Tanong
Bakit napakaraming mga Kristiyanong ebangheliko ang nahuhuli sa mga eskandalo?
Sagot
Una, mahalagang bigyang pansin muna na ang "marami" ay hindi tamang pagpapalagay. Sa biglang tingin maraming mga tagapanguna ng ebanghelikong grupo ang nahuhuli sa eskandalo ngunit ito ay dahil sa napakalaking atensyon na ibinibigay sa mga naturang eskandalo. May libu-libong tagapanguna na ebangheliko, pastor, propesor, misyonero, manunulat at mga ebanghelista na hindi nasangkot sa anumang "eskandalo". Ang kalakhan ng bilang ng mga tagapanguna ng mga ebanghelikong Kristiyano ay mga lalaki at babaeng nagmamahal sa Diyos, tapat sa kanilang mga asawa at pamilya at ginagampanan ang kanilang mga tungkulin ng may buong katapatan at integridad. Ang pagbagsak ng iilan ay hindi dapat na gamitin upang pasamain ang imahe ng lahat ng Kristiyano.
Sa kabila nito, mayroon pa ring problema ng mga tagapanguna na nasasangkot sa eskandalo na nagaangkin na sila ay ebanghelikong Kristiyano. May mga prominente o kilalang tagapanguna ng ebanghelikong Kristiyano ang nahuli sa salang pakikiapid o pakikisangkot sa prostitusyon. May mga ebanghelikong Kristiyano naman ang nahatulang nagkasala sa pagiwas sa pagbabayad ng tamang buwis at iba pang iregularidad sa aspeto ng pananalapi. Bakit nangyayari ang ganito? Mayroong tatlong paliwanag tungkol dito: 1) Ang ilan sa mga nagsasabing sila ay ebanghelikong Kristiyano ay hindi totoong Kristiyano kundi mga manggagaway o charlatan, 2) ang ilan sa mga ebanghelikong tagapanguna ay ginagamit ang kanilang posisyon para sa pansariling kapakanan at, 3) si Satanas at ang kanyang mga demonyo ay mas agresibo sa pagatake at pagtukso sa mga tagapanguna ng Kristiyanismo dahil alam nila na ang isang eskandalo na sangkot ang isang kristiyanong tagapanguna ay may mapaminsalang epekto sa mga Kristiyano at maging sa mga hindi Kristiyano.
1) Ang ilan sa mga "ebanghelikong Kristiyano" na nahuhuli sa gitna na eskandalo ay hindi talaga totoong Kristiyano kundi mga manggagaway at mga bulaang propeta. Nagbabala si Hesus, "Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta; nagsisilapit sila sa inyo na animo'y tupa, ngunit ang totoo'y mababangis na asong-gubat. Makikilala ninyo sila sa kanilang mga gawa" (Mateo 7:15-20). Ang mga bulaang propeta ay nagkukunwaring mga makadiyos na lalaki at babae at sa biglang tingin ay mukhang mga tagapangunang ebangheliko. Gayunman ang kanilang bunga (eskandalo) ay nagpapakita na sinasalungat nila ang kanilang inaangkin. Ipinakikita ng kanilang mga gawain na sinusundan nila ang halimbawa ni Satanas, "Hindi ito dapat pagtakhan! Sapagkat si Satanas man ay maaaring magkunwaring anghel ng kaliwanagan. Kaya, hindi kataka-taka na magkunwaring lingkod ng katuwiran ang kanyang mga lingkod. Ang kanilang kahihinatnan ay ayon lamang sa kanilang mga gawa" (2 Corinto 11:14-15).
2) Binigyang linaw ng Bibliya na "ang kapalalua'y humahantong sa pagkawasak at ang mapagmataas na isipan ay ibabagsak" (Kawikaan 16:18). Ipinaalala ni Santiago na "Ang Diyos ay laban sa mga palalo, ngunit tumutulong sa mga mapagpakumbaba" (Santiago 4:6). Paulit ulit na nagbabala ang Bibliya laban sa pagmamataas. Maraming mga tagapanguna sa mga ebanghelikong grupo na inumpisahan ang ministeryo sa diwa ng kapakumbabaan at pagtitiwala sa Diyos, ngunit habang lumalago ang kanilang ministeryo, nagsisimula silang matukso at angkinin ang papuri sa kanilang mga sarili. May ilang tagapangunang ebangheliko na, habang naglilingkod sa Diyos sa kanilang mga labi, ang katotohanan ay kanilang pinangangasiwaan at itinatayo ang kanilang ministeryo sa pamamagitan ng kanilang sariling karunungan at kalakasan. Ang ganitong uri ng pagmamataas ay humahantong sa pagbagsak. Ang Diyos sa pamamagitan ni propeta Oseas ay nagbabala, "Ngunit nang kayo'y mabusog, naging palalo kayo at nakalimutan ninyo ako" (Oseas 13:6).
3) Alam ni satanas na kung matutukso niya ang isang ebanghelikong tagapanguna na gumawa ng isang eskandalo, ito ay may malaking negatibong resulta sa sangka-Kristiyanuhan. Gaya ng magkasala si haring David ng pangangalunya kay Batsheba at sa pagpatay kay Urias na nagdulot ng malaking pinsala sa kanyang sariling pamilya at sa buong bayang Israel, gayundin naman, maraming iglesia o ministeryo ang nasira o nawasak dahilan sa pagbagsak sa moralidad ng kanilang mga tagapanguna. Ginagawang dahilan ng mga hindi Kristiyano ang kabiguan ng mga tagapangunang Kristiyano upang tanggihan ang Kristiyanismo. Alam ito ni Satanas at ng kanyang mga demonyo at ito ang dahilan kung bakit mas masidhi ang kanilang pagatake sa mga kristiyanong tagapanguna. Ipinapaalala sa ating lahat ng Bibliya, "Humanda kayo at magbantay. Ang diyablo na kaaway ninyo ay parang leong umaatungal at aali-aligid na humahanap ng masisila" (1 Pedro 5:8).
Paano tayo tutugon kung may isang ebanghelikong tagapanguna ang maakusahan o mahuli sa isang eskandalo? 1) Huwag tayong makinig at huwag nating tanggapin ang mga akusasyon na walang sustansya at walang basehan (Kawikaan 18:8, 17; 1 Timoteo 5:19). 2) Gamitin ang mga Biblikal na hakbang upang sawayin ang mga nagkakasala (Mateo 18:15-17; 1 Timoteo 5:20). Kung ang kasalanan ay napatunayang totoo at ito ay napakalaki, ang permanenteng pagalis sa pagiging tagapanguna ay dapat isakatuparan (1 Timoteo 3:1-13). 3) Patawarin ang mga nagkasala (Efeso 4:32; Colosas 3:13), at kung mapatunayan ang totoong pagsisisi, maaari silang ibalik sa kapulungan (Galacia 6:1; 1 Pedro 4:8) ngunit hindi sa pagiging tagapanguna. 4) Maging tapat sa pananalangin para sa ating mga tagapanguna hindi man sila nasasangkot sa anumang eskandalo. Dahil sa mga problemang kanilang kinakaharap, ang tuksong kanilang mga tinitiis at ang hirap na kanilang dinadaanan, kailangan natin silang ipanalangin. Hilingin natin sa Panginoon na palakasin sila, ingatan sila at bigyan sila ng lakas ng loob na paglabanan ang lahat na gawa ng kaaway. 5) Ang pinakamahalaga sa lahat, ituring ang pagbagsak ng isang Kristiyanong tagapanguna bilang isang paalala na tanging sa Panginoon lamang nararapat ibigay ang buong pagtitiwala at wala ng iba pa. Ang Diyos ay hindi nagbabago, banal at hindi nagsisinungaling kailanman. "Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan; Ang kanyang kaningninga'y laganap sa sanlibutan" (Isaias 6:3).
English
Bakit napakaraming mga Kristiyanong ebangheliko ang nahuhuli sa mga eskandalo?