settings icon
share icon
Tanong

Dapat bang magsuot ng belo ang mga babaeng Kristiyano?

Sagot


Tinalakay sa Aklat ng 1 Corinto 11:3-16 ang isyu tungkol sa mga kababaihan at pagsusuot ng belo. Ang konteksto nito ay tungkol sa pagpapasakop sa mga kautusan na ibinigay ng Diyos at ang "pagkakaayos sa istruktura ng Iglesya.” Ang belo ng isang babae ay ginamit upang ilarawan ang tamang ayos, pamumuno, at awtoridad ng Diyos. Ang susing talata ay makikita sa 1 Mga Taga-Corinto 11:3, “Datapuwa't ibig ko na inyong maalaman, na ang pangulo ng bawa't lalake ay si Cristo, at ang pangulo ng babae ay ang lalake, at ang pangulo ni Cristo ay ang Diyos." At ang mga natitirang bahagi ay tungo sa mga implikasyon ng katotohanang ito. Ang tamang ayos ng awtoridad ay ang Diyos Ama, Diyos Anak, Banal na Espiritu, ang lalaki o asawang lalaki, at ang babae o asawang babae. Ang belo ng isang babaeng may asawa na taga-Corinto ay nagpapakita na siya ay nasa ilalim ng awtoridad ng kanyang asawa, at samakatwid ay nagpapasakop sa Diyos.

Ang 1 Mga Taga-Corinto 11:10 ay makatawag-pansin: "Dahil dito'y nararapat na ang babae ay magkaroon sa kaniyang ulo ng tanda ng kapamahalaan, dahil sa mga anghel." Bakit mahalaga sa mga anghel na ang babae ay magsuot ng belo? Nalalaman natin ang relasyon ng Diyos sa sangkatauhan ay minamasdan ng mga anghel at kinapupulutan ng aral (1 Pedro 1:12). Kung gayon, ang pagpapasakop ng isang babae sa itinalaga ng Diyos na pamamahala ay halimbawa para sa mga anghel. Ang mga banal na anghel na ganap na nagpapasakop sa Diyos, ay umaasa na tayo, bilang mga tagasunod ni Kristo, ay maging ganoon din naman.

Ang belo na binanggit sa 1 Mga Taga-Corinto 11:13 ay maaaring tela, ngunit maaari din itong tumutukoy sa haba ng buhok ng babae, kung susuriin ang kasunod na mga talata "Hindi baga ang katalagahan din ang nagtuturo sa inyo, na kung may mahabang buhok ang lalake, ay mahalay sa kaniya? Datapuwa't kung ang babae ang may mahabang buhok, ay isang kapurihan niya; sapagka't ang buhok sa kaniya'y ibinigay na pangtakip" (1 Mga Taga-Corinto 11:14-15). Sa konteksto ng talatang ito, ang pagkakaroon ng mas mahabang buhok ng isang babae ay palatandaan na siya ay babae at hindi lalaki. Nais ipabatid ni Apostol Pablo sa kultura ng mga taga- Corinto, na kung mas mahaba ang buhok ng asawang babae sa kanyang asawang lalaki, ito ay pagpapakita ng pagpapasakop sa kanyang pamamahala. Ang tungkulin ng lalaki at babae ay idinisenyo ng Diyos upang ilarawan ang isang malalim na katuruang espiritwal, ang pagpapasakop sa kalooban at utos ng Diyos.

Ngunit bakit naging usapin ang isyu ng buhok ng babae sa Corinto? Ang sagot ay matatagpuan sa kultura ng panahong iyon. Ang bayan ng Corinto ay mayroong templo na laan para kay Aphrodite, ang diyosa ng pag-ibig, at ang lugar ay kilala sa pagsasagawa ng mga ritwal para sa prostitusyon. Ang mga kababaihan na naninilbihan sa templo ay pawang ahit ang mga ulo. Sa kultura ng mga taga-Corinto, ang babaeng walang buhok ay mga patutot sa templo. Sinasabi ni Pablo na ang babae na ginupitan o ahit ang ulo ay dapat magsuot ng belo (1 Corinto 11:6),dahil ang babaeng ginupitan ang kanyang buhok ay nawala na ang dangal, at siya ay wala sa ilalim ng proteksyon ng kanyang asawa. Ang maiksing buhok o ahit na ulo na walang belo sa kultura ng Corinto ay nagpapahiwatig ng mensahe na, “Tumatanggi akong magpasakop sa utos ng Diyos.” Kung gayon, itinuturo ni Apostol Pablo sa mga taga-Corinto na ang haba ng buhok o pagsusuot ng belo ng isang babae ay pagpapakita ng pagpapasakop sa Diyos at sa Kanyang itinatag na awtoridad. Ito ay isa sa mga paraan upang mahiwalay ang iglesya sa Corinto sa masamang kulturang pagano na nakapaligid sa kanila (2 Corinto 6:17).

Hindi tinuturo sa talatang ito na ang mga kababaihan ay mas mababa ang ranggo kaysa sa mga kalalakihan o siya ay dapat magpasakop sa lahat ng lalaki. Itinuturo lamang dito ang itinalagang pagkaka-ayos ng Diyos at espiritwal na pamumuno pagdating sa magasawa. Sa kultura ng mga taga-Corinto, ang babae na may belo sa kanyang ulo sa pagsamba o sa mga pampublikong lugar ay nagpapahiwatig na siya ay nagpapasakop sa awtoridad.

Sa ating kultura ngayon, hindi na natin tinitingnan ang pagsusuot ng belo ng mga kababaihan bilang tanda ng pagpapasakop. Sa mga modernong lipunan, ang mga bandana, belo o sumbrero ay mga palamuti na lamang at walang ibang ibig sabihin. Ang babae sa ngayon ay maaari pa ring magsuot ng belo bilang tanda ng kanyang pagpapasakop sa kanyang asawa. Gayon pa man, ito ay personal na desisyon at hindi tanda ng pagiging espiritwal. Ang tunay na isyu ay ang nilalaman ng puso sa pagsunod at pagpapasakop sa awtoridad "gaya ng sa Panginoon" (Mga Taga-Efeso 5:22). Ang Diyos ay di hamak na tumitingin sa nilalaman ng ating puso kaysa sa belo sa ating ulo.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dapat bang magsuot ng belo ang mga babaeng Kristiyano?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries