settings icon
share icon
Tanong

Dapat ba nating malaman ang mga digmaang espiritwal na nagaganap sa ating paligid?

Sagot


Napakahalaga na maintindihan ng bawat Kristiyano na siya ay nasa gtna ng isang digmaang espiritwal. Hindi tayo makakatakas sa katotohanang ito. Ang kaalaman sa mga nagaganap na digmaang espiritwal sa ating paligid ay napakahalaga. Hindi lamang ang kaalaman, kundi maging ang pagmamasid, kahandaan, at tamang sandata ay mahahalagang elemento sa pagsuong sa digmaang espiritwal.

Sinabi ni Pablo sa 2 Corinto 10:3–5, “Kung nabubuhay man kami sa mundong ito, hindi naman kami nakikipaglaban ayon sa pamamaraan ng mundong ito. Ang sandatang ginamit namin sa pakikipaglaban ay hindi sandatang makamundo, kundi ang kapangyarihan ng Diyos na nakakapagpabagsak ng mga kuta. Sinisira namin ang mga maling pangangatuwiran, ginagapi namin ang lahat ng pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos, at binibihag namin ang lahat ng isipan upang matutong sumunod kay Cristo.” Malinaw na ang ating pakikidigma bilang mga Kristiyano ay espiritwal. Hindi tayo nakikipaglaban sa isang pisikal na digmaan o digmaan ng tao. Ito ay sa aspetong espiritwal - ang mga kaaway, ang mga katangian, ang mga kuta, at ang mga sandata sa digmaang ito ay espiritwal. Kung susubukan natin na lumaban sa digmaang espiritwal sa pamamagitan ng sandata ng tao, mabibigo tayo at magtatagumpay ang kaaway.

Mahalagang pansinin na hindi itinuturo ni Pablo ang pagpapalayas sa mga demonyo sa mga talata. Nang magpalayas ng mga demonyo si Hesus at ang Kanyang mga alagad, maging ang Kanyang mga himala at tanda, ang layunin ng mga ito ay upang patunayan ang awtoridad ng kanilang sinasabi. Mahalaga ito sa panahong iyon na bigyan ng Diyos ng makapangyarihang ebidensya ang mga apostol upang patunayan na nagmula sila sa Diyos at sila ay Kanyang mga tagapagsalita. Ang katotohanan ng Kasulatan ay nakadepende sa awtoridad ng mga apostol, kaya’t binigyan ng Diyos ang mga apostol ng kapangyarihan upang patunayan ang kanilang itinuturo. Ang layunin ng kanilang paggawa ng mga tanda at himala, kasama ang pagpapalayas sa mga demonyo, ay upang ipakita na ang ultimong awtoridad - at ang ating ultimong espiritwal na sandata - ay ang Kasulatan. Ang uri ng digmaang espiritwal na kinasasangkutan ng mga Kristiyano ay pangunahing sa nagaganap na digmaan sa kanilang puso at isip.

Ang digmaang espiritwal ay personal para sa bawat Kristiyano. Ang diyablo ay tulad sa isang “umaatungal na leon” na naghahanap ng masisila, at dapat tayong manatiling mapagbantay laban sa kanya (1 Pedro 5:8). Ang kaaway ng ating mga kaluluwa ay may “nagbabagang palaso” na mapapatay lamang sa pamamagitan ng kalasag ng pananampalataya na tangan ng isang mananampalataya na nabibihisan ng baluti ng Diyos (tingnan ang Efeso 6:10–17). Tinuruan tayo ni Hesus na “magbantay at manalangin” upang hindi tayo mahulog sa tukso (Markos 14:38).

Ayon sa 2 Corinto 10:4–5, may mga espiritwal na kuta sa mundong ito na yari sa mga “maling pangangatwiran” at mga “pagmamataas laban sa kaalaman tungkol sa Diyos.” Ang salitang “maling pangangatwiran” o “espekulasyon” sa ibang salin ay logismos sa salitang Griyego. Nangangahulugan ito ng mga “ideya, konsepto, pangangatwiran, at mga pilosopiya.” Ang mga tao sa mundo ay nagtatag ng mga logismos upang protektahan ang kanilang sarili laban sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Ang malungkot, ang mga kutang ito ay laging nagiging bilangguan at sa huli ay nagiging libingan. Bilang mga Kristiyano, tinawag tayo ng Diyos upang gibain ang mga kutang ito upang maligtas ang mga bihag doon. Ito ay isang mapanganib at mahirap na gawain, ngunit mayroon tayong sandatang espiritwal na ating magagamit sa ating pakikipagdigma. Ang malungkot, ang isa sa mga paboritong pandaraya ni Satanas ay palabanin tayo sa pamamagitan ng sandata ng tao sa halip na sandata ng Diyos, at marami ang nahuhulog sa bitag na ito.

Sa pakikidigma laban sa mga pilosopiya ng mundo, hindi magtatagumpay ang sandata at karunungan ng tao. Ang kaalaman sa pagnenegosyo, pangontrang pilosopiya, mapang-engganyong salita ng karunungan ng tao (1 Corinto 2:4), rasyonalismo, organisasyon, kakayahang magsalita, pangaaliw sa tagapakinig, mga mistikal na pamamaraan at katuruan, maliwanag na ilaw at makabagbag-damdaming musika - ang lahat ng ito ay sandata ng tao. Wala alinman sa mga ito ang magpapanalo sa atin sa digmaang espiritwal. Ang tanging epektibong sandata - ang panlaban natin sa kaaway na mayroon tayo ngayon - ay ang tabak ng Espiritu na walang iba kundi ang Salita ng Diyos (Efeso 6:17). Ang tabak na ito ang nagbibigay sa atin ng maraming kalayaan bilang mga sundalo sa espiritwal na labanan. May kalayaan tayo sa takot, na nalalaman na ang Diyos ang lumalaban para sa atin (Josue 1:7–9) at hindi Niya tayo pababayaan. May kalayaan tayo mula sa paguusig ng budhi, na nalalaman na hindi tayo ang responsable para sa mga kaluluwa na tatanggi sa mensahe ng Diyos pagkatapos nating maipangaral iyon sa kanila (Markos 6:11). May kalayaan tayo mula sa kabiguan, na nalalaman na kung tayo ay pinaguusig at kinamumuhian, una munang pinagusig at kinamuhian si Kristo (Juan 15:18), at ating nalalaman na ang mga sugat sa digmaan na maaari nating maranasan ay buong pagmamahal na pagagalingin sa kalangitan (Mateo 5:10).

Ang lahat ng kalayaang ito ay nagmumula sa paggamit ng makapangyariahng sandata ng Diyos - ang Kanyang Salita. Kung gagamit tayo ng sandata ng tao upang labanan ang mga tukso ng Masama, mabibigo tayo at magagapi. Puno tayo ng pag-asa para sa tagumpay na ibibigay ng Diyos, “Kaya’t lumapit tayo sa Diyos nang may pusong tapat at may matibay na pananampalataya sa kanya. Lumapit tayong may malinis na budhi sapagkat nilinis na ang ating mga puso at hinugasan na ng dalisay na tubig ang ating mga katawan. Magpakatatag tayo sa ating pag-asa at huwag nang mag-alinlangan pa, sapagkat ang nangako sa atin ay maaasahan” (Hebreo 10:22-23). “Nilinis” na at “hinugasan ng dalisay na tubig” ang puso ng mga nakikinig at tumatanggap ng tunay at buong mensahe ng Ebanghelyo na ipinangaral ng mga apostol. Ano ang tubig na ito? Ito ay ang Salita ng Diyos na nagpapalakas sa atin habang nasa gitna tayo ng labanan (Efeso 5:26; Juan 7:38).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat ba nating malaman ang mga digmaang espiritwal na nagaganap sa ating paligid?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries