Tanong
Ano ang ibig sabihin na ang Iglesya ang babaeng ikakasal kay Kristo?
Sagot
Ang paglalarawan at simbolismo ng pagaasawa ay ginamit para kay Kristo at sa mga mananampalataya na kilala bilang Iglesya. Ang Iglesya ay kinabibilangan ng mga nagtiwala kay Kristo bilang kanilang Tagapagligtas at mga taong tumanggap ng buhay na walang hanggan. Si Kristo, ang lalaking ikakasal na inihandog ang Kanyang buhay dahil sa Kanyang pag-ibig sa Iglesya na inilarawan bilang babaeng ikakasal sa Kanya (Efeso 5:25-27). Kung paanong may yugto ng panahon noong panahon ng Bibliya kung kailan ang babae at lalaking ikakasal ay itinuturing ng magasawa bagama’t hindi pa sila nagsasama sa iisang bubong, gayundin naman, ang Iglesya bilang kasintahan ni Kristo ay nakahiwalay pa sa Kanya bago ang Kanyang pagparito. Ang responsibilidad ng Iglesya sa panahong ito ay maging tapat kay Kristo (2 Corinto 11:2; Efeso 5:24). Sa ikalawang pagparito ni Kristo, makikipagisa ang Iglesya sa lalaking ikakasal (kay Kristo) at isang opisyal na “seremonya ng kasalan” ang magaganap, at sa panahong iyon, aktwal na magsasama si Kristo at ang Iglesya magpakailanman (Pahayag 19:7-9; 21:1-2).
Sa walang hanggan, makakapasok ang mga mananampalataya sa makalangit na siyudad na tinatawag na Bagong Jerusalem, na tinatawag ding “Banal na Lunsod” sa Pahayag 21:2 at 10. Hindi ang Bagong Jerusalem ang Iglesya, ngunit may ilan itong katangian na taglay din ng Iglesya. Sa kanyang pangitain sa pagwawakas ng panahon, nakita ni Apostol Juan ang siyudad na bumababang galing sa langit na nabibihisang gaya ng isang “babaeng ikakasal,” na nangangahulugan na ang siyudad ay maningning at maluwalhati at ang mga tinubos ng Panginoon na naninirahan sa siyudad na iyon ay dalisay at banal at nabibihisan ng damit ng kabanalan at katuwiran. May ilan na mali ang pangunawa sa talatang 9 na nagaakala na ang Banal na Lunsod ang mismong kasintahan ni Kristo ngunit hindi ito maaari dahil hindi namatay si Kristo para sa isang siyudad kundi para sa mga taong Kanyang tinubos mula sa kanilang mga kasalanan. Ang siyudad ay tinatawag na “babaeng ikakasal” dahil ito ang kumakatawan sa kasintahan, kung paanong ang mga magaaral sa isang paraalan ay tinatawag din minsan na “ang paraalan.”
Ang mga mananampalataya kay Kristo ang babaeng ikakasal at naghihintay tayo ng may malaking pananabik sa araw na iyon na makikipagisa tayo sa ating kasintahan. Hanggat hindi dumarating ang araw na iyon, nananatili tayong tapat sa Kanya at sama samang dumadalangin kasama ng iba pang mga tinubos, “Siya nawa: pumarito ka Panginoong Jesus!” (Pahayag 22:20).
English
Ano ang ibig sabihin na ang Iglesya ang babaeng ikakasal kay Kristo?