Tanong
Kailan, bakit at paano tayo dinidisiplina ng Diyos sa tuwing tayo'y nagkakasala?
Sagot
Ang pagdidisiplina ng Diyos ay isang katotohanan na kalimitang hindi pinapansin o pinahahalagahan ng mga mananampalataya. Lagi tayong nagrereklamo sa mga nangyayari sa ating buhay at hindi iniisip na maaaring ang ating nararanasan ay konsekwensya ng ating sariling kasalanan at bahagi ng mapagmahal at mabiyayang pagdidisiplina ng Diyos sa atin. Ang kamangmangan sa pagdidisiplina ng Diyos ang nagiging daan sa paulit ulit na pagkakasala ng isang Kristiyano at nagiging dahilan ng mas mahigpit at masakit na pagdidisiplina ng Diyos.
Ang disiplina ng Diyos ay hindi dapat na ituring na pagpaparusa na walang kadahilanan o layunin. Ang pagdidisiplina ay pagpapadama ng Panginoon ng Kanyang pag-ibig sa atin at pagpapaalala sa atin ng Kanyang naisin na tayo'y maging banal. "Anak ko, huwag mong waling bahala ang parusa ng Panginoon, o manglupaypay man kung ikaw ay pinagwiwikaan niya; Sapagka't pinarurusahan ng Panginoon ang kaniyang iniibig, at hinahampas ang bawa't tinatanggap na anak" (Kawikaan 3:11-12; tingnan din ang Hebreo 12:5-11). Ginagamit ng Diyos ang mga pagsubok, pagdurusa at mga mabibigat na suliranin upang ibalik tayo sa Kanya sa pagsisisi. Ang bunga ng disiplina ng Diyos ay mas matatag na pananampalataya at ang pagpapanumbalik ng sigla ng ating relasyon sa Diyos (Santiago 1:2-4), gayundin ang pagwasak sa isang partikular na kasalanan na pansamantalang nagpabagsak sa atin.
Ang disiplina ng Diyos ay gumagawa para sa ating ikabubuti upang maluwalhati Siya sa ating mga buhay. Nais Niya na mamuhay tayo ng may kabanalan at makita sa ating buhay ang bagong kalikasan na ipinagkaloob Niya sa atin. "Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, "Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal" (1 Pedro 1:15-16).
English
Kailan, bakit at paano tayo dinidisiplina ng Diyos sa tuwing tayo'y nagkakasala?