Tanong
Dapat ba tayong magbawtismo sa pangalan ni Jesus (Gawa 2:38), o sa pangalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo (Mateo 28:19)?
Sagot
Noong araw ng Pentecostes, sinabi ni Pedro sa mga tao, “Pagsisihan ninyo't talikuran ang inyong mga kasalanan at magpabautismo kayo sa pangalan ni Jesu-Cristo upang kayo'y patawarin; at tatanggapin ninyo ang kaloob ng Espiritu Santo” (Gawa 2:38). Ang kanyang utos tungkol sa bawtismo ay dapat itong gawin sa “pangalan ni Jesu Cristo.” Bago mamatay si Jesus sinabi naman Niya sa mga alagad na bawtismuhan ang mga alagad “sa pangalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo (Mateo 28:19)” (Mateo 28:19). Ang pagkakaiba sa mga pananalita ni Jesus at ni Pedro ay nagbunsod sa iba para magtanong, “Ano ang tamang pormula? Dapat ba tayong magbawtismo sa pangalan ng Ama, Anak at Espiritu Santol?; o dapat ba tayong magbawtismo sa pangalan lamang ni Jesus?”
Ang isang paliwanag ay nagtuturo sa katotohanan na ang Ama, Anak at Espiritu Santo ay “iisa sa tatlo.” Ang mabawtismuhan sa pangalan ng isang sa persona ng Diyos ay katulad din ng mabawtismuhan sa pangalan ng tatlo. Ngunit posibleng mayroon pang paliwanag, kung ikukunsidera ang mga tagapakinig ng utos ni Pedro at ni Cristo.
Nang ibigay ni Jesus ang Dakilang Utos, ipinapadala Niya ang Kanyang mga tagasunod sa buong mundo upang gawing alagad ang “lahat ng mga bansa” (Mateo 28:19). Sa paganong mundo, makakasalamuha nila ang mga taong ganap na walang kaalaman tungkol sa nagiisang Tunay na Diyos, mga taong sumasamba sa mga diyus-diyusan na mga “walang pag-asa at walang Diyos sa mundo” (Efeso 2:12). Sa pangangaral sa mga ganitong uri ng tao, kinakailangan para sa mga apostol na isama ang katuruan kung sino at kung ano ang kalikasan ng Diyos, maging ang katuruan ng Trinidad. (Pansinin kung ano ang pangunahing impormasyon na sinabi ni Pablo sa panimula ng kanyang pangangaral sa mga taga Atenas sa Gawa 17). Ang mga tumanggap sa ebanghelyo at nabawtismuhan ay magiging kabilang sa isang ganap na naiibang sistema ng relihiyon at niyayakap ang isang bagong pangunawa kung sino ang Diyos.
Sa pagkukumpara, nangangaral si Pedro sa araw ng Pentecostes sa mga panatikong Judio na may pangunawa na sa Diyos Ama at Diyos Espiritu Santo. Ang sangkap na kanilang hindi pa nauunawaan ay ang persona ni Jesus, ang Anak ng Diyos—at kung wala si Jesus, hindi sila maliligtas (Gawa 4:12). Sa pangangaral ng ebanghelyo sa mga Judio, inuutusan sila ni Pedro na magpabawtismo sa pangalan ni Jesus; na nangangahulugan na dapat silang magsanay ng pananampalataya sa Isang kanilang ipinako sa krus. Nagpahayag sila ng kanilang pananampalataya sa Ama at sa Espiritu Santo, pero kinakailangan din silang magpahayag ng kanilang pananampalataya sa Anak. Ang mga tumanggap sa ebanghelyo ng araw na iyon ay itinalaga ang kanilang mga sarili sa pagiging Panginoon ni Jesus. Hindi na nila Siya tinatanggihan bilang kanilang Tagapagligtas at Siya ang tangi nilang pag-asa sa kaligtasan.
Dapat din nating ikunsidera ang tinatanggap na pormula para sa bawtismong Kristiyano na sa pangalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo. Mauunawaan ang pagbibigay-diin ni Pedro sa pangalan ni Jesus, dahil nangangaral siya sa mga Judio na siya ring tumanggi at nagtakwil kay Jesus bilang kanilang Mesiyas o Tagapagligtas.
Ang mensahe ng ebanghelyo ay bumabago pa rin ng mga buhay sa kasalukuyan. Ang mga naglagak ng kanilang pananampalataya kay Jesu Cristo ay tumatanggap pa rin ng Banal na Espiritu mula sa Ama. At ang bawtismo sa tubig ay siya pa ring itinalagang pamamaraan ng pagpapahayag ng ating pananampalataya sa publiko, bilang pakikibahagi sa kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na mag-uli ni Cristo.
English
Dapat ba tayong magbawtismo sa pangalan ni Jesus (Gawa 2:38), o sa pangalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo (Mateo 28:19)?