settings icon
share icon
Tanong

Ano ang ibig sabihin na ang isang Kristiyano ay isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17)?

Sagot


Inilarawan ang pagiging bagong nilalang sa 2 Corinto 5:17: "Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago." Ibinabalik tayo ng salitang "kaya't" sa mga talatang 14-16 kung saan sinabi sa atin ni Pablo na ang lahat ng mga mananampalataya ay namatay ng kasama ni Kristo at hindi na nangabubuhay para sa kanilang sarili. Hindi na makamundo ang ating pamumuhay; espiritwal na tayo ngayon. Ang ating "kamatayan" ay tumutukoy sa dating pagkato na ipinakong kasama ni Kristo sa krus. Nalibing na itong kasama Niya, at gaya ng pagbuhay na muli kay Kristo ng Kanyang Ama, gayundin naman, binuhay tayong kasama ni Kristo upang "tayo rin ay magkaroon ng panibagong buhay" (Roma 6:4). Ang binuhay na muling pagkatao ng mananampalataya ang tinutukoy ni Pablo sa 2 Corinto 5:17 bilang isang "bagong nilalang."

Upang maunawaan kung ano ang ibig sabihin ng pagiging bagong nilalang, una, dapat muna nating maintindihan na sa katotohanan, ito ay isang paglikha, at isang bagay na ginawa ng Diyos. Sinabi sa atin sa Juan 1:13 na ang bagong kapanganakang ito ay nagaganap ayon sa kalooban ng Diyos. Hindi natin minana ang bagong kalikasan, o nagpasya man tayo na likhain ito sa ating sariling kakayahan, o simpleng nilinis lamang ng Diyos ang ating lumang pagkatao. Sa halip, lumikha Siya ng isang pagkataong naiiba at bago. Ang bagong pagkatao ay kumpletong bago, nilikha ng Diyos mula sa wala, gaya ng paglikha ng Diyos sa buong sangnilikha ng ex nihilo o mula sa wala. Tanging ang Manlilikha lamang ang may kakayahang gawin ang ganitong kahanga-hangang gawa.

Ikalawa, "wala na ang dati nating pagkatao." Ang "dati" ay tumutukoy sa lahat ng bagay na bahagi ng ating lumang kalikasan — ang natural na pagiging mapagmataas, pag-ibig sa kasalanan, pagtitiwala sa ating mga gawa, at sa ating dating mga opinyon, paguugali at mga naisin. Ang pinakamahalaga sa lahat, namatay na ang ang dating pag-ibig kasama ang pansariling katuwiran, pagtataas sa sarili, at pagpapawalang sala sa sarili. Tumitingin ang bagong pagkatao palayo sa sarili patungo kay Kristo. Namatay na ang mga dating bagay, at ipinakong kasama ni Kristo sa krus kasama ang ating makasalanang kalikasan.

Kasabay ng pagkawala ng dati, "ito'y napalitan na ng bago!" Napalitan na ang luma at mga patay na bagay ng mga bagay na bago na puno ng buhay at ng kaluwalhatian ng Diyos. Ang bagong silang na kaluluwa ay nagagalak sa mga bagay tungkol sa Diyos at kinamumuhian ang mga bagay ng mundo at ng laman. Ang ating mga layunin, pakiramdam, at pangunawa ay bago na at kakaiba kaysa dati. Kakaiba ang nakikita natin sa mundo. Tila naging isang bagong aklat ang Bibliya, at bagama't nabasa na natin ito dati, may nakikita tayong kagandahan dito na dating hindi natin nakikita, at nagtataka tayo kung bakit hindi natin iyon naintidihan noon. Tila nabago ang lahat ng mukha ng kalikasan para sa atin, at tila nasa isang bagong mundo tayo. Napuno ng mga kahanga-hangang bagay ang langit at lupa, at tila ang lahat ng bagay ay nagpapahayag ng pagpupuri sa Diyos. May bago na tayong pakiramdam para sa lahat ng tao — isang bagong uri ng pag-ibig para sa mga kapamilya, at mga kaibigan, isang bagong kahabagan na dating hindi natin naramdaman para sa ating mga kaaway, at isang bagong pag-ibig para sa lahat ng tao. Ang kasalanan na dating pinanggagalingan ng ating kasiyahan, ngayon ay nais na nating talikdan magpakailanman. "Hinubad na ninyo ang dati nating pagkatao, pati ang mga gawa nito" (Colosas 3:9), at "isinuot ang bagong pagkatao na nilikhang kalarawan ng Diyos, at nahahayag sa matuwid at banal na pamumuhay ayon sa katotohanan" (Efeso 4:24).

Paano naman ang isang Kristiyano na nagpapatuloy sa kasalanan? May pagkakaiba sa pagitan ng pagpapatuloy sa kasalanan at pagpapatuloy sa pamumuhay sa kasalanan. Walang sinuman ang makakarating sa estado ng pagiging perpektong banal sa buhay na ito sa mundo, ngunit ang isang Kristiyanong tinubos mula sa kasalanan ay pinapaging banal (ginagawang banal) araw- araw, nagkakasala ng kaunti at kinamumuhian ang kasalanan sa tuwing bumabagsak siya doon. Oo, nagkakasala pa rin tayo, ngunit hindi na ayon sa ating kalooban at pakonti ng pakonti ang ating nagagawang kasalanan habang lumalago tayo sa pananampalataya. Kinamumuhian ng ating bagong pagkatao ang kasalanan na humahawak pa rin sa atin. Ang pagkakaiba ay hindi na alipin ng kasalanan ang ating bagong pagkatao gaya ng dati. Pinalaya na tayo mula sa kasalanan at wala na itong kapangyarihan sa atin (Roma 6:6-7). Binigyan tayo ng Diyos ng kakayahan para mamuhay ayon sa katuwiran. Mayroon na tayo ngayong pagpapasya kung "hahayaan natin na maghari ang kasalanan" o ituring ang ating sarili na "patay sa kasalanan ngunit buhay para sa Diyos kay Kristo Hesus" (Roma 6:11-12). Ang pinakamaganda sa lahat, mayroon na tayong kapangyarihan na piliin ang huli.

Ang bagong pagkatao ay isang kahanga-hangang bagay na nagmula sa isipan ng Diyos at nilikha sa pamamagitan ng Kanyang kapangyarihan para sa Kanyang kaluwalhatian.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang ibig sabihin na ang isang Kristiyano ay isang bagong nilalang (2 Corinto 5:17)?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries