settings icon
share icon
Tanong

Complementarianism laban sa egalitarianism—aling pananaw ang naaayon sa Bibliya?

Sagot


NIlagom ng “The Council on Biblical Manhood and Womanhood,” ang complementarianism sa ganitong paraan: ang pananaw na ipinagbabawal ng Diyos para sa mga babae na maglingkod bilang tagapanguna sa iglesya at sa halip ay tinatawag ang mga babae na maglingkod sa parehong mahalagang gawain, ngunit katulong ng tagapanguna. Nilagom naman ng “Christians for Biblical Equality” ang egalitarianism sa ganitong paraan: ang pananaw na walang pagbabawal ang Bibliya para sa anumang kasarian na maglingkod sa anumang posisyon at ministeryo ng iglesya. Parehong inaangkin ng dalawang posisyong ito na sila ay naaayon sa Bibliya. Napakahalaga na suriin sa kabuuan kung ano ang eksaktong sinasabi ng Bibliya patungkol sa isyung ito ng complementarianism laban sa egalitarianism.

Muli, para lagumin, sa isang panig ay ang mga egalitarians na naniniwala na walang pagkakaiba sa kasarian at dahil tayong lahat ay iisa kay Cristo, maaaring magpalitan ang mga babae at lalaki pagdating sa papel na ginagampanan sa pangunguna sa iglesya at sa pamilya. Pinaniniwalaan ng kasalungat na pananaw ng mga complementarians ang esensyal na pagkakapantay-pantay sa pagitan ng mga babae at lalaki bilang mga taong nilikha sa wangis ng Diyos, ngunit pinaninindigan nila na may pagkakaiba sa kasarian pagdating sa papel na ginagampanan sa sosyedad, sa iglesya, at sa tahanan.

Ang isang argumento pabor sa complementarianism ay maaaring kunin mula sa 1 Timoteo 2:9-15. Ang partikular na talata naman na tila lumalaban sa pananaw na egalitarian ay ang 1 Timoteo 2:12, kung saan mababasa, “Hindi ko pinapayagan ang mga babae na magturo o mamuno sa mga lalaki, kundi dapat silang manahimik.” Ginawa din ni Pablo ang parehong argumento sa 1 Corinto 14 kung saan kanyang isinulat, “ang mga babae ay kailangang manahimik sa mga pagtitipon sa iglesya. Sapagkat hindi ipinapahintulot sa kanila sa ganoong mga pagtitipon ang magsalita; kailangang sila'y pasakop, gaya ng sinasabi ng Kautusan” (1 Corinto 14:34). Ginawa ni Pablo ang argumento na ang mga babae ay hindi pinahihintulutang magturo o magkaroon ng awtoridad sa mga lalaki sa loob ng iglesya. Tila nililimitahan din ng mga talatang gaya ng 1 Timoteo 3:1-13 at Tito 1:6-9 ang gawain ng pamumuno sa iglesya para lamang sa mga lalaki.

Ginagamit na suportang talata ng mga naniniwala sa egalitarianism ang Galacia 3:28. Sa talatang ito, isinulat ni Pablo, “Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.” Ikinakatwiran ng pananaw na egalitarian na kay Cristo, ang pagkakaiba sa kasarian na sinasangkapan ng makasalanang relasyon ay inalis na. Gayunman, ganito ba dapat unawain ang Galacia 3:28? Naaayon ba sa konteksto ang ganitong interpretasyon? Malinaw na ang interpretasyong ito ay sumisira sa konteksto ng talata. Sa aklat ng Galacia, ipinapakita ni Pablo ang dakilang katotohanan ng pagpapawalang-sala sa pamamagitan ng pananampalataya at hindi sa pamamagitan ng mga gawa (Galacia 2:16). Sa Galacia 3:15-29, pinapatunayan ni Pablo ang kaibahan ng pagpapawalang sala sa pagitan ng kautusan at ng pangako. Ang Galacia 3:28 ay angkop sa argumento ni Pablo na ang lahat ng na kay Cristo ay kabilang sa mga anak ni Abraham sa pamamagitan ng pananampalataya at mga tagapagmana ng Kanyang mga pangako (Galacia 3:29). Nililinaw ng konteksto ng talatang ito na ang tinutukoy ni Pablo ay ang kaligtasan, hindi ang mga papel na ginagampanan ng mga mananampalataya sa iglesya. Sa madaling salita, ang kaligtasan ay libreng ipinagkakaloob sa lahat at walang kinalaman ang mga panlabas na dahilan gaya ng lahi, estado sa ekonomiya, o sa kasarian. Ang paghatak sa kontekstong ito para mailapat din sa papel na ginagampanan ng mga babae sa iglesya ay sobrang malayo na at labas sa argumento ni Pablo.

Ang tunay na esensya ng argumentong ito na hindi nauunawaan ng mga egalitarians ay ang pagkakaiba sa papel ay hindi katumbas sa pagkakaiba sa kalidad, importansya, o halaga. Pantay ang halaga ng mga lalaki at babae sa paningin ng Diyos at sa Kanyang plano. Hindi mas mababa ang halaga ng mga babae kaysa sa mga lalaki. Sa halip, nagtakda ang Diyos ng iba’t ibang papel para sa mga lalaki at babae sa iglesya at sa tahanan dahil iyon ang idinisenyo ng Diyos na kanilang gagawin. Ang katotohanan ng pagkakaiba-iba at pagkakapantay-pantay ay makikita sa kalagayan ng bawat isang miyembro ng (tingnan din ang 1 Corinto 11:3). Nagpapasakop ang Anak sa Ama, at ang Banal na Espiritu ay nagpapasakop sa Ama at sa Anak. Ang pagpapasakop na ito sa gawain ay hindi nagpapahiwatig ng pagiging mababa sa esensya o halaga; ang lahat ng tatlong persona ay pantay-pantay bilang Diyos, ngunit magkakaiba sila sa gawain. Gayundin naman, ang mga lalaki at mga babae ay magkakapantay bilang mga taong nilalang ng Diyos at parehong nagtataglay ng wangis ng Diyos, ngunit may mga papel at gawain silang itinalaga ng Diyos na sumasalamin sa gawain ng bawat isang persona sa Trinidad.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Complementarianism laban sa egalitarianism—aling pananaw ang naaayon sa Bibliya?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries