Tanong
Sa anong paraan na ang pagiging Kristiyano ay nagpapaging ganap na bagong lalaki at bagong babae sa isang tao?
Sagot
Sinabi ni Hesus na upang maging isang Kristiyano, dapat na isilang na muli ang isang tao (Juan 3:3). Ipinapahiwatig ng pariralang ito na hindi simpleng mababago ng isang tao ang kanyang kasalukuyang pamumuhay; dapat siyang magsimulang muli. Ipinaliwanag sa 2 Corinto 5:15 at 17 ang nangyayari kung ilalagak ng isang tao ang kanyang pagtitiwala kay Hesu Kristo bilang Tagapagligtas at Panginoon: “Kaya't kung nakipag-isa na kay Cristo ang isang tao, isa na siyang bagong nilalang. Wala na ang dati niyang pagkatao, sa halip, ito'y napalitan na ng bago… Ang ibig sabihin, sa pamamagitan ni Cristo, ang mga tao'y ibinilang ng Diyos na kaibigan, at nilimot na niya ang kanilang mga kasalanan. At kami naman ay inatasan niyang ipamalita ito.”
Ginamit na ilustrasyon ni Hesus ang kapanganakan ng tao dahil nalalaman natin na kung isinisilang ang isang sanggol, kitang-kita ang paglabas ng isang bagong nilalang. Kasunod ng pagsilang ang pagbabago mula sa pagiging sanggol hanggang sa paglaki. Nang isilang ang tao sa espiritu, na dating “patay dahil sa kasalanan at pagsuway” (Efeso 2:1; cf. Roma 6:18), binigyan siya ng bagong buhay. Tayo ay mga “bagong nilalang” kay Kristo (2 Corinto 5:17). Binago ng Diyos ang ating mga naisin, ang ating mga pananaw, at mga pinagtutuunan ng pansin mula sa pagsamba sa sarili patungo sa pagsamba sa Diyos.
Maraming tao ang sinusubukan na hakbangan ang pagsilang na muli at sa halip ay sinusubukang baguhin ang kanilang sariling panlabas na paguugali at kilos at nagsisimulang maging palasimba sa pagtatangka na maramdaman ang pagiging Kristiyano. Gayunman, hindi ito kayang gawain sa sariling kakayahan ng tao. Hindi si Hesus nagpunta sa lupa upang ireporma ang ating makasalanang laman; nagtungo Siya dito sa lupa upang patayin ito (Lukas 9:23; Roma 6:6–7). Ang luma at bagong kalikasan ay hindi maaaring gumawang magkasama, o magsama ng mapayapa (Roma 8:12–14). Kailangan nating mamatay sa ating sarili bago natin maranasan ang bagong buhay na iniaalok ni Kristo (2 Corinto 5:15).
Ang bawat tao ay may katawan, kaluluwa at espiritu (1 Tesalonica 5:23). Bago tayo magkaroon ng relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng bagong kapanganakan, pangunahin tayong nabubuhay sa ialim ng kontrol ng ating kaluluwa at katawan. Walang aktibidad ang espiritu sa loob natin, gaya ng isang lobong walang hangin. Nang lumipat tayo ng pagmamay-ari sa Panginoong Hesu Kristo, ipinadala Niya sa atin ang Kanyang Banal na Espiritu upang buhayin ang ating walang silbing espiritu. Ikinumpara ang Banal na Espiritu sa hangin (Juan 3:8; Gawa 2:2). Sa oras ng kaligtasan, ibinuhos Niya sa ating puso ang Espiritu at binigyan ng buhay ang ating espiritu upang magkaroon tayo ng kakayahan na makipag-relasyon sa Diyos. Noon, pinapasunod tayo ng ating makasalanang kalikasan. Ngayon, tayo ay pinangungunahan ng Banal na Espiritu na gumagawa sa atin upang baguhin tayo at maging kawangis ni Kristo (Roma 8:29).
Dapat nating ihandog ang ating mga sarili bilang mga haing buhay at baguhin ang ating isip at magumpisa tayong isipin ang mga bagay na ayon sa isipan ng Diyos (Roma 12:1–2). Habang itinutuon natin ang ating pansin sa pagkilala sa Diyos, sa pagbabasa ng Kanyang Salita, at pagsusuko ng ating sarili sa pagkontrol ng Banal na Espiritu araw-araw, nagbabago ang ating mga pananaw at kagustuhan. Nagbabago ang ating mga libangan, prayoridad, at mga pagnanais. Nakikita sa ating buhay ang mga bunga ng Espiritu (Galacia 5:22–23) na dating pinaghaharian ng mga gawa ng laman (Galacia 5:19–21). Ang karanasan ng kapanganakang muli ay isa lamang pasimula. Patuloy na gumagawa ang Diyos sa atin sa kasalukuyan upang iharap tayo sa Kanyang sarili bilang isang bayang banal sa araw na iyon kung kailan makikita natin Siya ng mukhaan (Filipos 1:6; 2:13; 2 Corinto 11:2; Efeso 5:27).
English
Sa anong paraan na ang pagiging Kristiyano ay nagpapaging ganap na bagong lalaki at bagong babae sa isang tao?