Tanong
Ang bawtismo ba sa Bagong Tipan ay katumbas ng pagtutuli?
Sagot
Ang pagtutuli sa pisikal ay tanda ng tipan na ginawa ng Diyos kay Abraham. Bagama’t ang unang tipan ay naganap sa Genesis 15, ang pagtutuli ay hindi iniutos bago ang Genesis 17 – mga 13 taon pagkatapos na isilang si Ismael. Sa panahong iyon, binago ng Diyos ang pangalan ni Abraham mula sa kanyang dating pangalang Abram (na ang ibig sabihin ay “itinaas na ama”) sa Abraham (na ang ibig sabihin ay “ama ng marami”), isang pangalan ng paghihintay sa katuparan ng pangako ng Diyos. Ang pangako ay ginawa kay Abraham at pagkatapos ay kay Isaac at kay Jaob at sa lahat ng kanilang mga inapo.
Ang bawtismo, sa isang pakahulugan ay ang tanda sa Bagong Tipan na ginawa ng Diyos para sa Kanyang iglesya. Iniutos ni Jesus ang Dakilang Utos: “Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo” (Mateo 28:19). Ang bawtismo ay ang panlabas na tanda ng isang panloob na pagbabago. Sinisimbolo nito ang bagong kapanganakan kay Cristo.
Marami sa mga tradisyong Reformed ang iniuugnay ang pagtutuli sa bawtismo at ginagamit ang katuruan ng pagtutuli sa Lumang Tipan para bigyang katwiran ang pagbabawtismo sa mga bata. Ganito ang kanilang argumento: dahil tinutuli ang mga bata na isinilang sa komunidad ng mga Judio sa Lumang Tipan, ang mga bata na isinisilang sa komunidad ng iglesya sa Bagong Tipan ay dapat na bawtismuhan.
Habang may pagkakahawig sa pagitan ng bawtismo at pagtutuli, sumisimbolo sila sa dalawang sobrang magkaibang tipan. Ang tanda sa pagiging kabilang sa komunidad ng mga Judio sa Lumang Tipan ay sa pisikal: para sa mga bata na isinisilang ng mga magulang na Judio o ng mga biniling alipin sa bahay ng isang Judio (Genesis 17:10-13). Ang espiritwal na buhay ng isang tao ay walang koneksyon sa tanda ng pagtutuli. Ang bawat lalaki ay tinutuli, magpakita man siya o hindi ng katapatan sa Diyos. Gayunman, kahit na sa Lumang Tipan, kinikilala na hindi sapat ang pisikal na pagtutuli. Inutusan ni Moises ang mga Israelita sa Deuteronomio 10:16 na tuliin nila ang kanilang mga puso, at ipinangako na ang Diyos ang magtutuli sa kanila (Deuteronomio 30:6). Ipinangaral din ni Jeremias ang pangangailangan ng pagtutuli sa puso (Jeremias 4:4).
Sa kabaliktaran, espiritwal ang paraan ng pagiging kabilang sa Bagong Tipan: kailangan na sumampalataya at maligtas (Gawa 16:31). Kaya nga, ang espiritwal na buhay ng isang tao ay may malapit na kaugnayan sa tanda ng bawtismo. Kung ang bawtismo ay nagpapahiwatig ng pagpasok sa Bagong Tipan, ang mga nagtalaga lamang ng buhay sa Diyos at nagtitiwala kay Jesus ang dapat bawtismuhan.
Totoo na ang pagtutuli, gaya ng ipinapangaral ni Pablo sa Roma 2:29 ay pagtutuli sa puso, at ito ay nagaganap sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espiritu. Sa ibang salita, ang isang taong nagiging kabilang sa tipan ng pakikipagrelasyon sa Diyos ay hindi sa pamamagitan ng pisikal na gawa kundi sa pamamagitan ng gawain ng Banal na Espritu sa kanyang puso.
Ang Colosas 2:11-12 ay tumutukoy sa espiritwal na pagtutuli: “Sa pamamagitan din ni Cristo, kayo'y tinuli hindi ayon sa laman kundi ayon sa Espiritu. Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya.” Ang pagtutuling ito ay hindi pagpuputol ng isang bahagi ng katawan; ito ay pagpuputol sa ating lumang pagkatao. Ito ay isang espiritwal na gawain at tumutukoy sa kaligtasan, na ginaganap ng Banal na Espiritu. Hindi pinalitan ng bawtismo na binanggit sa talata 12 ang pagtutuli; ito ang kasunod ng pagtutuli—at malinaw na sa espiritwal ang kahulugan hindi pisikal. Kaya nga ang bawtismo ay isang tanda ng panloob na espiritwal na “pagtutuli.”
Partikular din na tinutukoy sa talatang ito ang bagong buhay na inilalarawan ng bawtismo na dumating sa “pamamagitan ng inyong pananampalataya.” Ipinapahiwatig nito na ang isang taong binabawtismuhan ay may kakayahang magsanay ng pananampalataya. Dahil ang mga bata ay walang kakayahang magsanay ng pananampalataya, hindi sila nararapat na bawtismuhan.
Ang isang taong isinilang (sa pisikal) sa Lumang Tipan ay tumatanggap ng tanda ng tipang iyon (pagtutuli); gayundin naman, ang isang taong isinilang (sa espiritu) sa ilalim ng Bagong Tipan (“isinilang na muli” Juan 3:3) ay tumatanggap ng tanda ng tipang iyon (bawtismo).
English
Ang bawtismo ba sa Bagong Tipan ay katumbas ng pagtutuli?