settings icon
share icon
Tanong

Paano ako magtatalaga ng buhay para kay Hesus?

Sagot


Ang tanong na ito ay umaayon sa pinakadakilang utos ng Diyos na makikita sa Deuteronomio 6:4-5, ang ibigin ang Diyos ng ating buong pagkatao. Narito ang ilang mga alituntunin mula sa Kasulatan upang magampanan ito:

1) Una sa lahat, hindi natin maiibig ang sinuman na hindi naman natin nakikilala. Kilalanin mo muna ang Diyos at alamin kung ano ang Kanyang ginawa para sa iyo. Bago ang utos na ibigin ang Diyos ng higit sa lahat sa Deuteronomio 6:5, sinabi muna ang pangungusap na ito: “Pakinggan mo, O Israel: Si Yahweh na ating Diyos ang tanging Yahweh.” Ang unang aspeto ng pangungusap na ito ay natatangi ang Diyos at mas nakikilala natin kung sino Siya, mas madali para sa atin na ibigin Siya ng ating buong pagkatao. Kinapapalooban ito ng pagtuklas sa kung ano ang Kanyang ginawa para sa atin. Muli, bago ibinigay ang unang utos sa Exodo 20:3, sinabi muna ng Diyos kung ano ang Kanyang mga ginawa para sa bansang Israel at ang pagpapalaya Niya sa kanila mula sa pagkaalipin sa Ehipto. Gayundin naman sa Roma 12:1-2, bago ibigay ang utos na ialay ang ating mga buhay bilang mga handog na buhay, nabanggit muna ang salitang “Kaya nga” - isang salita na nagpapaalala sa atin ng mga kahabagan ng Diyos na una ng itinala sa nakarang mga kabanata.

Upang lumalim ang pag-ibig sa Diyos, dapat na makilala muna Siya. Ipinakilala Niya ang Kanyang sarili sa pamamagitan ng sangnilikha (Roma 1), ngunit higit na ipinakilala Niya ang Kanyang sarili sa Kanyang Salita - ang Bibliya. Kailangan nating pagaralan ang Bibliya araw araw at gawin natin itong bahagi ng ating buhay - gaya ng kung paanong ang pagkain ay bahagi ng ating pang araw araw na buhay. Dapat nating tandaan na ang Bibliya ay higit pa sa isang aklat; tunay na ito ang Salita ng Diyos - ang Kanyang liham ng pag-ibig sa atin kung saan Niya ipinakilala ang Kanyang pag-ibig sa pagdaan ng mga siglo, lalo’t higit sa pamamagitan ng ministeryo ng Kanyang Anak na si Hesu Kristo. Dapat nating basahin ang Bibliya bilang sulat mula sa Kanya at hingin sa Banal na Espiritu na mangusap Siya sa ating mga puso kung ano ang Kanyang itinuturo sa atin sa bawat araw. Mahalaga rin ang pagsasaulo ng mahahalagang talata sa Bibliya, gayundin ang pagiisip ng mga paraan kung paano natin isasapamuhay ang ating mga natututunan (Josue 1:8).

2) Sundan ang halimbawa ni Hesus sa palagian at nagpapatuloy na pananalangin. Kung susuriin natin ang buhay ni Hesus gayundin ang buhay ni Daniel at ng iba pa na nagtalaga ng buhay sa Diyos, makikita natin na ang panalangin ang pangunahing sangkap ng kanilang relasyon sa Diyos (kahit na ang isang mabilis na pagbabasa ng mga Ebanghelyo at ng Aklat ni Daniel ay nagpapakita ng katotohanang ito). Gaya ng pagaaral ng Bibliya, ang pananalangin - ang isang tapat at bukas na komunikasyon sa Diyos - ay napakahalaga. Hindi tayo makakakita ng isang lalaki at isang babae na may relasyon ang lumago ang pag-ibig sa isa’t isa ng hindi nakikipagugnayan sa isa’t isa. Kaya nga hindi dapat pabayaan ang pananalangin. Kung hindi mananalangin, manlalamig ang ating pag-ibig sa Diyos. Ang panalangin ay isa sa mga sangkap ng ating baluting espiritwal laban sa ating espiritwal na kaaway (Efeso 6:18). Maaari tayong magkaroon ng pagnanais na ibigin ang Diyos, ngunit mabibigo tayo sa ating paglakad sa pananampalataya kung hindi tayo mananalangin (Mateo 26:41).

3) Lumakad ng malapit sa Diyos NGAYON. Pinili ni Daniel at ng kanyang tatlong kaibigan ang sumunod sa Diyos at tumangging makipagkompromiso kahit sa pagkain na kanilang kakainin (Daniel 1). Ang iba pang kasama nila na dinalang bihag mula sa Juda patungo sa Babilonia ay nakipagkompromiso at hindi na nabanggit pang muli sa Bibliya. Nang hamunin ang mga Hudyong ito ng kanilang mga tagausig, ang kaunting mga Hudyong ito lamang ang nanindigan para sa Diyos (Daniel 3 at 6). Upang matiyak na makakapagtalaga tayo ng ating sarili sa Diyos kalaunan, dapat na magumpisa tayong sumunod sa Kanya kahit na sa pinakamaliit na pagsubok! Natutunan ito ni Pedro sa isang mahirap na paraan sa pamamagitan ng pagsunod kay Kristo “mula sa malayo,” sa halip na ipakilala ang sarili bilang alagad ni Kristo bago ang pagtukso sa kanya na itatwa si Kristo (Lukas 22:54). Sinabi ng Diyos na kung nasaan ang ating mga kayamanan, naroon din ang ating mga puso. Habang inilalaan natin ang ating buhay sa Diyos sa pagmamagitan ng paglilingkod sa Kanya at sa pagtitiis sa gitna ng mga paguusig dahil sa Kanya, lalo nating nailalagak ang ating mga kayamanan sa Kanya, gayundin ang ating mga puso (Mateo 6:21).

4) Iwaksi ang mga kumpetisyon. Sinabi ni Hesus na imposibleng maglingkod ng sabay sa dalawang Panginoon (Mateo 6:24). Natutukso tayo na ibigin ang sanlibutan (ang mga bagay na nakasisiya sa mata, mga bagay na masarap sa pakiramdam, at mga karangyaan sa buhay) (1 Juan 2:15-17). Sinabi ni Santiago na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipagalitan sa Diyos at isang espiritwal na pangangalunya (Santiago 4:4). Kailangan nating iwaksi ang mga bagay na ito sa ating buhay (mga kaibigan na magbubulid sa atin sa maling landas, mga bagay na umuubos ng ating lakas at panahon at humahadlang sa ating paglilingkod sa Diyos, paghahabol sa kasikatan, paghahangad ng mga ari-arian at ang paghahangad ng pisikal at emosyonal na kasiyahan). Ipinangako ng Diyos na kung hahanapin natin Siya, hindi lamang Niya ipagkakaloob ang ating mga pangangailangan (Mateo 6:33) kundi ibibigay din Niya ang mga nasa ng ating puso (Awit 37:4-5).

5) Kung naliligaw, magumpisang gawing muli ang mga bagay na nakatulong sa iyo upang lumago sa iyong pag-ibig sa Diyos noong una. Normal na magkaroon ng panlalamig sa isang relasyon. Nanlamig si Pedro (Lukas 22:54-62), gayundin si David (2 Samuel 11), ngunit muli silang bumangon at nagpatuloy sa kanilang pag-ibig sa Diyos. Sa Pahayag 2:4, sinabi ni Hesus na hindi ang “pagkawala ng pag-ibig” ang problema kundi ang pag-iwan sa unang pag-ibig. Ang solusyon ay muling gawin ang mga “unang ginawa,” ang mga bagay na naging daan sa paglalim ng pag-ibig sa Diyos. Kabilang sa mga gawang ito ang mga bagay na binanggit sa itaas. Ang unang hakbang ay pagpapahayag sa kasalanan at pagtanggap ng kapatawaran at pagpapanumbalik sa dating pakikisama sa Diyos na siyang resulta ng pagpapahayag at pagsisisi sa kasalanan (1 Juan 1:9). Walang duda na pagpapalain ng Diyos ang paghahangad na makapagtalaga ng buhay sa para sa Kanya at luluwalhatiin Niya ang Kanyang pangalan sa pamamagitan niyon. English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Paano ako magtatalaga ng buhay para kay Hesus?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries