settings icon
share icon
Tanong

Ano ang espiritwal na disiplina?

Sagot


Ang salitang disiplina ay nangangahulugan ng "inaasahang pagsasanay upang magkaroon ng isang partikular na katangian o paguugali." Hindi bahagi ng makasalanang kalikasan ang disiplina, kundi isang natural na sangkap ng buhay Kristiyano. Sa katotohanan, kung wala ito, halos wala tayong magagawang anumang bagay na mahalaga sa ating buhay. Ang disipilinang espiritwal ay maaaring ilarawan sa mga paguugali na tumutulong sa ating paglagong espiritwal at upang umunlad tayo sa ating pananampalataya. Ang proseso ng paglago at pagunlad sa espiritwal ay naguumpisa sa oras na makilala ng isang tao ang nabuhay na mag-uling Kristo at lumapit siya sa Kanya para sa kanyang kaligtasan.

Ang layunin ng disiplinang espiritwal ay ang pagpapaunlad ng ating panloob na pagkatao, na binago ng Panginoong Hesu Kristo sa oras ng kaligtasan (2 Corinto 5:17). Ang mga mananampalatayang tinubos ay nakaranas ng ganap na pagbabago ng buong pagkatao mula sa loob na kinapapalooban ng pagbabago sa isip, pakiramdam at paguugali na maaaring hindi agad nakikita sa panlabas na kilos. Ito ang nasa isipan ni Pablo ng kanyang sabihin ang paghuhubad ng "lumang pagkatao" at pagbibihis ng "bagong pagkatao" (Colosas 3:9-10).

May mga sikat na programa at aklat ngayon tungkol sa disiplinang espiritwal, ngunit ang ilan ay sobrang lumayo na mula sa Kasulatan sa pagtatangka ng mga manunulat na ilatag ang iba't ibang pamamaraan sa pagdidisiplina sa sarili. Ang ilan sa mga pamamaraang ito ay halos mistikal na at wala sa Bibliya, at minsan at tumatalakay pa sa mga paniniwala ng mistisimo sa Silangan, mistisimo ng Katolisismo at pilosopiya ng New Age. Mula sa mga kilusang ito lumitaw ang mga paniniwala na hindi naaayon sa Bibliya gaya ng "pagkarinig ng boses ng Diyos," at paghinga/pagbababad/pagninilay sa pananalangin. Ang pinakamagandang gawin upang makaiwas sa mga maling paniniwala patungkol sa disiplinang espiritwal ay manindigan at manatili sa malinaw na katuruan ng Bibliya na ibinigay sa lahat ng mga Kristiyano at italaga ang sarili sa pagbababad sa Salita ng Diyos kung saan nangungusap ang Diyos sa atin, at sa pananalangin na siyang paraan upang magpaabot tayo sa Kanya ng ating saloobin.

Ang pinakamahalaga sa disiplinang espiritwal ay ang pagbabasa, pagaaral, pagninilay at pagsasaulo ng Kasulatan. Kung pababayaan ang mga gawaing ito, walang anumang gawain ang magbibigay sa atin ng tagumpay sa pagdidisiplina sa ating sarili dahil simpleng wala tayong kapangyarihan na labanan ang ating makasalanang kalikasan kung saan nananahan ang ating bagong kalikasan. Wala din tayong kapangyarihan na labanan ang mga impluwensya ng demonyo na ang laging layunin ay ihiwalay tayo sa tanging kasangkapan sa paglagong espiritwal, ang Salita ng Diyos. Ipinaalala ni Pablo kay Timoteo na ang Kasulatan ay literal na nagmula sa bibig ng Diyos, o "hiningahan ng Diyos," at dahil dito, nagtataglay ito ng mismong kapangyarihan ng Diyos (2 Timoteo 3:16–17). Inilarawan din ni Pablo ang Ebanghelyo bilang "kapangyarihan ng Diyos" (Roma 1:16) at hinimok ang mga Kristiyano na kunin ang "tabak ng Espiritu, na walang iba kundi ang Salita ng Diyos" bilang ating tanging espiritwal na sandata laban sa pwersa ng mga demonyo (Efeso 6:17). Dapat nating simulan ang anumang pagtatangka na labanan ang kaaway sa tanging pinanggagalingan ng ating kapangyarihan, ang Salita ng Diyos.

Napakahalaga ng pagsasaulo ng Kasulatan. Lagi tayong malaya na pumili kung ano ang ating ilalagay sa ating isipan kaya nga mahalaga ang pagsasaulo ng Salita ng Diyos. Kung tunay tayong naniniwala na ang Bibliya ay Salita ng Diyos, bakit hindi natin ito isasaulo? Tinutulungan tayo ng pagmememorya na laging ang Salita ng Diyos ang maghari sa ating isipan at ito ang dahilan upang tumugon tayo sa mga nangyayari sa ating buhay ng naaayon sa itinuturo ng Salita ng Diyos. Ang isa sa pinakamakapangyarihang talata sa Kasulatan patungkol sa kahalagahan ng pagsasaulo ng Salita ng Diyos ay makikita sa Josue 1:8: "Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay." Sa pamamagitan ng disiplina ng pagsasaulo ng Kasulatan, makakapanalangin at makakapagnilay tayo ng Salita ng Diyos ng mas epektibo. Tutulungan din tayo nito na maging "masagana at matagumpay" ayon sa pakahulugan ng Diyos sa "tagumpay" para sa atin. Kung lumalakad tayo sa Kanyang mga daan at kalooban, magtataglay tayo ng isang panloob na pagkatao na puspos ng Espiritu Santo, at ng isang pusong kagaya ng sa Diyos.

Ang isa pang disiplinang espiritwal ay ang pananalangin. Ang ating mga panalangin ay isang espiritwal na pakikipagniig sa Diyos sa pamamagitan ng pasasalamat, pagsamba, paghingi, pamamagitan para sa iba at pagsisisi. Ang kahanga-hangang bagay tungkol sa panalangin ay kinakatagpo tayo ng Diyos sa ating kinalalagyan. Sumasaatin Siya upang pangunahan tayo sa isang mas malalim at tunay na relasyon sa Kanya, na hindi bunsod ng paguusig ng budhi sa halip, ng Kanyang pag-ibig. Binabago ng panalangin ang buhay ng mga mananampalataya. Binabago ng panalangin ang kasaysayan. Dahil sa ating pagkakilala sa Diyos, ninanais natin na maging katulad ni Hesus at makasunod sa Kanyang layunin para sa ating mga buhay. Sa biyaya ng Diyos, unti-unti Niyang ipinapakilala ang Kanyang sarili sa atin habang tayo'y nananalangin, at sa mga sandali ng pananalangin, mas nauunawaan at nararanasan natin ng malalim ang Kanyang pag-ibig. Siyempre, ang isa sa mga pangunahing resulta ng panalangin ay isang sinagot na panalangin. Ngunit sa buong katotohanan, ang sagot sa panalangin ay pangalawa lamang sa tunay na layunin ng panalangin — ang magkaroon ng patuloy na lumalago at hindi natatapos na pakikisama sa Diyos.

Kung pagsasama-samahin ang mga disiplinang espiritwal at ang Salita ng Diyos, ang mga gawaing ito ang magbibigay sa atin ng makabuluhang layunin na nagreresulta sa isang makadiyos na pamumuhay, sa pagpupuri sa Diyos, pagpapasakop, paglilingkod at pagdiriwang sa ating kaligtasan na Kanyang ipinagkaloob sa atin. Sa pamamagitan ng mga disiplinang ito, masusunod natin ang utos sa atin ng Diyos na, "Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban" (Filipos 2:12-13).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang espiritwal na disiplina?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries