Tanong
Sino ang mga espiritung nakabilanggo?
Sagot
Ang mga espiritung nakabilanggo ay binanggit sa konteksto ng ginawa ni Hesus sa panahon sa pagitan ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli. Sinasabi sa 1 Pedro 3:18-20, “Sapagkat si Cristo na walang kasalanan ay namatay nang minsan para sa inyo na mga makasalanan, upang iharap kayo sa Diyos. Siya'y pinatay sa laman, at muling binuhay sa espiritu. 19 Sa kalagayang ito, nagpunta siya at nangaral sa mga espiritung nakabilanggo. Sila ang mga espiritung ayaw sumunod noong matiyagang naghihintay ang Diyos nang panahon ni Noe, habang ginagawa nito ang daong. Doon ay iilang tao, walo lamang, ang nakaligtas sa tubig.” Maaalala na ang katawan ni Kristo ay patay pa noon at naghihintay ng pagkabuhay na mag-uli, ngunit buhay ang Kanyang espiritu sa panahong ito na pinuntahan Niya ang mga espiritung nakabilanggo. Para maunawaan ang bagay na ito, pakibasahin ang aming artikulo na may pamagat na, “Nasaan si Hesus noong tatlong araw sa pagitan ng Kanyang kamatayan at muling pagkabuhay?”
May ilang bagay tayong nalalaman tungkol sa mga espiritung nakabilanggo na binanggit sa 1 Pedro 3:19. Wala silang katawan, nagawa nila ang kanilang kasalanan bago ang baha, at dinalaw sila ni Hesus sa lugar kung saan sila nakabilanggo para ipaalam ang isang impormasyon. Sino ang mga espiritung ito na naging paksa ng mga espekulasyon sa loob ng maraming taon?
Una, tingnan natin ang salitang ‘mga espiritu.’ Ito ay salin sa tagalog mula sa salitang Griyegong pneumasin, isang porma ng salitang pneuma, na nangangahulugang “hangin o hininga.” Ginamit ito sa Bagong Tipan upang tukuyin ang mga anghel (Hebreo 1:14), mga demonyo (Markos 1:23), ang espiritu ni Hesu Kristo (Mateo 27:50), ang Banal na Espiritu (Juan 14:27), at ang espiritwal na sangkap ng tao (1 Corinto 2:11). Habang malinaw ang Bibliya na ang mga tao ay nagtataglay ng espiritu (Hebreo 4:12), hindi kailanman tinukoy sa Bibliya ang mga tao na simpleng “mga espiritu.” Hindi rin sinabi na nagtataglay ng espiritu ang Diyos Espiritu Santo, mga anghel at mga demonyo; sila ay ‘mga espiritu.’ Kaya nga ang pamantayang kahulugan para sa salitang “mga espiritu” sa pariralang mga “espiritung nakabilanggo” ay mga nilalang na iba kaysa sa mga tao.
Hindi maaaring mga banal na anghel ang mga espiritung nakabilanggo dahil hindi sila nagkasala o nasa bilangguan man. At kung hindi mga espiitu ng mga namatay na tao ang mga espiritung nakabilanggo, iisa lang ang natitirang opsyon – ang mga espiritung ito na nakabilanggo ay mga demonyo. Ngayon, malinaw na hindi lahat ng mga demonyo ay nakabilanggo. Ibinigay sa atin sa Bagong Tipan ang maraming halimbawa ng mga gawain ng mga demonyo sa mundo. Kaya ang mga espiritung nakabilanggo ay tila isang piling grupo ng mga demonyo na hindi malayang nakakagala sa mundo gaya ng iba pa nilang mga kakamping demonyo.
Ano ang maaaring dahilan para sa iba, ngunit hindi sa lahat ng demonyo upang sila’y mabilanggo? Ibinigay sa Judas 1:6 ang isang mahalagang palatandaan: “Alalahanin din ninyo ang mga anghel na hindi nanatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan. Kaya't sila'y ginapos ng Diyos ng di mapapatid na tanikala at ibinilanggo sa malalim na kadiliman, hanggang sa sila'y hatulan sa dakilang Araw ng Paghuhukom.” May ilang mga demonyo na nakagawa ng isang uri ng hindi pangkaraniwang pagkakasala. Hindi ibinigay sa Judas 1:6 ang mga detalye, ngunit ang kasalanan ng mga demonyong ito ay may relasyon sa hindi nila “pananatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip, iniwan nila ang kanilang tahanan.” Binabanggit din sa Pahayag 9:1–12, 14–15, at 2 Pedro 2:4 ang isang grupo ng napakasamang mga anghel na nakabilanggo sa kasalukuyan.
Ang kasalanan ng mga espiritung ito na nasa bilangguan ay maaaring ang tinutukoy sa Genesis 6:1-4, kung saan itinala ang mga “anak ng Diyos” na nakipagtalik sa mga “anak na babae ng mga tao” at nagkaanak ng isang lahi ng mga higante na tinatawag na “Nefilim.” Kung ang mga “anak ng Diyos” na ito ay ang mga anghel na bumagsak mula sa langit, lalabas na ang kanilang kasalanan sa Genesis 6 ay ang “hindi nila pananatili sa kanilang dating kalagayan at kapangyarihan, sa halip ay iniwan ang kanilang tahanan” bilang pagrerebelde sa Diyos bago ang Baha – at tumutugma ito sa binabanggit ni apostol Pedro sa 1 Pedro 3:19. Maipagpapalagay na nakipag-asawahan ang mga demonyong ito sa mga babaeng tao kaya’t ibinilanggo sila ng Diyos upang hindi nila ulitin ang kanilang kasalanan at upang magsilbing babala sa ibang demonyo na gawin din ang parehong kasalanan.
Ayon sa 1 Pedro 3:19, nagpahayag si Hesus sa mga espiritung ito sa bilangguan. Ang salitang isinalin sa “pahayag” o “pangaral” ay nangangahulugang “ideklara sa karamihan” o “ibalita.” Sinasabi ni Pedro na nagpunta si Hesus sa kalaliman at ipinahayag ang Kanyang tagumpay sa mga espiritung nakabilanggo doon. Natalo sila at nanalo si Hesus. Nagtagumpay ang krus sa lahat ng uri ng kasamaan (tingnan ang Colosas 2:15).
English
Sino ang mga espiritung nakabilanggo?