settings icon
share icon
Tanong

Ano ang buong kagayakan o baluti ng Diyos?

Sagot


Ang salitang "buong kagayakan" o "baluti ng Diyos" ay nagmula sa Efeso 6:13-17: "Kaya't isuot ninyo ang baluting mula sa Diyos. Sa gayon, makatatagal kayo sa pakikipaglaban pagdating ng masamang araw na iyon, at pagkatapos ng inyong pakikipaglaban ay matatag pa rin kayong nakatayo.

Kaya't maging handa kayo: gawin ninyong bigkis ang katotohanan, itakip sa dibdib ang baluti ng pagkamatuwid, at isuot ang panyapak ng pagiging handa sa pangangaral ng Mabuting Balita ng pakikipagkasundo sa Diyos. Taglayin ninyong lagi ang kalasag ng pananalig kay Cristo, bilang panangga't pamatay sa lahat ng nagliliyab na palaso ng Masama. Isuot ninyo ang helmet ng kaligtasan, at kunin ninyo ang tabak na kaloob ng Espiritu, samakatwid, ang Salita ng Diyos."

Ipinahihiwatig ng Efeso 6:12 na ang pakikipaglaban kay Satanas ay sa pamamaraang espiritwal kaya nga walang literal na sandata ang ginagamit laban sa Kanya at sa kanyang mga kampon. Hindi tayo binigyan ng partikular na taktika na ating gagamitin. Gayunman, malinaw sa mga talata na dapat nating sundin ang mga instruksyon ng may katapatan upang makatayo at makapagtagumpay tayo laban sa mga estratehiya ni Satanas.

Ang unang sangkap ng ating baluting mula sa Diyos ay ang bigkis ng katotohanan (talata 14). Ito ay madaling maunawaan dahil sinasabi ng Bibliya na si Satanas ang "ama ng kasinungalingan" (Juan 8:44). Ang panlilinlang ay mataas sa listahan ng mga bagay na kinasusuklaman ng Diyos. Ang isang mapanlinlang na dila ay inilarawan ng Diyos na isa sa mga bagay na na karumaldumal para sa Kanya (kawikaan 6:16-17). Kaya tayo ay inuutusan na isuot ang bigkis ng katotohanan para sa ating kaligtasan at pagpapabanal gayundin para sa kapakanan ng mga taong binabahaginan natin ng Ebanghelyo.

Gayundin sa talatang 14, sinabihan tayo na itakip sa dibdib ang baluti ng pagkamatuwid. Ang baluti sa dibdib ang nagpoprotekta sa mga pangunahing sangkap ng katawan ng isang madirigma na kung tatamaan ay tiyak na magdudulot ng kamatayan. Ang katuwirang ito ay hindi katuwiran na gawa ng tao. Sa halip ito ay katuwiran ni Kristo na ipinasa ng Diyos at tinanggap ng mga Kristiyano sa pamamagitan ng pananampalataya at siyang nagiingat sa ating mga puso laban sa mga paratang at akusasyon ni Satanas at nagiingat sa ating panloob na pagkatao laban sa kanyang mga pagatake.

Sinasabi sa talatang 15 ang pagsusuot ng panyapak ng pagiging handa sa pangangaral ng Mabuting Balita ng pakikipagkasundo sa Diyos. Sa pakikidigma, minsan naglalagay ang mga kalaban ng mga patibong sa daraanan ng mga sumusugod na sundalo. Ang kaisipan ng paghahanda sa pangangaral ng ebanghelyo ng kapayapaan bilang panyapak ay nagpapahiwatig na kailangan nating sumugod sa teritoryo ni Satanas habang nagiingat sa kanyang mga patibong, taglay ang mensahe ng biyaya ng Diyos na napakahalaga sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Kristo. Maraming harang at patibong na inilalagay si Satanas sa ating daraanan upang patigilin ang ating pagpapalaganap ng Ebanghelyo.

Binanggit naman sa talata 16 ang kalasag ng pananampalataya upang ang mga itinatanim na pagdududa ni Satanas tungkol sa katapatan ng Diyos at sa Kanyang Salita ay hindi makapanaig. Ang ating pananampalataya - na si Kristo ang "gumawa at nagpapasakdal" (Hebreo 12:2 - ay gaya sa isang ginintuang kalasag, mamahalin, solido at matibay.

Ang helmet ng kaligtasan sa talatang 17 ay proteksyon para sa ulo, upang maingatan ang kritikal na bahaging ito ng katawan. Masasabi natin na ang takbo ng ating pagiisip ay kinakailangang ingatan. Ang ulo ang kinalalagyan ng pagiisip kung saan nakatanim ang tiyak na Ebanghelyo ng pagasa para sa kaligtasan. Ang nagsusuot ng helmet ng kaligtasan ay hindi tumatanggap ng maling doktrina o nagbibigay daan sa tukso ni Satanas. Ang isang taong hindi ligtas ay walang pag-asa na malabanan ang mga maling doktrina dahil wala siyang helmet ng kaligtasan at ang kanyang isip ay walang kakayanang suriin kung ano ang katotohanang mula sa Diyos at kung ano ang pandaraya ni Satanas.

Ipinaliwanag ng mismong talata 17 ang kahulugan ng tabak ng Espiritu - na walang iba kundi ang Salita ng Diyos. Habang ang ibang bahagi ng kasuutang espiritwal ay para sa pagdepensa, ang tabak ng Espiritu ay para sa opensiba. Ipinahihiwatig nito ang kabanalan at kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Wala ng mas hihigit pa sa sandatang ito. Sa pagtukso ng Diyablo kay Hesus sa ilang, ang Salita ng Diyos ang Kanyang ginamit na panlaban sa Diyablo at wala itong nagawa sa kapangyarihan ng Salita ng Diyos. Anong laking pagpapala na ang parehong Salita ng Diyos ay nagagamit din naman natin ngayon!

Sa talata 18, inutusan tayo na manalangin sa Espiritu (at ito ay sa pamamagitan ng isipan ni Kristo, ng Kanyang puso at ng Kanyang mga pinahahalagahan) bilang karagdagan sa pagsusuot ng baluting mula sa Diyos. Kung walang panalangin, at walang pagtitiwala sa Diyos, ang ating ginagawang pakikipagbaka ay hungkag at walang katagumpayan. Ang buong baluti ng Diyos - ang katotohanan, katuwiran, ang Ebanghelyo, ang pananampalataya, ang Salita ng Diyos at ang panalangin - ay ang mga sandatang ipinagkaloob sa atin ng Diyos upang sa pamamagitan ng mga ito ay magkaroon tayo ng espiritwal na pagtatagumpay at upang malabanan natin ang mga tukso at pagatake ni Satanas.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang buong kagayakan o baluti ng Diyos?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries