settings icon
share icon
Tanong

Ang mga Kristiyano ba ay makasalanan o banal o pareho?

Sagot


Ang mga Kristiyano ay parehong makasalanan at banal. Ang lahat ng tao ay makasalanan dahil ang lahat ay ipinanganak na makasalanan. Ngunit hindi lahat ng tao ay banal. Ayon sa Bibliya, ang isang banal ay hindi isang tao na nakagawa ng mga kahanga-hangang bagay, o isang tao na pinaging banal ng isang simbahan o organisasyon. Ang salitang Griyego na isinalin sa salitang Tagalog na "banal" sa Bagong Tipan ay hagios, na literal na nangangahulugang "sagrado, ganap o dalisay sa pisikal; walang kapintasan ang moralidad o isang taong ganap sa aspetong pangrelihiyon; nakatalaga sa isang seremonya, banal." Sa konteksto ng mga talata sa Bagong Tipan, ang mga banal ay mga taong kabilang sa katawan ni Kristo, na naligtas sa biyaya sa pamamagitan ng pananampalataya (Efeso 2:8–9). Sa ibang salita, ang banal ay isang terminolohiya para sa isang Kristiyano, sa isang tunay na sumasampalataya sa Panginoong Hesu Kristo.

Isang malinaw na Biblikal na katotohanan na ang lahat ng tao ay ipinanganak sa kasalanan at ang lahat ay may makasalanang kalikasan. Sinasabi sa Kasulatan na nilikha ng Diyos ang tao na orihinal na mabuti at walang makasalanang kalikasan: "Pagkatapos, sinabi ng Diyos: "Ngayon, likhain natin ang tao ayon sa ating larawan, ayon sa ating wangis… Nilalang nga ng Diyos ang tao ayon sa kanyang larawan. Sila'y kanyang nilalang na isang lalaki at isang babae" (Genesis 1:26–27). Gayunman, itinala sa Genesis ang pagbagsak nina Adan at Eba sa kasalanan, at dahil dito naghari ang kasalanan sa dalawang nilalang na dating walang kasalanan. Pagkatapos naipasa nila ang kanilang makasalanang kalikasan sa kanilang mga anak at inapo. Kaya nga, ang bawat isang tao sa mundo ay makasalanan.

Sa kabilang banda naman, ang mga banal ay hindi isinilang na banal; naging banal sila sa pamamagitan ng pagsilang na muli. Dahil "ang lahat ay nagkasala at walang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos" (Roma 3:23), nangangailangan tayong lahat ng pagsilang na muli sa espiritwal, na kung hindi mangyayari ay magpapatuloy tayo sa makasalanang kalikasan sa walang hanggan. Ngunit, sa dakilang kahabagan at biyaya ng Diyos, ipinagkaloob Niya ang tanging paraan upang gawing banal ang makasalanan — ang Panginoong Hesu Kristo, na dumating upang "ialay ang kanyang buhay sa ikatutubos ng marami" (Mateo 20:28). Kung ipapahayag natin ang ating pangangailangan para sa isang tagapagligtas mula sa kasalanan, at tatanggapin ang Kanyang paghahandog doon sa krus para sa atin, magiging banal tayo.

Walang mas mataas ang ranggo sa mga banal. Ang lahat ng kay Kristo ay banal sa pamamagitan ng pananampalataya at walang sinuman sa atin ang higit na magiging banal kaysa sa iba nating kapatid sa Panginoon. Inumpisahan ni Apostol Pablo, na hindi higit na banal kaysa sa mga hindi kilalang Kristiyano, ang kanyang sulat sa iglesya sa Corinto sa pamamagitan ng pagbating ito:, "sa mga pinapagingbanal kay Cristo Jesus, na tinawag na mangagbanal" (1 Corinto 1:2, idinagdag ang diin). Sa talatang ito, isinalin ang salitang hagios sa salitang "banal," "santo," at pinaging banal." Ito rin ang ginamit na salita sa iba't ibang salin ng Bibliya na humahantong sa hindi nagkakamaling konklusyon na ang lahat ng sinumang tatawag kay Kristo para sa kanilang kaligtasan ay mga banal, na pinaging banal ng Panginoon. Tayong lahat ay "hindi na dayuhan o taga-ibang bansa, kundi kababayan na ng mga hinirang ng Diyos at kabilang sa kanyang sambahayan" (Efeso 2:19).

Hindi tayo mga banal dahil idineklara tayong banal ng isang iglesya, o kaya nating maging banal sa ating sariling kakayahan. Gayunman, matapos nating maranasan ang kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya, tinatawag tayo na kumilos ng gaya ng nararapat sa pagkatawag sa atin ng Diyos bilang Kanyang mga banal. "Dahil ang Diyos na pumili sa inyo ay banal, dapat din kayong magpakabanal sa lahat ng inyong ginagawa, sapagkat nasusulat, "Magpakabanal kayo, sapagkat ako'y banal" (1 Pedro 1:15–16). Ang banal ay hindi isang taong walang kasalanan, ngunit ipinapahayag ng buhay ng isang banal ang realidad ng presensya ni Kristo sa kanyang puso, na Siyang may 'hawak ng ating buhay, pagkilos at pagkatao" (Gawa 17:28).

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang mga Kristiyano ba ay makasalanan o banal o pareho?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries