Tanong
Ano ang biblikal na pagiging katiwala?
Sagot
Upang matuklasan natin kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa pagiging katiwala, simulan natin sa kung ano ang sinasabi sa pinakaunang talata ng Bibliya: “Nang pasimula nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa” (Genesis 1: 1). Bilang Manlilikha, ang Diyos ang may karapatan at nagmamay-ari sa lahat ng bagay, at kapag nakaligtaan natin ang bagay na ito ay parang nagsuot lang tayo ng damit na mali ang ayos ng butones at magiging mali na ang lahat ng magiging kasunod. Mawawalan ng saysay lahat ng mga katuruan sa Bibliya kabilang dito ang katuruan ng biblikal na pagiging katiwala kapag nakaligtaan natin ang katotohanan na ang Panginoon ang Siyang Manlilikha at may karapatan sa lahat ng bagay bilang may-ari. Nasa pagtanggap natin sa mga bagay na ito ang kaparaanan upang maintindihan natin ang katuruan ng biblikal na pagiging katiwala.
Tumutukoy sa relasyon ng tao sa Panginoong Diyos ang biblikal na doktrina ng pagiging katiwala. Kinikilala nito na ang Diyos ang Siyang may-ari at ang tao lamang ang tagapamahala. Binigyan ng Diyos ang tao ng karapatan at kakayanan upang pamahalaan ang lahat ng mga bagay. Maganda ang sinabi ni Apostol Pablo sa 1 Corinto 3:9, “Sapagka't kayo ay mga kamanggagawa ng Diyos; kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.” Sa pagsisimula ng konseptong ito, magiging maliwanag ang lahat kung papaano natin titingnan ang kahulugan ng pagiging katiwala at higit sa lahat, ang kahulugan ng buhay. Sa kakayahan, ang katuruan ng pagiging katiwala ang nagpapaliwanag ng ating layunin dito sa mundo bilang mga itinalaga ng Panginoon. Isang malaking oportunidad ito para sa atin na maging katiwala ng Panginoon sa lahat ng mga bagay na Kanyang nilikha at maging kabahagi sa Kanyang walang hanggang mga plano (Mateo 28:19-20). Hindi ibig sabihin ng pagiging katiwala na may kinuha sa atin ang Panginoon, kundi ito ay kanyang pamamaraan ng pagbibigay ng karapatan at magagandang bagay para sa lahat ng tao.
Sa Bagong Tipan, pinagsama ang dalawang salitang Griyego para sa kahulugan ng salitang “pagiging katiwala” o “stewardship” sa ingles. Ang unang salita ay “epitropos” na nangangahulugang “tagapamahala o katiwala.” Pagdating sa katayuan ng pamahalaan, ang ibig sabihin nito ay “gobernador o hukom.” Kung minsan ginagamit ito sa Bagong Tipan na nangangahulugang “tagapag-alaga o tagapangasiwa” tulad ng sa Galacia 4: 1-2: “Nguni't sinasabi ko na samantalang ang tagapagmana ay bata, ay walang pagkakaibang anoman sa alipin bagama't siya'y panginoon ng lahat; Datapuwa't nasa ilalim ng mga tagapagampon at ng mga tagapangasiwa hanggang sa panahong itinakda ng ama.” Ang ikalawang salita ay “oikonomos.” Nangangahulugan din ito bilang “tagapangasiwa, tagapamahala, o administrador,” at mas madalas na nababasa sa Bagong Tipan. Depende sa konteksto, madalas na isinalin ito bilang “dispensasyon, katiwala, pamamahala, pag-aayos, pangangasiwa, plano, o pagsasanay.” Tumutukoy ito karamihan sa batas o pamamahala ng isang sambahayan o ng mga gawain sa isang bahay.
Kapansin-pansin sa mga sulat ni Pablo, ginagamit niya ang salitang “oikonomos” bilang paghahayag ng kanyang responsibilidad sa pangangaral ng Ebanghelyo bilang isang banal na tagabulin sa kanya (1 Corinto 9:17). Tinutukoy dito ni Pablo na ang kanyang pagkatawag mula sa Diyos bilang administrador/katiwala (steward) ng biyaya ng Diyos para sa isang ministeryo ng banal na hiwaga na naipahayag kay Kristo (Efeso 3: 2). Sa kontekstong ito, tinutukoy ni Pablo na ang Diyos ang Siyang Panginoon ng isang malaking sangbahayan na namamahala ng may buong karunungan sa pamamagitan ni Apostol Pablo bilang isang masunuring lingkod ng Panginoong Jesucristo.
Gayundin naman, makabuluhang sinasabi ni Pablo na sa sandaling tayo ay tinawag at ibinilang sa katawan ni Jesus Cristo at sa kanyang ministeryo, ang pagiging katiwala/administrador natin ay hindi dahil sa ating sariling kapangyarihan o kakayahan. Ang lakas, inspirasyon at paglago sa pamamahala sa lahat ng bagay, lalo na sa ating buhay ay dapat na nagmumula sa Panginoong Diyos sa pamamagitan ng Banal na Espiritu na kumikilos sa atin; kung hindi, mawawalan lamang ng kabuluhan ang lahat ng ating mga pagpapagal bilang isang tagapangasiwa, magiging makasarili ang paglago at sa sariling kaparaanan . Alinsunod dito, lagi nating tandaan na ang tanging pinagmumulan ng ating lakas sa pagbibigay lugod sa Diyos: “lahat ng bagay ay aking magagawa sa pamamagitan ni Cristo na aking kalakasan” (Filipos 4:13). Sinabi rin ni Pablo, “Datapuwa't sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos, ako nga'y ako; at ang kanyang biyaya na ibinigay sa akin ay hindi nawawalan ng kabuluhan; bagkus ako'y malabis na nagpagal kay sa kanilang lahat: bagamat hindi ako, kundi ang biyaya ng Diyos na sumasa akin” (1 Corinto 15:10).
Subalit mas madalas, iniisip natin na ang pagiging isang mabuting katiwala ay may kinalaman lamang sa kung paano natin pinamamahalaan ang ating mga salapi at sa pagiging matapat sa pagbibigay ng ating mga ikapu at mga handog ng Diyos. Ngunit kung ating susuriin ng mas malaliman, mas higit pa ang pamamahala kaysa dito. Sa katunayan, ito ay higit pa sa pamamahala ng ating mga oras, ng ating mga ari-arian, at ng ating mga kapaligiran, o ng ating kalusugan. Ang pagiging mabuting katiwala ay ang ating pagiging masunurin sa pagiging Soberenya ng ating Panginoon. Ito ang nag-uudyok sa pagiging isang tagasunod ni Kristo sa lahat ng kanyang mga gagawin, kalakip ng bawat kilos ang pagpapahayag ng kanyang pananampalataya kay Kristo. Kalakip sa pagiging tagapangasiwa ni Apostol Pablo ang pagpapahayag ng lahat ng mga bagay na ipinagkatiwala sa kanya - ang Ebanghelyo ng katotohanan.
Ang pagiging isang mabuting katiwala ay tumutukoy sa praktikal na pagsunod natin bilang tagapangasiwa ng lahat ng bagay sa ilalim ng ating kontrol,sa lahat ng bagay na ipinagkatiwala sa atin. Ito ay ang pagtatalaga ng isang tao ng kanyang sarili at mga ari-arian sa paglilingkod sa Panginoong Diyos. Alam ng isang mabuting katiwala na hindi siya ang may kontrol sa lahat ng mga bagay na mayroon siya - tanging ang Diyos lamang. Ibig sabihin, tayo ay mga tagapangasiwa lamang sa lahat ng mga bagay na nilikha ng ating Panginoong Diyos at nasa ilalim tayo ng kanyang pamamahala. Bilang isang matapat na katiwala, kinikilala natin kung sino ang ating Panginoon at alam natin na tayo ay walang halaga kung hindi dahil sa ating Panginoong Hesu Kristo na binigay ang kanyang sarili para sa ating kapakanan.
Ang huli at nararapat na ang tanong ay dapat na ganito: Sino ba ang aking Panginoon: Ang aking sarili o ang Panginoong Hesu-Kristo? Sa kabuuan, ang pagiging mabuting katiwala ay pagsunod sa Diyos at sa kay Hesu Kristo na ating Panginoon at Tagapagligtas.
English
Ano ang biblikal na pagiging katiwala?