Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagdidisiplina sa iglesia / pagturing bilang isang pagano sa isang ayaw magpadisiplina?
Sagot
Ang pagturing sa isang miyembro bilang isang hindi mananampalataya ay ang pormal na pagalis sa isang tao bilang miyembro ng iglesya at ang hindi pagpansin ng ibang mga miyembro sa taong iyon.Tinuruan tayo ng tamang proseso sa pagsasagawa nito gaya ng pagpunta at pakikipagusap ng isang miyembro (kadalasan ay ang nagawan ng pagkakasala) sa taong nakagawa ng kasalanan. Kung hindi magsisi ang taong iyon, magsasama ang taong pinagkasalanan ng dalawa o tatlong saksi upang baka-sakali ay magsisi ang tao at upang tiyakin ang kawalan ng pagsisisi ng taong iyon kung sakaling hindi pa rin ito magsisi. Kung hindi pa rin magsisi ang taong iyon sa kanyang kasalanan pagkatapos kausapin sa harap ng dalawa o tatlong saksi, sasabihin na ang kanyang kasalanan sa harapan ng iglesya. Ang proseso ay hindi kanais nais, gaya ng isang ama na hindi nasisiyahan sa pagdidisiplina sa kanyang anak. Nguni’t kadalasan, ito ay kailangang isakatuparan. Ang dahilan ay hindi upang maging marahas o kaya nama'y ituring na mas mabuti ang sarili kaysa iba. Manapa, ang layunin ay upang ibalik na muli ang isang tao sa kanyang maayos na relasyon sa Diyos at sa ibang mananampalataya. Ito ay ginagawa sa diwa ng pag-ibig bilang pagsunod sa utos ng Diyos at para sa Kanyang kapurihan ng may banal na pagkatakot para sa kapakanan ng iba at ng iglesya.
Binibigyan tayo ng halimbawa ng Bibliya sa pangangailangan ng pagdidisiplina ng lokal na iglesya sa iglesya sa siyudad ng Corinto (1 Corinto 5:1-13). Sa mga talatang ito, ibinigay ni Pablo ang ilang mga dahilan ng Biblikal na pagdidisiplina. Ang unang dahilan (hindi direktang tinukoy sa mga talata) ay para sa magandang patotoo ng Panginoong Hesus (at ng Kanyang iglesya) sa harap ng mga hindi mananampalataya. Nang magkasala si David kay Batsheba, ang isa sa mga konsekwensya ng kanyang kasalanan ay ang pagkasira ng pangalan ng Diyos sa harapan ng Kanyang mga kaaway (Samuel 12:14). Ang ikalawang dahilan ay dahil sa ang kasalanan ay gaya ng sakit na kanser; kung hahayaan itong manatili, ito ay kakalat gaya ng kung paanong "ang kaunting pampaalsa ay nagpapalaki sa buong masa” (1 Corinto 5:7-8). Ang nais ni Kristo para sa Kanyang mapapangasawa, ang Kanyang iglesya ay manatili itong malinis at karapatdapat sa Kanya (Efeso 5:25-27).
Ang pagdidisiplina ay para din sa pangmatagalang kapakanan ng isang taong dinidisiplina ng iglesya. Sinabi ni Pablo sa 1 Corinto 5:5 na ang pagdidisiplina ang paraan upang ibigay ang katawan ng isang taong hindi nagsisisi sa kanyang makasalanang kalagayan kay Satanas (o sa isa sa kanyang mga demonyo) bilang isang kasangkapan sa pagdidisiplina.
Ang pagdidisiplina ay isang aksyon ng iglesya sa pag-asa na matagumpay na makapagdulot ng makadiyos na kalungkutan at tunay na pagsisisi sa nagkasala. Kung mangyari ito, ang nagkasala ay muling maibabalik sa iglesya. Ang taong dinisiplina ng iglesya sa Corinto 5 ay nagsisi at hinimok ni Pablo ang iglesya na pakisamahan siyang muli bilang isang mananampalataya at bilang isang miyembro ng iglesya (2 Corinto 2:5-8). Gayunman, ang pagdidisiplina kahit na gawin sa diwa ng pag-ibig at sa tamang paraan, ay hindi tiyak na laging magtatagumpay at maibabalik ang tao sa dating kalagayan sa iglesya. Ngunit kahit na hindi maabot ng pagdidisiplina ang inaasahang resulta, lagi itong may nagagawang kabutihan gaya ng mga nasabi sa itaas.
Maaaring nakasaksi na tayong lahat ng mga pag-uugali ng isang bata na hinayaan ng magulang na makuha ang lahat gusto ng walang pagdidisiplina. Hindi ito isang magandang pagtrato sa isang bata. Hindi rin ito matatawag na pagmamahal ng magulang dahil tiyak na mapapahamak ang batang iyon sa hinaharap. Ang pagkunsinti ng magulang ang magiging hadlang upang ang bata ay magkaroon ng maayos na relasyon sa iba at makapamuhay ng maayos sa anumang sitwasyon. Gayundin naman, kahit na ang pagdidisiplina sa iglesya ay hindi madali at hindi kasiya siya, hindi lamang ito kinakailangan upang maipakita at maipadama ang tunay na pag-ibig sa nagkasala. Ito ay pagsunod din sa utos ng Diyos.
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya patungkol sa pagdidisiplina sa iglesia / pagturing bilang isang pagano sa isang ayaw magpadisiplina?