settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin ng maging isang buhay na handog?

Sagot


Sinabi ni Pablo sa Roma 12:1, "Kaya nga, mga kapatid, alang-alang sa masaganang habag ng Diyos sa atin, ako'y nakikiusap na ialay ninyo ang inyong sarili bilang isang handog na buháy, banal at kalugud-lugod sa Diyos. Ito ang karapat-dapat na pagsamba ninyo sa Diyos." Ipinaalala ni Pablo sa mga mananampalataya sa Roma na ihandog ang kanilang sarili sa Diyos, hindi bilang isang handog sa altar, kundi bilang isang buhay na handog. Ang pakahulugan ng diksyunaryo sa salitang handog ay "anumang bagay na itinalaga at ipinagkaloob sa Diyos." Bilang mga mananampalataya, paano natin itatalaga at ihahandog ang ating mga sarili sa Diyos?

Sa ilalim ng Lumang Tipan, tinanggap ng Diyos ang mga handog na hayop. Ngunit ang mga ito ay anino lamang ng paghahandog ng Kordero ng Diyos, ang Panginoong Hesu Kristo. Dahil sa Kanyang ganap, at minsan para sa lahat ng panahong paghahandog doon sa krus, nawalan na ng bisa ang mga paghahandog sa Lumang Tipan at hindi na kinakailangan pa ang mga ito (Hebreo 9:11-12). Para sa mga na kay Kristo, sa pamamagitan ng pananampalatayang nagliligtas, ang tanging katanggap-tanggap na pagsamba ay ang kumpletong paghahandog ng ating sarili sa Diyos. Sa ilalim ng kontrol ng Diyos, ang hindi pa naluluwahating katawan ng mananampalataya ay kailangang magpasakop sa Kanya bilang mga instrumento ng katuwiran (Roma 6:12-13; 8:11-13). Ito ay nararapat lamang dahil sa paghahandog din naman ni Hesus ng Kanyang buhay para sa atin.

Paano mailalarawan ang isang handog na buhay sa isang praktikal na pamamaraan? Tinutulungan tayo ng kasunod na talata (Roma 12:2) upang maunawaan ito. Tayo ay mga buhay na handog para sa Diyos kung hindi tayo umaaayon sa masamang takbo ng sanlibutang ito. Ibinigay sa atin ang kahulugan ng sanlibutan sa 1 Juan 2:15-16 bilang masasamang nasa ng laman, pita ng mata at kayabangan. Ang lahat na iniaalok ng mundong ito ay maaaring ipailalim sa tatlong kategoryang ito. Kasama sa masasamang nasa ng laman ang mga bagay na umaakit sa ating kagustuhan gaya ng pagkain, inumin at seks at anumang bagay na nagbibigay kasiyahan sa ating mga pisikal na pangangailangan. Ang pita ng laman naman ay kinapapalooban ng materyalismo, ng pagiimbot sa anumang bagay na ating nakikita na wala sa atin at pagkainggit sa ibang tao para sa mga bagay na gusto natin. Ang kayabangan naman ay ang anumang ambisyon na nagiging dahilan ng pagmamayabang at naglalagay sa ating sarili sa trono ng ating mga buhay.

Paano makakapagtagumpay ang mga mananampalataya upang hindi sumangayon sa takbo ng mundong ito? Ito ay sa pamamagitan ng "pagbabago ng isip." Ginawa natin ito sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Salita ng Diyos na baguhin tayo. Kailangan natin itong marinig (Roma 10:17), basahin (Pahayag 1:3), pagaralan (Gawa 17:11), sauluhin (Awit 119:9-11), at pagnilay-nilayan (Awit 1:2-3). Ang gawain ng Salita ng Diyos sa ating mga puso sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, ay ang tanging kapangyarihan sa mundo na makakapagpabago sa atin mula sa pagiging makamundo tungo sa tunay na espiritwalidad. Sa katotohanan, ito ang tangi nating kinakailangan upang magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain (2 Timoteo 3:16). Ang resulta nito ay maunawaan natin "ang kalooban ng Diyos; kung ano ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban Niya" (Roma 12:2). Ito ang kalooban ng Diyos para sa bawat mananampalataya — ang maging isang handog na buhay para kay Hesu Kristo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin ng maging isang buhay na handog?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries