settings icon
share icon
Tanong

Dahil ang mga babaing mangangaral ay maaaring maging kasing husay din ng mga lalaki, hindi ba ito nangangahulugan na sila ay tinawag din upang mangaral?

Sagot


Dahil na rin sa pagturing sa mga babae noon bilang pangalawang uri lamang ng mamamayan sa bawat larangan, inaakala ng marami na ang biblikal na restriksyon sa papel ng babae sa simbahan ay bahagi ng mentalidad na may pagkiling sa kasarian. Iginigiit naman ng iba na yamang binubura na ng kultura ang karamihan sa pagtatanging pangkasarian, dapat lamang anila na ganoon din ang ginagawa ng simbahan. May mga nagsasabi rin na maaaring may kakayahan o mas mahusay pa ang mga babae kaysa mga lalaki pagdating sa pagtatalumpati sa publiko at sa pagbabahagi ng mga ideyang biblikal, kaya't dapat lang daw na mangaral din sila kagaya ng ginagawa ng mga lalaki. Ang usaping ito ay nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi sa simbahan kaya't kinakailangang tingnan natin kung ano ba talaga ang sinasabi ng Bibliya.

Matututunan natin na ang Bibliya ay naglalaman ng mga pamantayan ng Diyos tungkol sa papel na ginagampanan ng bawat kasarian sa mundong ito at ang papel na iyon ay magkakaiba. Ngunit hindi nangangahulugang nakahihigit ang ginagampanan ng isa at hamak o maliit naman ang papel ng isa. Ang pula at berde ay magkaibang kulay, pero hindi nakahihigit ang alinman sa kanila sapagkat pareho silang ginagamit sa magkaibang layunin na kapag pinagsama ay nagiging kapunuan ng isa't isa kung kaya't sila'y nagiging kaaya-ayang tingnan. Pero isipin natin kung ang lahat nang nakikita natin ay pula o lahat ay berde, masisiyahan kaya ang ating paningin? Iyan ang dahilan kung bakit mahalaga ang kapunuan sa isa't-isa ng magkaibang kasarian sa pamamagitan ng pagganap sa kani-kanilang papel. Umuunlad o yumayabong ang kaharian ng Diyos kapag ang lalaki at babae ay magkasamang gumagampan sa kanya-kanyang papel na itinalaga para sa kanila.

Ang mga kababaihan ay tinawag para sa iba't-ibang bahagi ng paglilingkod kaya naman sila ay tumanggap rin ng mga espiritwal na kaloob kagaya ng mga lalaki. Dahil diyan, marapat lamang na gampanan nila ang pagkatawag sa kanila at gamitin ang mga kaloob nila na katulad ng sa mga lalaki. Ang babaing may kaloob sa pagtuturo ay dapat gamitin ang kaloob na iyon, subalit kailangang naayon sa biblikal na panuntunan. Makikita natin ang mga panuntunan na iyon sa 1 Timoteo 2:12. Malinaw ang diin ng mga talata na ang mga lalaki ay itinalaga ng Diyos para sa pangunguna o pagiging lider ng simbahan at ang babae naman ay bilang katuwang. Ibig sabihin nito, ang pagkakaroon ng awtoridad ay ibinigay para sa mga lalaki, ngunit ito ay hindi nangangahulugan na ang mga lalaki ay hindi na pwedeng turuan at matuto sa babae. Ang posisyon ng pagiging pastor o lider ay gampanin na nakatalaga para sa mga lalaki na nagtataglay ng partikular na mga katangian (tingnan ang Tito 1:5-9).

Maraming paraan sa loob ng iglesya upang magamit ng isang babae ang kanyang kaloob sa pagtuturo at pageebanghelyo. Tiyakin lamang na hindi niya naaagaw ang espiritwal na awtoridad na ibinigay ng Diyos sa lalaki. Mapapansin natin sa karamihan sa mga simbahang komplimentaryan na ang mga babae ang nagtuturo sa kapwa nila kababaihan o kabataan at ang magkakahalong may gulang naman ay hinahawakan ng mga lalaki. Totoo na ang isang babae ay pwedeng maging mahusay na tagapagsalita at kahanga-hangang mangangaral, ngunit hindi ibig sabihin na pinapawalang-bisa na nito ang pamantayan ng Bibliya. Hindi siya dapat nagtuturo sa mga lalaki, na parang siya ang kanilang tagapangunang espiritwal gaano man siya kahusay sa kanyang kaloob. Ibig sabihin, ang biblikal na pagbabawal sa mga kababaihan na gampanan at akuin ang pangungunang espiritwal sa iglesya ay nangangahulugang hindi sila ang tagapagbigay kahulugan at tagapagpatibay ng doktrina sa loob ng iglesya. Sapagkat ang may awtoridad na magpaliwanag ng Kasulatan at ang tagapagtakda ng kursong espiritwal ay kinakailangang lalaki.

Kaugnay nito, mababasa natin sa Gawa 18:24-26 ang pangyayari kung saan si Apolos ay tinuruan ng magasawang sina Priscila at Aquila. Tinanggap niya ang turo, natutunan niya ang buong mensahe ng ebanghelyo, at siya ay naging isang mahusay na ebanghelista. Sa kasong ito, si Priscila ba ay maituturing na natin na halimbawa ng makabagong “babaing tagapangaral”? Hindi, sapagkat malinaw na sinasabi sa mga talata na ang aral na tinanggap ni Apolos ay hindi pormal, pribado at ang nagsagawa ay hindi lamang si Priscila kundi kasama ang kanyang asawa. Ayon sa talatang 26: “…siya'y isinama nila sa kanilang bahay at doo'y pinaliwanagan nang mabuti tungkol sa mga bagay na hindi pa niya nalalaman tungkol sa Daan ng Diyos.” Dito ay maliwanag na si Priscila ay tumulong para maibahagi kay Apolos ang ebanghelyo ngunit hindi ipinapahiwatig sa mga talata na siya ay naging espiritwal na awtoridad sa iglesya o simbahan. Bilang karagdagan, binanggit din ni Pablo sa Roma 16: 3 na si Priscila at ang asawa nito ay kanyang mga “kamanggagawa” (hindi lamang si Priscila kundi kinilala ni Pablo na kasama nito ang kanyang asawang si Aquila sa gawain).

Marahil ay nararamdaman ng ibang mga kababaihan na may kaloob at mahusay sa pagsasalita na mayroon silang tawag upang mangaral at sa maraming aspeto ay maaaring nagagampanan nila ng higit ang gawaing pangpulpito kaysa kalalakihan. Ngunit mahalaga na ito ay kanilang tingnan at isaalang-alang ayon sa biblikal na pamantayan, at kanilang limitahan ang kanilang sarili ayon sa paraan na itinalaga ng Diyos. Kung ikaw ay isang babae at inaako mo ang papel ng isang pastor gaya ng pagpapasya tungkol sa direksyong espiritwal ng iglesya, at iba pang gawain kagaya ng pagkakaroon ng awtoridad sa kalalakihan ng iglesya, ito ay nangangahulugang pinangungunahan mo ang plano ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Dahil ang mga babaing mangangaral ay maaaring maging kasing husay din ng mga lalaki, hindi ba ito nangangahulugan na sila ay tinawag din upang mangaral?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries