settings icon
share icon
Tanong

Isa akong bagong Kristiyano, ano ang susunod kong hakbang?

Sagot


Maligayang bati! Kung ikaw ay isang bagong mananampalataya, naranasan mo ang pagsisimula ng isang bago at walang hanggang buhay (Juan 3:16; 10:10). Pinatawad na ang iyong mga kasalanan at binigyan ka ng Diyos ng isang bagong simula (Roma 4:7). Pinagkalooban ka na ng maluwalhating at hindi maipaliwanag na kagalakan (1 Pedro 1:8-9).

Bilang karagdagan sa mga kahanga-hangang pagpapala ng pagkakilala kay Kristo, maaaring naiisip mo, “Ano ngayon? Ano ang susunod na hakbang?” Ibinibigay sa Bibliya ang ilang mahalagang prinsipyo para sa mga kauumpisa pa lamang sa kanilang pakikipagrelasyon sa Diyos.

Una, bilang isang bagong Kristiyano, magumpisa kang basahin ang Bibliya. Maraming salin ng Bibliya at napakaraming lugar para magumpisa. Habang walang perpektong salin, inirerekomenda namin na pumili ka ng salin ng Bibliya na madali mong maunawaan at tapat sa orihinal na teksto ng Bibliya. Upang makahanap ng sampol ng mga makabagong salin, maaari kang pumunta sa mga websites gaya ng BibleGateway.com o YouVersion.com. Inirerekomenda namin na magumpisa ka sa pagbabasa ng Ebanghelyo ni Juan upang iyong malaman ang mga itinuro ni Hesus at kung ano ang Kanyang mga ginawa habang naririto Siya sa lupa. Makakatulong ang iba pang mga artikulo sa GotQuestions.org upang masagot ang iyong mga praktikal na katanungan tungkol sa Diyos at iba pang isyung espiritwal. Itinuturo ng Bibliya, “Pagsikapan mong humarap na subok sa Dios, manggagawang walang anomang ikahihiya, na gumagamit na matuwid ng salita ng katotohanan” (2 Timoteo 2:15).

Ikalawa, bilang isang bagong Kristiyano, umpisahan mong manalangin. Ang panalangin ay simpleng pagpapaabot sa Diyos ng iyong saloobin. Maraming naniniwala na dapat na gumamit sa pananalangin ng mga pormal na salita na maaaring mangyari lamang sa isang pormal na pagsamba. Ngunit itinuturo ng Bibliya na dapat tayong manalangin ng walang humpay (1 Tesalonica 5:17). Tinuturuan tayo ng Bibliya na purihin ang Diyos araw at gabi. Kung nais natin Siyang makilala sa isang malalim na kaparaanan, dapat tayong regular na lumapit sa Kanya sa pamamagitan ng pananalangin.

Sa bawat araw na dumadaan, maari kang magpasalamat sa Diyos, humingi sa Kanya ng iyong pang araw araw na pangangailangan, at manalangin para sa ibang tao. Mahalaga din na manalanging kasama ng ibang mananampalataya, upang mapalakas ang isa’t isa, magpuri sa Diyos, at magpanalanginan sa isa’t isa. Para sa mga ideya kung paano manalangin, maaari kang magumpisa sa Panalangin ng Panginoon sa Mateo 6:9-13.

Ikatlo, bilang isang bagong Kristiyano, magpabawtismo ka. Inilalarawan ng bawtismo ang iyong bagong buhay kay Kristo at ipinahahayag mo na nakatalaga na ang iyong buhay kay Hesu Kristo. Maging si Hesus man ay nagpabawtismo din (Lukas 3:1-22), at inuutusan Niya ang Kanyang mga tagasunod na magpabawtismo. Ang bawtismo ay isang gawain na isinakatuparan ng mga unang tagasunod ni Hesu Kristo sa Gawa 2:41.

Karaniwan, ang mga lider sa isang lokal na iglesya ang nagbabawtismo. May galak na ipapaliwanag sa iyo ng isang pastor o isang lider sa iglesya ang kahulugan ng bawtismo kung magpapahayag ka ng interes na magpabawtismo.

Ikaapat, bilang isang bagong Kristiyano, makipagkaibigan ka sa ibang Kristiyano. Ang buhay Kristiyano ay idinisenyo upang masiyahan sa pakikisama sa kapwa mananampalataya. Ginugol ni Hesus ang Kanyang ministeryo na kasama ang Kanyang 12 alagad at mga malapit na kaibigan. Tinatawag din Niya tayo na mamuhay sa isang komunidad kasama ng mga mananampalataya. May mahigit na 50 salitang “bawat isa” sa Bagong Tipan na tumutukoy sa pag-ibig sa bawat isa, paglilingkod sa bawat isa, pagpapalakas sa bawat isa, at pananalangin para sa bawat isa. Ang bawat isa sa mga utos na ito ay nangangailangan ng pakikipagrelasyon sa ibang mga Kristiyano.

Ang pakikisama sa isa’t isa ang isa sa mga layunin ng iglesya. Kung may isang Iglesya na tanging Bibliya lamang ang itinuturo sa iyong lugar, iyan ay isang napakagandang lugar upang makilahok. Kung nakatira ka sa isang lugar na walang iglesya, manalangin ka sa Diyos na bigyan ka Niya ng oportunidad na makilala ang mga Kristiyano sa iyong lugar na tinitirhan.

Ikalima, bilang isang bagong Kristiyano, tumulong ka sa iba. Sa pagsisimula ng iyong bagong buhay bilang isang Kristiyano, mararanasan mo ang isang bagong uri ng pag-ibig sa iyong puso na siyang magtutulak sa iyo upang tumulong sa iba. Pangungunahan ka ng Banal na Espiritu sa mga paraan kung paano makatulong sa iba. Maaari kang maglingkod sa mga mahihirap sa iyong komunidad, tumulong sa iyong mga kapitbahay sa kanilang mga gawain, o bumisita sa isang kaibigang may sakit sa ospital. Ipapakita sa iyo ng Banal na Espiritu kung paano mo ibabahagi sa iba ang pag-ibig ng Diyos na nasa iyong puso (1 Juan 3:17-18).

Ikaanim, bilang isang bagong Kristiyano, sabihin mo sa iba ang tungkol sa iyong pananampalataya. Hindi isang lihim ang pagiging isang Kristiyano. Ito ay isang pagdiriwang! Sabihin mo sa lahat ng makikinig sa iyo ang mga ginawa ng Panginoong Hesu Kristo sa iyong buhay. Sa ilang pagkakataon, may mga magiging mananampalataya sa pamamagitan ng halimbawang iyong ibinabahagi sa iba. Bago umakyat si Hesus sa langit, inutusan Niya ang mga alagad na gawing alagad ang lahat ng mga bansa (Mateo 28:18-20). Hanggang sa ngayon, tinatawag pa rin ang mga Kristiyano na ibahagi sa iba ang pag-asa na kanilang natagpuan kay Kristo (1 Pedro 3:15-16).

Panghuli, ito ay mga simpleng payo lamang kung paano ka lalago sa iyong pananampalataya. Hindi ito mga kundisyon para ka maging Kristiyano o manatiling isang Kristiyano. Naligtas ka sa biyaya lamang sa pamamagitan ng pananampalataya kay Kristo na hiwalay sa iyong mga gawa (Efeso 2:8-9). Sinimulan ng Diyos ang Kanyang gawa sa iyo at ipinangako Niya na tatapusin Niya ito (Filipos 1:6). Pagpalain ka ng Diyos habang nagpapatuloy ka sa iyong paglago sa pananampalataya! English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Isa akong bagong Kristiyano, ano ang susunod kong hakbang?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries