Tanong
Bakit ako dapat magpabawtismo?
Sagot
“Bakit ako dapat magpabawtismo?” ito ay isang mahalagang tanong na dapat sagutin ng mga Kristiyano. Mula sa mga unang araw ng iglesya, ang bawtismo ay unang pundasyong hakbang sa pananampalataya na pangkalahatang isinasagawa ng mga mananampalataya pagkatapos na sila ay makaranas ng kaligtasan (Gawa 2:38, 41; 8:12, 38).
Ang bawtismo ay sa pamamagitan ng paglulubog sa tubig na isang panlabas na paglalarawan ng isang panloob na karanasan ng pagbabago na naganap sa buhay ng bawat mananampalataya sa oras ng kaligtasan. Ipinapahayag nito na ang lumang pamumuhay ay natapos na, at nagsisimula ang isang bagong buhay ng pananampalataya kay Jesu Cristo (2 Corinto 5:17). Ang bawtismo ay mahalaga dahil nagbibigay ito ng nakikitang patotoo—isang pampublikong deklarasyon ng pananampalataya sa mundo—na isang simbolo ng pakikipag-isa ng bagong mananampalataya sa kamatayan, paglilibing, at pagkabuhay na mag-uli ni Jesu Cristo.
Ibinibigay ng Bibliya ang ilang dahilan kung bakit isang mahalagang hakbang ang bawtismo sa buhay Kristiyano:
Ang bawtismo ay kapahayagan ng pananamalatayang nagliligtas. Gaya ng isang selyo ng patunay, kumakatawan ang bawtismo sa ating karanasan ng kaligtasan at sa kahanga-hangang gawain ni Jesu Cristo ng pagkamatay para sa ating mga kasalanan at pagbangon mula sa mga patay para sa ating pagpapawalang sala: “Sa pamamagitan ng bautismo, nailibing kayong kasama ni Cristo at muli rin kayong nabuhay na kasama niya dahil sa inyong pananalig sa kapangyarihan ng Diyos na muling bumuhay sa kanya” (Colosas 2:12).
Ang bawtismo ay itinalagang gawin ng isang Kristiyano at iniutos ni Jesus. Bilang bahagi ng Dakilang Utos ni Jesus sa iglesya, ibinigay ni Jesus ang mga tagubiling ito: “Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:19–20). Ang bawtismo ay isang mahalagang bahagi ng pagdidisipulong Kristiyano at ginawa para maging isang nagpapatuloy na gawain ng iglesya.
Ang bawtismo ay isang gawa ng pagsunod sa ating Tagapagligtas at pagpapahayag ng ating pagnanais na bigyang kasiyahan ang Diyos. Ang salitang “Kristiyano” ay nangangahulugan ng pagiging “tagasunod ni Cristo.” Dahil tinawag tayo ni Cristo para magpabawtismo, at ibinigay Niya ang halimbawa ng Siya mismo ay magpabawtismo, ang hindi pagpapabawtismo ay pagsuway sa utos ni Cristo.
Pinag-isa tayo ng bawtismo kay Cristo sa pamamagitan ng pakikigaya sa Kanyang kamatayan, sa paglilibing sa Kanya, at sa Kanyang pagkabuhay na mag-uli: “Hindi ba ninyo alam na tayong lahat na nabautismuhan kay Cristo Jesus ay nabautismuhan sa kanyang kamatayan? Samakatuwid, tayo'y namatay na at nalibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo upang kung paanong binuhay muli si Cristo sa pamamagitan ng dakilang kapangyarihan ng Ama, tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay” (Roma 6:3–4). Nang magsisi tayo sa ating mga kasalanan at lumapit kay Cristo sa pamamagitan ng pananampalataya, ang bawtismo ay patunay ng ating pakikipag-isa sa Kanya.
Gayundin naman, inilalarawan ng bawtismo ang ating kamatayan sa ating dating buhay ng kasalanan at sa ating bagong kapanganakan sa isang bagong buhay na malaya mula sa gapos ng kasalanan: “Sapagkat kung nakasama tayo ni Cristo sa isang kamatayang katulad ng kanyang kamatayan, tiyak na tayo ay makakasama rin niya sa muling pagkabuhay na katulad ng kanyang muling pagkabuhay. Alam natin na ang dati nating pagkatao ay naipako na sa krus kasama niya, upang mamatay ang ating makasalanang pagkatao at nang hindi na tayo maalipin pa ng kasalanan. Sapagkat ang namatay na ay pinalaya mula sa kapangyarihan ng kasalanan” (Roma 6:5–7).
Ipinagkaisa din tayo ng bawtismo sa katawan ni Cristo (1 Corinto 12:12–13). Ito ay isang simbolo na nagsasaad na tayo ay kabilang na kay Cristo at sa kanyang bayan: “Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. Si Cristo mismo ang inyong isinuot na parang damit nang kayo'y nabautismuhan sa inyong pakikipag-isa sa kanya.” (Galatia 3:26–27).
Ang bawtismo ang patotoo natin sa publiko ng panloob na gawain ng Banal na Espiritu na paghuhugas sa ating mga kasalanan: “Ang tubig ay larawan ng bautismong nagliligtas sa inyo ngayon. Hindi nito nililinis ang dumi ng katawan; ito'y pangako sa Diyos buhat sa isang malinis na budhi. Inililigtas kayo ng bautismo sa pamamagitan ng muling pagkabuhay ni Jesu-Cristo” (1 Pedro 3:21; tingnan din ang Gawa 22:16; 1 Corinto 6:11).
Ang tamang pangunawa sa bawtismo ay nangangahulugan na nauunawaan natin na ito ay higit pa sa isang ritwal na panrelihiyon o isang tradisyon ng iglesya. Ang kahalagahan ng bawtismo ay nag-ugat sa kamatayan ni Jesu Cristo, ang sariling Anak ng Diyos na namatay para akuin ang kabayaran para sa ating mga kasalanan, at nagtagumpay laban sa kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang muling pagkabuhay, at tiniyak para sa atin ang isang bagong buhay sa Espiritu at ang isang buhay na walang hanggan sa piling ng Diyos.
English
Bakit ako dapat magpabawtismo?