settings icon
share icon
Tanong

Mayroon bang dalawang kalikasan ang isang Kristiyano?

Sagot


Ang unang suliranin na pinanggagalingan sa tanong na ito ay nasa semantika o paggamit ng mga salita o termino na may kinalaman sa lohika. Halimbawa, marami ang gumagamit ng salitang “kalikasan ng kasalanan,” ang iba naman ay mas gustong gamitin ang salitang “makasalanang kalikasan,” at mas pinipili pa rin ng iba na gamitin ang salitang “laman.” Anumang termino ang ginagamit ng magkakaibang partido, ang mahalaga ay ang katotohanang may isang espiritwal na labanan na nangyayari sa buhay ng isang Kristiyano.

Ang pangalawang suliranin ay patungkol sa aktwal na kahulugan ng “likas na katangian.” Kung papaano tinutukoy ang salitang ito ay naipapahayag ang pagkakaiba sa pagitan ng “lumang kalikasan” at “bagong kalikasan” at ang kaugnayan nito sa buhay ng isang Kristiyano. Ang isang paraan upang tukuyin ang “kalikasan” ay tingnan ito bilang “kakayahan” ng isang mananampalataya. Sa gayon, ang lumang kalikasan ay nangangahulugan ng isang uri ng pamumuhay ng isang hindi mananampalataya. Sa puntong ito, ang isang Kristiyano ay may dalawang uri ng kakayahan- ang dating kakayahang magkasala at ang bagong kakayahang tumanggi sa kasalanan. Ang hindi nakakaranas ng espiritwal na pakikipagbaka sa pagitan ng dalawang kalikasan ang isang hindi mananampalataya. Wala siyang kabanalan sapagkat tanging makasalanang kalikasan lamang mayroon siya. Hindi nito ibig sabihin na wala na siyang kakayahang gumawa ng mabuti, ngunit ang kanyang pagnanais na gumawa ng mabuti ay laging nababalutan ng kanyang likas na pagiging makasalanan. Bilang karagdagan, hindi niya kayang tanggihan ang kasalanan, sapagkat wala siyang kakayahang tanggihan ito.

Sa kabilang dako, ang isang mananampalataya ay may kakayahan sa kabanalan, sapagkat nasa kanya ang Espiritu ng Diyos. Kagaya ng iba, nagkakasala pa rin siya, ngunit ang pagkakaiba, siya ngayon ay mayroon ng kakayahan na labanan ang kasalanan at mas mahalaga para sa kanya ang pagnanais na tanggihan ito at mamuhay ng may kabanalan. Nang si Kristo ay ipinako sa krus, ang ating lumang pagkatao ay naipako na ring kasama Niya, na siyang dahilan sa paglaya ng isang Kristiyano sa ilalim ng kasalanan (Roma 6: 6). “Tayo ay pinalaya na mula sa kasalanan at naging alipin na ng katuwiran” (Roma 6:18).

Sa panahon ng pagbabalik loob, kasabay nito, magkakaroon ng isang bagong kalikasan ang isang Kristiyano. Ito ay nagaganap sa isang iglap. Sa kabilang dako, ang pagpapaging banal ay isang proseso kung saan ang Diyos ang bumubuo sa ating bagong kalikasan sa ating patuloy na paglago sa kabanalan sa pagdaan ng panahon. Ito ay isang nagpapatuloy na proseso at pagdanas ng mga pagtatagumpay at pagkatalo habang ang bagong kalikasan ay patuloy sa pakikipagbaka laban sa laman na tumutukoy sa dating pagkatao o lumang kalikasan.

Sa Roma 7, ipinaliwanag ni Pablo ang matinding labanan na patuloy na nangyayari kahit pa sa mga matatanda na sa pananampalataya. Tumatangis siya sapagkat ginagawa pa rin niya ang mga bagay na ayaw na niya sanang gawin, ito ay ang kasamaan na kanyang kinamumuhian. Sinabi niya na ito ang resulta ng “kasalanan na nananahansa akin” (Roma 7:20). Nagagalak siya sa kautusan ng Diyos ayon sa kanyang “panloob na pagkatao,” ngunit nakikita niya ang ibang kautusan na nakikipagbaka sa mga “bahagi ng aking katawan,” na salungat sa tuntunin ng aking isip; ipinapaalipin ako ng kapangyarihang ito sa kasalanang nananatili sa aking katawan (t. 23). Ito ang klasikong halimbawa upang matukoy ang katangian ng dalawang uri ng kalikasan, sa kahit anong termino man ang nakalapat sa kanila. Ang punto dito ay, ‘ang pagbabaka ay totoo,’ at ito ay isa sa mga labanan na nararanasan ng isang Kristiyano habang nabubuhay.

Ito ang dahilan kung bakit hinihikayat ang mga mananampalataya na patayin ang mga gawa ng laman (Roma 8:13), upang ilagay sa kamatayan ang mga bagay na nagiging sanhi ng pagkakasala ng isang Kristiyano (Colosas 3: 5), at upang isantabi ang iba pang mga kasalanan tulad ng galit, poot , paghihinala, at iba pa (Colosas 3: 8). Ang lahat ng ito ay nagsasaad na ang isang Kristiyano ay may dalawang kalikasan - ang dati/luma at ang bago - ngunit ang katangian ng bagong kalikasan ay nangangailangan ng patuloy na pagbabago (Colosas 3:10). Tiyak na ang pagbabagong ito ay isang pang-habang buhay na proseso para sa mga Kristiyano. Kahit na ang pakikipagbaka laban sa kasalanan ay walang tigil, wala na tayo sa ilalim ng kapangyarihan at kontrol ng kasalanan (Roma 6: 6). Tunay nga na ang mananampalataya ay isang “bagong nilalang” kay Cristo (2 Corinto 5:17), “na Siyang magliligtas sa katawang ito na nagdudulot ng kamatayan. Salamat sa Diyos - sa pamamagitan ni Jesu Kristo na ating Panginoon!” (Roma 7: 24-25). English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Mayroon bang dalawang kalikasan ang isang Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries