Tanong
Paano kung gusto ng isang tao na magpabawtismo pero hindi siya maaaring ilubog sa tubig dahil siya ay may sakit, may kapansanan, matanda na, atbp. – ano ang dapat gawin?
Sagot
Maaaring ang pinakamagandang paraan para sagutin ang tanong na ito ay magumpisa sa kung ano ang ibig sabihin ng bawtismo mismo—kung ano ito at kung hindi ano ito. Ayon sa Bibliya, ang bawtismo ay panlabas na patotoo ng nangyari sa panloob sa buhay ng isang mananampalataya. Ito ay isang larawan ng pakikipagisa ng mananampalataya sa kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na mag-uli ni Jesu Cristo. Inilalarawan sa Roma 6:3-4 ang gawaing ito bilang simbolo ng paglilibing sa ating lumang makasalanang pagkatao sa ating paglubog sa tubig at ang ating pag-ahon sa tubig ay sumisimbolo sa bagong likhang pagkatao na nabuhay na mag-uli na kasama ni Cristo sa isang bagong buhay.
Ang bawtismo ay hindi kinakailangan o isang kundisyon sa kaligtasan. Wala din itong kapangyarihan para magligtas. Sa halip, ito ay isang simbolo ng naganap ng kaligtasan. Tayo ay binabawtismuhan upang maipakita sa iba ang katotohanang iyon, at ito ang dahilan kung bakit marami sa bawtismo ng may kasamang patotoo ng taong binabawtismuhan. Ito ang patunay na ito ang pinakamahalagang bahagi ng gawaing ito, hindi ang mismong pagbabawtismo.
Habang maliwanag na itinuturo ng Bibliya na ang paglulubog sa tubig ang tamang paraan ng pagbabawtismo, hindi makikita saanman sa Bibliya kung ano ang gagawin sa mga sitwasyon na ang babawtismuhan ay hindi maaaring ilubog sa tubig. May ilan na nagpapanukala na ang bawtismo ay sa pamamagitan ng pagwiwisik o pagbubuhos ng tubig sa ulo ng binabawtismuhan. Habang hindi tumutugma ang pagwiwisik o pagbubuhos ng tubig sa ipinapahiwatig ng bawtismo—ang kamatayan, paglilibing at pagkabuhay na mag-uli ni Jesu Cristo—malinaw na may mga sitwasyon na imposible ang paglulubog ng buong katawan sa tubig. Ang isang tao na hindi maaaring bawtismuhan sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig ay dapat na humarap sa isang grupo ng mananampalataya at magdeklara sa publiko ng kanyang pananampalataya kay Jesu Cristo lamang para sa kanyang kaligtasan, ng kanyang pagtatalaga kay Jesus ng kanyang buhay, at sa kanyang pakikipagisa kay Cristo. Maisasakatuparan nito ang ipinapahiwatig ng bawtismo.
English
Paano kung gusto ng isang tao na magpabawtismo pero hindi siya maaaring ilubog sa tubig dahil siya ay may sakit, may kapansanan, matanda na, atbp. – ano ang dapat gawin?