Tanong
Paano ako magiging isang epektibong saksi para kay Kristo sa mundong puno ng makasalanan?
Sagot
Ang isang “saksi” ay isang tao na nagpapatunay sa isang katotohanan, kaya upang maging isang epektibong saksi para kay Kristo, dapat na may personal na kaalaman ang saksing iyon tungkol kay Kristo. Ito ang sinasabi ni Apostol Juan sa 1 Juan 1:1-3 ng kanyang sabihin, “Sumusulat kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salita na nagbibigay-buhay. Narinig namin siya at nakita, napagmasdan at nahipo ng aming mga kamay. Nahayag ang Buhay. Nakita namin siya at pinatotohanan sa inyo. At ipinangangaral namin sa inyo ang Buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin. Ipinahahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig, upang makasama namin kayo sa pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo.” Ngayon, tayong mga nakaranas ng bagong buhay kay Kristo ay dapat na magbahagi tungkol sa Kanyang pag-ibig at pagpapatawad, sa salita at maging sa ating pamumuhay. Ito ang pagpapatotoo tungkol kay Kristo. Upang maging isang epektibong saksi, dapat nating tandaan ang ilang mahahalagang bagay:
1) Ang TEMA ng ating patotoo ay si Hesu Kristo. Ipinaliwanag ni Pablo ang Ebanghelyo na “ang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na mag-uli ni Hesu Kristo”(1 Corinto 15:1-4).Kung hindi natin ipinaliliwanag ang ginawang paghahandog ni Kristo, hindi natin tunay na ibinabahagi ang Ebanghelyo. (Tingnan din ang 1 Corinto 2:2 at Roma 10:9-10.) Ang isang importanteng sangkap ng temang ito ay ang katotohanan na si Hesu Kristo lamang ang tanging daan sa Kaligtasan, hindi isa sa maraming daan. Sumagot si Jesus, “Ako ang daan, ang katotohanan, at ang buhay. Walang makapupunta sa Ama kundi sa pamamagitan ko” (Juan 14:6).
2) Ang KAPANGYARIHAN ng ating patotoo ay ang Banal na Espiritu. Ang Banal na Espiritu ang bumabago sa ating buhay (Tito 3:5), at ang isang binagong buhay ay hayag sa lahat. Habang nagpapatotoo tayo, dapat tayong maggugol ng panahon sa pananalangin at umasa sa kapangyarihan ng Espiritu upang bigyan tayo na lakas na paliwanagin ang ating ilaw sa mga tao upang kilalanin nila ang kapangyarihan ng Diyos na sumasaatin (Mateo 5:16).
3) Ang KATIBAYAN ng ating patotoo ay makikita sa ating pamumuhay. Ipinahayag sa Filipos 2:15 ang layunin ng Diyos para sa atin, “upang kayo'y maging ulirang mga anak ng Diyos, malinis at walang kapintasan sa gitna ng mga taong liko at masasama. Sa gayon, magsisilbi kayong ilaw sa kanila, tulad ng talang nagniningning sa kalangitan.” Ang isang taong may epektibong patotoo ay namumuhay ng walang kapintasan sa kapangyarihan ng Banal na Espiritu na ang bunga ay nakikita sa ating buhay sa pamamagitan ng ating pananatili kay Kristo (Juan 15:1-8; Galacia 5:22-23).
Maaaring ang pinakamahalaga sa lahat ay dapat tayong maging pamilyar sa Kasulatan upang tama at maayos ang ating pagpapahayag ng Ebanghelyo sa iba, “Idambana ninyo sa inyong puso si Cristong Panginoon. Humanda kayong lagi na magpaliwanag sa sinumang magtatanong sa inyo tungkol sa inyong pag-asa” (1 Pedro 3:15). Ang ibig sabihin ng pagiging laging handa ay ang masusing pagaaral ng Salita ng Diyos, pagsasaulo ng mga talata sa Bibliya at pananalangin para sa mga oportunidad na makapagbahagi ng Ebanghelyo sa mga taong inihanda ng Diyos ang puso sa pagdinig ng mensahe ng Ebanghelyo.
English
Paano ako magiging isang epektibong saksi para kay Kristo sa mundong puno ng makasalanan?