Tanong
Bakit napakarami ang mga denominasyon ng mga Kristiyano?
Sagot
Upang masagot ang tanong na ito, kailangan nating kilalanin at pag-ibahin ang mga denominasyon sa loob ng katawan ni Kristo at ang mga hindi Kristiyanong kulto at mga hidwang relihiyon. Ang mga Presbyterians at Lutherans ay mga halimbawa ng denominasyong Kristiyano. Ang Mormons at Saksi ni Jehovah naman ay mga halimbawa ng mga kulto (mga grupong nagaangkin na sila ay Kristiyano ngunit tinatanggihan ang mga pangunahing katuruan ng pananamplatayang Kristiyano). Ang Islam at Budismo naman ay mga hiwalay na relihiyon at malaki ang pagkakaiba sa Kristiyanismo.
Ang pag-usbong ng mga denominasyon sa pananampalatayang Kristiyano ay nagumpisa sa repormasyong Protestante, isang kilusan upang "ireporma" ang simbahang Katoliko Romano noong ika 16 siglo. Mula sa kilusang ito, apat na pangunahing dibisyon o tradisyon sa protestanteng simbahan ang lumitaw: Ang mga Lutheran, Reformed, Anabaptist at Anglican. Sa pagdaan ng maraming siglo, mula sa apat na ito, lumitaw ang iba't ibang mga denominasyon ng Kristiyanismo.
Ang denominasyong Lutheran ay ipinangalan kay Martin Luther at ang katuruan ay base sa kanyang mga paniniwala. Ang mga Metodista naman ay pinangalanan ng ganito dahil sa ang kanilang tagapagtatag, si John Wesley ay nakilala sa pagdebelop ng mga "metodolohiya" para sa paglagong espiritwal. Ang mga Presbyterians naman ay pinangalanan sa ganitong paraan dahil sa kanilang pananaw sa pamunuan ng iglesia - mula sa wikang Griego na presbyteros. Ang mga Baptist naman ay nakuha ang pangalan dahil sa kanilang pagbibigay diin sa kahalagahan ng pagbabawtismo. Ang bawat denominasyon ay may kaunting pagkakaiba sa ilang mga doktrina at sa pagbibigay diin sa ibang mga katuruan gaya ng pagbabawtismo, sa mga kinakailangan bago makisama sa huling hapunan, sa pagtuturo ng kapangyarihan ng Diyos laban sa kalooban ng tao sa kaligtasan, sa hinaharap ng bansang Israel at ng Iglesia, sa iba't ibang pananaw tungkol sa pitong taon ng paghihirap, sa pagkakaroon ng mga kaloob na espiritwal gaya ng pagsasalita sa ibang wika at panghuhula sa panahong ito at marami pang iba. Ang ugat ng pagkakaiba ay hindi sa kung Si Kristo ba ay Panginoon at Tagapagligtas kundi matapat na pagkakaiba sa opinion ng mga taong makadiyos ngunit hindi perpekto, mga taong nagnanais na luwalhatiin ang Diyos at manatili sa kalinisan ng doktrina ayon sa kanilang konsensya at pagkaunawa sa Salita ng Diyos.
Ang mga denominasyon sa panahong ito ay sadyang napakarami at magkakaiba. Ang orihinal na naunang mga denominasyon na nabanggit sa itaas ay nagsanga-sanga sa maraming denominasyon gaya ng Assemblies of God, Christian and Missionary Alliance, Nazarenes, Evangelical Free, independent Bible churches at marami pang iba. Ang ilang denominasyon ay binibigyang-diin ang kaunting pagkakaiba sa doktrina at kadalasan ang bawat isa sa kanila ay nag-aalok ng magkakaibang istilo ng pagsamba upang katagpuin ang iba ibang panlasa at preperensya ng mga Kristiyano. Ngunit hindi tayo dapat magkamali. Nararapat na tayo ay magkaisa sa mga pangunahing katuruan ng pananampalataya. Kahit na ang magkaparehong denominasyon ay maaring magkaiba sa istilo ng pagsamba. Halimbawa ang isang iglesiang Presbyterian sa Uganda ay malaki ang pagkakaiba sa istilo ng pagsamba sa isang iglesiang Presbyterian sa Colorado, ngunit ang kanilang doktrina ay kailangang magkapareho sa malaking bahagi. Ang pagkakaiba iba ay mabuting bagay ngunit ang pagaaway ay hindi. Kung ang dalawang iglesia ay hindi magkasundo sa isang doktrina, kailangan silang magusap upang pagkasunduan kung alin ang tama. Ang ganitong klase ng dayalogo ay tulad sa "Bakal na nagpapatalim sa kapwa bakal at isip na nagpapatalas sa kapwa isipan" (Kawikaan 27:17) at ito ay makatutulong para sa lahat. Gayunman kung hindi sila magkasundo mas makabubuti sa kanila ang maghiwalay ng maayos. Ngunit ang paghihiwalay na ito ay hindi dapat maging dahilan upang hindi ganapin ng bawat isang mananampalataya ang responsibilidad na mag-ibigan sa isa't isa (1 Juan 4:11-12) at sa huli ay magkaisa pa rin dahil kay Kristo (Juan 17:21-22).
English
Bakit napakarami ang mga denominasyon ng mga Kristiyano?