settings icon
share icon
Tanong

Ang bawtismo ba ay kinakailangan ng isang tao bago tumanggap ng kumunyon?

Sagot


Hindi itinuro sa Bibliya na kailangan munang mabawtismuhan ang isang tao bago makapagkumunyon. Gayunman, ang kundisyon para sa bawtismo at pakikisalo sa Huling Hapunan ay parehong pananampalataya sa kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na muli ni Hesu Kristo.

Ang Huling hapunan ay isang ordinansa na itinatag ni Hesus habang kumakain Siya at ang Kanyang mga alagad ng hapunang pampaskuwa noong gabi bago Siya ipako sa krus (Mateo 26:20-28). Sa Mateo 28:19, pagkatapos ng Kanyang kamatayan at pagkabuhay na mag-uli, ibinigay Niya sa mga alagad ang Dakilang Utos na humayo sila sa buong sanlibutan at ipangaral ang Ebanghelyo. Inutusan ni Hesus ang mga alagad na bawtismuhan ang mga bagong mananampalataya. Ang bawtismo sa tubig sa pangalan ng Trinidad ay sinasanay na ng iglesya mula pa sa umpisa. Ang tanging kundisyon gaya ng nasabi sa itaas ay ang pagtitiwala ng isang tao sa Panginoong Hesu Kristo bilang kanyang Tagapagligtas. Ang bawtismo ay isang paglalarawan ng karanasan ng kaligtasan at pagsunod sa utos ng Panginoon. Itinuturing ito ng maraming iskolar ng Bibliya na unang hakbang sa pagdidisipulong Kristiyano.

Ang Huling Hapunan ay isang pamamaraan ng mga mananampalataya upang makipag-isa sa Panginoon at alalahanin ang kanyang kamatayan at pagkabuhay na muli. Ang bawtismo ay isang mahalagang pagkakakilanlan sa mga mananampalataya. Ang isang taong hindi pa nabawtismuhan ay maaaring isang tunay na mananampalataya ngunit hindi pa niya naipapahayag sa publiko ang Kanyang pakikiisa sa Panginoong Hesu Kristo bilang unang hakbang sa pagsunod sa Kanya. Maaaring ito ang isa sa mga dahilan kung bakit ginagawa itong isang kundisyon ng ilang iglesya bago payagang makibahagi sa kumunyon ang isang mananampalataya. Gayunman, muli, hindi matatagpuan saanman sa Bibliya ang katuruang ito na kailangan munang mabawtismuhan ang isang tao bago payagang makibahagi sa kumunyon o hapag ng Panginoon.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang bawtismo ba ay kinakailangan ng isang tao bago tumanggap ng kumunyon?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries