura ng pananalita (metaphor) na ginamit ni Pablo upang ilarawan ang pakikibakang espiritwal ng mga Kristiyano: “Kung nabubuhay man ako bilang karaniwang tao, hindi ako nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng sanlibutan. Ang sandata ko'y may kapangyarihan ng Diyos at nakapagpapaguho ng mga kuta, at hindi sandatang makasanlibutan. Sinisira ko ang mga maling pangangatwiran” (2 Corinto 10:3-4). Ipinakikita ng mga talatang ito ang mga sumusunod na katotohanan tungkol sa ating pakikibakang espiritwal:
1) Ang ating pakikibaka ay hindi ayon sa pamamaraan ng pakikibaka ng mundo; wala itong kaugnayan sa makalupang estratehiya sa pakikidigma.
2) Ang ating mga sandata ay hindi pisikal, dahil ang kalikasan ng ating pakikibaka ay sa espiritwal. Sa halip na baril at mga tangke, ang ating mga sandata ay ang “buong kagayakan ng Diyos,” ang bigkis ng katotohanan, baluti ng pagkamatuwid, panyapak ng pagiging handa sa pangangaral ng Mabuting Balita ng pakikipagkasundo sa Diyos, kalasag ng pananalig kay Cristo, helmet ng kaligtasan, at ang tabak na kaloob ng Espiritu, samakatwid, ang Salita ng Diyos” (Efeso 6:14-17).
3) Ang ating kapangyarihan ay nanggagaling lamang sa Diyos.
4) Ang plano ng Diyos ay magpaguho ng mga espiritwal na kuta.
Ano ang mga “kuta” o “moog” na ating kinakaharap? Sa talatang ito, ipinaliwanag ni Pablo ang pigura ng pananalita: “Sinusugpo ko ang lahat ng pagmamataas laban sa Diyos, at binibihag ang lahat ng isipan upang tumalima kay Cristo” (2 Corinto 10:5). Ang mga pagmamataas na ito laban sa Diyos ay ang mga pilosopiya, pangangatwiran, at pamamaraan ng mundo. Ang mga “pagmamataas” na ito ay may kinalaman sa mga turong itinataas ang tao at ang pagmamalaki ng tao sa sariling kakayahan.
Ito ang larawan: Ang Kristiyano ay nakasuot ng baluting espiritwal habang dala dala ang kanyang mga sandatang espiritwal ay nakatakdang pasukuin ang mundo para kay Kristo, ngunit may mga hadlang. Nagtayo ang kalaban ng matibay na kuta upang labanan ang Katotohanan at hadlangan ang plano ng Diyos na pagliligtas. Ito ang mga moog at kuta ng pangangatwiran ng tao na pinalakas ng mga mapanlinlang na argumento at mapagkunwaring lohika. Mayroong kastilyo ng pagkahumaling sa kasalanan, na may nagbabagang mga palaso na ipinagtatanggol ang pita ng laman, makamundong kasiyahan at kasakiman. At naroon din ang tore ng pagmamataas, kung saan nakaluklok ang puso ng tao na ipinagbubunyi ang kanyang kasapatan at sariling karunungan.
Nakatayong matibay ang moog ng kaaway; ang mga moog na ito ay nababantayan sa loob ng libu-libong taon at hindi basta basta magigiba ng katotohanan. Ngunit walang anuman sa mga ito ang makapipigil sa isang Kristiyanong mandirigma. Gamit ang sandata na pinili ng Diyos, sasalakayin niya ang mga kuta at sa pamamagitan ng mahimalang kapangyarihan ni Kristo, guguho ang mga moog at ang balwarte ng kasalanan at kasinungalingan ay magigiba. Ang mapagtagumpay na Kristiyano ay papasok sa guho at bibihagin ang mga kaaway, ang mga maling katuruan at ang bawat pilosopiya ng tao na minsang nakatayo habang ipinagyayabang ang sariling kakayahan at hindi pagpapasakop sa Diyos.
Kung ang nasa itaas ay tila tulad sa pakikipaglaban ni Josue sa mga taga Jericho, tama ka. Napakagandang paglalarawan ng espiritwal na katotohanan ang salaysay na ito sa aklat ni Josue kabanata 6!
Hindi lamang ang pagbabahagi ng Ebanghelyo ang nilalabanan ng kaaway. Makikita din natin ang impluwensya ni Satanas sa ating mga buhay, sa ating mga pamilya at maging sa ating Iglesya. Ang sinumang lumaban sa adiksyon, nakipagbaka sa pagmamataas, o kinailangang tumakas sa makasalanang pita ng kabataan ay nalalaman na ang kasalanan, kawalan ng pananampalataya at ang makamundong pananaw sa buhay ay mga kuta din ng diyablo.
Itinatayo ng Panginoon ang Kanyang Iglesya, “at hindi makapananaig sa kanya kahit ang kapangyarihan ng kamatayan” (Mateo 16:18). Ang kinakailangan natin ay mga Kristiyanong mandirigma, na nakasukong buo ang sarili sa kalooban ng Panginoon ng mga hukbo, na gagamitin ang sandatang Kanyang ipinagkaloob. “Mayroong umaasa sa karong pandigma, at may sa kabayo naman ang tiwala; ngunit ang sa ating matibay na kuta” (Awit 20:7).
English
Ano ang pananaw ng Bibliya tungkol sa mga kutang espiritwal (spiritual strongholds)?