Tanong
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa prostitusyon? Mapapatawad ba ng Diyos ang isang prosti?
Sagot
Ang prostitusyon ay itinuturing na “pinakamatandang propesyon.” Ito ang pinakakaraniwang paraan ng mga babae upang kumita ng pera, maging sa panahon ng Bibliya. Sinasabi sa atin ng Bibliya na ang prostitusyon ay isang kasalanan. Sinasabi sa Kawikaan 23:27-28, “Ang masasamang babae at di-tapat na asawa ay mapanganib na patibong, tiyak na mamamatay ang mahulog doon. Siya'y laging nakaabang tulad ng magnanakaw, at sinumang maakit niya ay natututong magtaksil.”
Ipinagbabawal ng Diyos ang pakikisama sa mga upahang babae dahil alam Niya na ang pakikisama sa mga ito ay hindi makabubuti sa lalaki at babae. “Pagkat labi ng haliparot ay sintamis nitong pulot,
at ang kanyang mga halik, kasiyahan nga ang dulot. Ngunit pagkatapos mong magpasasa sa alindog,
hapdi, kirot ang kapalit ng kaunti niyang lugod. Ang kanyang mga hakbang ay tungo sa kamatayan,
daigdig ng mga patay, ang landas na hahantungan” (Kawikaan 5:3-5).
Winawasak ng prostitusyon ang relasyon ng mga mag-asawa, pamilya at buhay ng tao at winawasak nito ang espiritu at kaluluwa na nagbibigay daan sa pisikal at espiritwal na kamatayan. Nais ng Diyos para sa atin na manatili tayong dalisay at gamitin ang ating mga katawan bilang kasangkapan sa Kanyang kaharian at kaluwalhatian (Roma 6:13). Sinasabi sa 1 Corinto 6:13, “Ang katawan ay hindi para sa pakikiapid sapagkat ito'y para sa paglilingkod sa Panginoon, at ang Panginoon naman ang nag-aalaga sa katawan.”
Bagama’t kasalanan ang prostitusyon, ang mga prosti ay maaaring mapatawad ng Diyos. Itinala sa Bibliya ang paggamit ng Diyos sa isang upahang babae na nagngangalang Rahab upang ganapin ang Kanyang plano para sa bansang Israel. Dahil sa kanyang pagsunod sa Diyos, siya at ang kanyang pamilya ay pinagpala at ginantimpalaan (Josue 2:1; 6:17-25). Sa Bagong Tipan, isang babae na kilala sa pagiging upahan ang pinatawad at nilinis ni Hesus mula sa kanyang mga kasalanan at nakakita ito ng pagkakataon na paglingkuran si Hesus habang bumibisita Siya sa bahay ng isang Pariseo. Dahil kilala ng babaeng ito kung sino si Hesus, nagdala siya ng mamahaling pabango. Sa kanyang pagsisisi at pagkilala sa kapatawarang iginawad ni Hesus, lumuha ang babae at ibinuhos sa paa ni Hesus ang pabango at tinuyo ang Kanyang mga paa ng kanyang mga buhok. Nang punahin ng mga Pariseo si Hesus sa pagtanggap sa paglilingkod ng babaeng makasalanan, sinaway Niya sila at tinanggap ang pagsamba ng babae. Dahil sa kanyang pananampalataya, pinatawad ni Hesus ang lahat ng kanyang mga kasalanan at tinanggap siya sa Kanyang kaharian (Lukas 7:36-50).
Sa Kanyang pakikipagusap sa mga taong tumatangging maniwala sa katotohanan tungkol sa Kanya, sinabi ni Hesus, “Tandaan ninyo: ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae ay nauuna pa sa inyong pasakop sa paghahari ng Diyos. Sapagkat naparito sa inyo si Juan at itinuro ang pagsunod sa kalooban ng Diyos, at hindi ninyo siya pinaniwalaan, ngunit naniwala sa kanya ang mga maniningil ng buwis at ang mga bayarang babae. Nakita ninyo ito subalit hindi pa rin kayo nagsisi't tumalikod sa inyong mga kasalanan, at hindi rin kayo naniwala sa kanya” (Mateo 21:31-32).
Tulad sa karaniwang tao, ang mga prosti ay may pagkakataon din namang makatanggap ng kapatawaran at buhay na walang hanggan mula sa Diyos, linisin mula sa kanilang karumihan at bigyan ng bagong buhay! Ang kailangan nilang gawin ay tumalikod sa kanilang masamang pamumuhay at lumapit sa buhay ng Diyos na ang habag at biyaya ay walang hanggan. “Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago” (2 Corinto 5:17).
English
Ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa prostitusyon? Mapapatawad ba ng Diyos ang isang prosti?