Tanong
Ano ang araw ng Sabbath?
Sagot
Sa unang tingin, ang tanong na “Ano ang araw ng Sabbath?” ay tila napakasimple. Ayon sa Exodo 20:8–11, ang Sabbath ay ang ikapitong araw ng sanlinggo kung kailan dapat tayong magpahinga sa pagalaala na nilikha ng Diyos ang sansinukob sa loob ng anim na araw at pagkatapos ay “nagpahinga” Siya sa ikapitong araw. Gayunman, dahil sa maling pangunawa at maling interpretasyon ng ibang grupo ng Kristiyano, ang kahulugan ng araw ng Sabbath ng pamamahinga ay naging paksa ng kalituhan.
May ilang grupo gaya ng mga Sabadista ang naniniwala na ang araw ng Sabbath ang tamang araw kung kailan dapat sumamba ang mga Kristiyano. Habang ang mga grupong ito ay tipikal na nagtuturo din na bawal magtrabaho sa araw ng Sabbath, ang konsepto ng “araw ng pagsamba” ay mas binibigyang diin nila minsan kaysa sa “araw ng pamamahinga.” Sa orihinal, ang Sabbath ay araw ng pamamahinga at ang layuning ito ay pinanatili sa Kautusan ni Moises (Exodo 16:23–29; 31:14–16; 35:2–3; Deuteronomio 5:12–15; Nehemias 13:15–22; Jeremias 17:21–27). Sa ilalim ng Lumang Tipan, ginagawa ang paghahandog sa tabernakulo/templo araw-araw. Ang “pagsamba” ay patuloy. At walang espesyal na utos na ibinigay sa Israel patungkol sa isang “banal na pagtitipon” na idinadaos sa araw ng Sabbath (Levitico 23:3; cf. Bilang 28:9). Ang pagdaraos ng Sabbath ay isang “tanda ng tipan” sa pagitan ng Israel at ng Panginoon (Exodo 31:13).
Itinala sa Bagong Tipan na ang mga Judio at mga naging kabilang sa Judaismo ay nagtitipon sa mga sinagoga sa araw ng Sabbath (Markos 6:2; Lukas 4:31; Lukas 13:10–16; Gawa 13:14, 27, 42–44p 15:21; 16:13; 17:2; 18:4). Dahil walang pasok sa araw ng Sabbath, ito ay ideyal para magorganisa ng sama-samang pagsamba. Gayunman, hindi iniuutos sa Bagong Tipan na gawing araw ng pagsamba ang araw ng Sabbath. Ang iglesya ay wala sa ilalim ng Katutusan ni Moises.
Ang iglesya ay nasa ilalim ng Bagong Tipan na itinatag sa pamamagitan ng kamatayan at muling pagkabuhay ni Jesu Cristo. Hindi inilalarawan saanman sa buong Bagong Tipan ang pagtatalaga sa araw ng Sabbath bilang araw ng pagsamba. Ang tanging kasulatan na naglalarawan sa mga Kristiyano na nagtitipon sa araw ng Sabbath ay ang pangangaral nila ng ebanghelyo sa mga sinagoga ng mga Judio na nagtitipon sa araw ng Sabbath. Itinala sa Gawa 2:46 ang pagtitipon ng mga unang Kristiyano araw-araw. Ang mga taga Berea ay nag-aral ng Kasulatan araw-araw (Gawa 17:11). Binabanggit sa Gawa 20:7 at 1 Corinto 16:2 ang pagtitipon ng mga Kristiyano sa unang araw ng sanlinggo. Walang ebidensya sa buong Bagong Tipan na ang mga apostol o kahit ang mga unang Kristiyano ay nagdaos ng araw ng Sabbath bilang itinalagang araw ng pagsamba.
Tradisyunal na idinadaos ng mga Kristiyano ang kanilang sama-samang pagsamba sa araw ng Linggo, ang unang araw ng sanlinggo bilang selebrasyon sa pagkabuhay na mag-uli ni Cristo na naganap sa araw ng Linggo (Mateo 28:1; Markos 16:2; Lukas 24:1; Juan 20:1). Bagama’t mahalagang maunawaan na hindi rin ang araw ng Linggo ang inutos ng Diyos para gawing araw ng sama-samang pagsamba. Walang malinaw na utos sa Bibliya na ang araw ng pagsamba ay dapat gawin sa araw ng Sabado o araw ng Linggo. Ang mga talata sa Kasulatan gaya ng Roma 14:5–6 at Colosas 2:16 ay nagbibigay ng kalayaan sa mga Kristiyano na magdaos ng isang espesyal na araw o gawing espesyal ang bawat araw. Ang nais ng Diyos ay patuloy natin Siyang purihin at sambahin araw-araw, hindi lamang tuwing araw ng Sabado o araw ng Linggo.
English
Ano ang araw ng Sabbath?