settings icon
share icon
Tanong

Ano ang kalaguan sa espiritwal? Paano ako lalago sa aking espiritwal na buhay?

Sagot


Ang kalaguan sa espiritwal ay nakakamit sa pamamagitan ng pagnanais na maging kawangis ni Hesu Kristo. Pagkatapos na maranasan ng isang tao ang kaligtasan, ang bagong Kristiyano ay naguumpisa sa proseso ng paglagong espiritwal, sa layunin na umunlad sa pagiging Kristiyano. Ayon kay Apostol Pablo, ito ay nagpapatuloy na proseso habang nabubuhay ang Kristiyano sa lupa. Sa Filipos 3:12–14, sa paksa ng pagkakaroon ng buong karunungan ni Kristo, sinabi niya sa kanyang mambabasa na, “Hindi sa nakamtan ko na ang mga bagay na ito. Hindi rin sa ako'y ganap na; ngunit sinisikap kong makamtan ang gantimpala sapagkat ito ang dahilan kung bakit ako'y tinawag ni Cristo Jesus. Mga kapatid, hindi ko ipinapalagay na nakamit ko na ito. Ngunit isang bagay ang ginagawa ko: nililimot ko ang nakaraan at sinisikap na marating ang layuning nais kong makamtan. Nagpapatuloy nga ako patungo sa hangganan upang makamtan ang gantimpala ng pagkatawag sa akin ng Diyos sa pamamagitan ni Cristo Jesus, ang buhay na hahantong sa langit.” Gaya ni Pablo, dapat tayong magpatuloy ng buong sikap sa pagkakaroon ng mas malalim na kaalaman sa Diyos kay Kristo.

Ang paglago ng Kristiyano ay nangangailangan ng radikal na pagsasaayos ng mga prayoridad, pagbabago ng layunin mula sa pagbibigay kasiyahan sa sarili patungo sa pagbibigay ng kasiyahan sa Diyos at pagsunod sa Kanya. Ang susi sa paglago ay pagpapatuloy, pagtitiyaga sa pagsasagawa ng mga bagay na alam nating makakapaglapit lalo sa atin sa Diyos. Ang mga gawaing ito ay tinutukoy na mga espiritwal na disiplina at kinapapalooban ng mga gawain gaya ng pagbabasa/pagaaral ng Bibliya, pananalangin, pakikisama sa kapwa mananampalataya, paglilingkod, at pagiging mabuting katiwala ng mga kaloob ng Diyos. Gayunman, kahit na gaano pa kahirap ang ating pinagdaanan sa pagsasakatuparan ng mga bagay na ito, hindi posible na magawa ang mga bagay na ito kung wala ang pagkilos ng Banal na Espiritu sa ating buhay. Sinasabi sa atin sa Galacia 5:16 na dapat tayong “lumakad sa Espiritu.” Ang salitang Griyego na ginamit sa salitang “paglakad” ay aktwal na nangangahulugang “lumakad ng may malinaw na layunin sa isipan.” Sa parehong kabanata, muling binanggit ni Pablo na dapat tayong “lumakad sa Epiritu.” Sa puntong ito, ang salitang Griyego na isinalin sa salitang tagalog na “paglakad” ay nagtataglay ng ideya ng “unti-unting paghakbang, isang beses sa isang panahon.” Ang kahulugan nito ay ang pagaaral sa paglakad sa ilalim ng pagtuturo ng isa— ang Banal na Espiritu. Ang kapuspusan sa Espiritu ay nangangahulugan na nabubuhay tayo na kontrolado ng Banal na Espiritu araw-araw. Habang nagpapasakop tayo sa pagkontrol ng Banal na Espiritu, makikita din natin ang pagdami ng bunga ng Espiritu sa ating mga buhay (Galacia 5:22–23). Ito ang katangian ng kalaguang espiritwal.

Nang tayo’y maging Kristiyano, binigyan tayo ng Diyos ng lahat ng ating kailangan para sa paglagong espiritwal. Sinabi sa atin ni Pedro na, “Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan” (2 Pedro 1:3). Ang Diyos lamang ang pinanggagalingan ng lahat, at ang lahat ng paglago ay nakakamit natin sa biyaya sa pamamagitan Niya ngunit responsable tayo na magdesisyong sumunod. Tinulungan tayong muli ni Pedro upang maunawaan ito: “Tinanggap natin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos ang lahat ng bagay na magtuturo sa atin upang tayo'y mamuhay na maka-Diyos. Ito'y dahil sa ating pagkakilala kay Jesus, na siya ring tumawag sa atin upang bahaginan tayo ng kanyang karangalan at kabutihan. Sa paraang ito ay binigyan niya tayo ng mga dakila at napakahalagang pangako upang makaiwas tayo sa nakakasirang pagnanasa sa sanlibutang ito at upang makabahagi tayo sa kanyang likas bilang Diyos. Dahil dito, sikapin ninyong idagdag sa inyong pananampalataya ang kabutihan; sa inyong kabutihan, ang kaalaman; sa inyong kaalaman, ang pagpipigil sa sarili; sa inyong pagpipigil sa sarili, ang katatagan; sa inyong katatagan, ang pagiging maka-Diyos; sa inyong pagiging maka-Diyos, ang pagmamalasakit sa kapatid; at sa inyong pagmamalasakit, ang pag-ibig. Ang mga katangiang iyan ang kailangan ninyong taglayin at pagyamanin, upang ang inyong pagkakilala sa Panginoong Jesu-Cristo ay huwag mawalan ng kabuluhan at kapakinabangan” (2 Pedro 1:3–8). Ang pagiging epektibo at mabunga sa kaalaman sa Panginoong Hesu Kristo ang esensya ng kalaguang espiritwal.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang kalaguan sa espiritwal? Paano ako lalago sa aking espiritwal na buhay?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries