settings icon
share icon
Tanong

Ano ang complementarianism?

Sagot


Ang complementarianism ay ang katuruan na parehong ang pagiging isang lalaki at babae ay itinalaga ng Diyos at ang lalaki at babae ay nilikha para punan o kumpletuhin ang bawat isa. Naniniwala ang mga complementarians na may layunin at makabuluhan ang mga papel na ginagampanan ng kasarian na makikita sa Bibliya at kung ilalapat sa tahanan at sa iglesya ay nagsusulong ng espiritwal na kalusugan para sa parehong lalaki at babae. Ang pagyakap sa itinalaga ng Diyos na mga papel ng mga lalaki at mga babae ang nagpapalawig sa ministeryo ng mga anak ng Diyos at siyang dahilan para maabot ng mga lalaki at babae ang potensyal na ibinigay sa kanila ng Diyos.

Nanggaling ang pananaw ng mga complementarian sa Genesis 1:26–27, na nagsasabi na nilikha ng Diyos ang sangkatauhan na lalaki at babae ayon sa kanyang wangis. Nagtataglay ang Genesis 2:18 ng karagdagang detalye na nilikha ng Diyos si Eba para kumpletuhin si Adan: “Hindi mabuti na mag-isa ang tao; bibigyan ko siya ng isang angkop na makakasama at makakatulong.” Kaya nga, ang dalawang kasarian ay bahagi ng kaayusan sa paglikha ng Diyos. Ang anumang makabagong pananaw sa kasarian o pagpilipit sa mga papel na kanilang ginagampanan ay resulta ng pagbagsak ng tao sa kasalanan.

Sinusunod ng complementarianism ang Efeso 5:21–33 bilang modelo para sa tahanan. Ang asawang lalaki ang pangulo ng pamilya. Dapat niyang alagaan ang kanyang asawa at pangunahan ang kanyang pamilya ng buong pagmamahal, pagpapakumbaba, at pagsasakripisyo. Ang asawang babae naman ang mangangalaga sa kanyang mga anak at intensyonal at kusang loob na magpapasakop sa pangunguna ng kanyang asawa. Kung parehong ang asawang lalaki at asawang babae ay kumukumpleto sa bawat isa sa ganitong paraan, napaparangalan si Cristo. Sa katotohanan, ang pagaasawa mismo ang kanyang disenyo para sa atin: ito ay isang buhay na larawan ni Cristo at ng iglesya (talata 32).

Sa iglesya, sinusunod ng complementarianism ang 1 Timoteo 2:11—3:7 at Tito 2:2–6 bilang modelo. Ayon sa Bibliya, ang mga lalaki sa iglesya ang nagtataglay ng responsibilidad para magbigay ng espiritwal na pangunguna at pagsasanay. Ang mga babae naman ay dapat na magsanay ng kanilang mga espiritwal na kaloob sa anumang paraan na sinasang-ayunan ng Bibliya—ang tanging pagbabawal ay ang “magturo o mamuno sa mga lalaki” (1 Timoteo 2:12). Kung ginagampanan ng mga lalaki at babae ang mga tungkulin ng ibinigay sa kanila sa loob ng iglesya, napaparangalan si Cristo. Sa katotohanan, ang iglesya mismo ang disenyo ng Diyos para sa atin: isang buhay na larawan ng katawan ni Cristo (1 Corinto 12:12–27).

Ang kasalungat na pananaw ay ang egalitarianism na nagtuturo na kay Cristo, wala ng anumang pagkakaiba sa kasarian. Ang ideyang ito ay nanggaling sa Galacia 3:28. Dahil ang lahat ng mananampalataya ay iisa kay Cristo, sinasabi ng mga egalitarians na ang mga lalaki at babae ay pwedeng magpalitan sa pamumuno sa iglesya at sa pamilya. Tinitingnan ng egalitarianism ang pagkakaiba sa papel ng kasarian bilang isang resulta ng pagbagsak ng tao sa kasalanan at inalis ng pagtubos ni Cristo ang pagkakaibang ito na siyang dahilan ng pagkakaisa. Nakikita ng complementarianism ang pagkakaiba ng kasarian bilang isang resulta ng paglikha at ang pagtubos ni Cruisto ang nagpawalang bisa sa pagkakaibang iyon para maiwasan ang kalituhan. Sumasang-ayon si Pablo sa mga complementarians, na binabanggit na ang kaayusan sa paglikha ang basehan para sa kanyang katuruan na, “Sapagkat unang nilalang si Adan bago si Eva” (1 Timoteo 2:13).

Ang pagkakaiba sa papel na ginagampanan ay hindi katumbas ng pagkakaiba sa kalidad, halaga, at importansya. Ang mga lalaki at babae ay parehong mahalaga sa paningin ng Diyos at sa Kanyang plano. Ninanais ng complementarianism na mapanatili ang biblikal na pagkakaiba sa pagitan ng papel na ginagampanan ng mga lalaki at babae habang pinapahalagahan ang kalidad at importansya ng parehong kasarian. Ang resulta ng tunay na complementarianism ay pagpaparangal kay Cristo at pagkakaisa sa iglesya at tahanan.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang complementarianism?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries