Tanong
Nagkakasala ba tayo araw araw? Posible bang hindi magkasala ng kahit isang beses sa buong isang araw?
Sagot
Habang walang kahit isang talata sa Bibliya kung saan partikular na sinasabi na nagkakasala tayo ng kahit isang beses sa isang araw, may mga talata naman na nagpapaalala sa atin na nagmana tayo ng kakayahan na magkasala anumang oras. “Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala” (Roma 5:12). "Narito, ako'y inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina" (Psalm 51:5). Bilang karagdagan, binigyan tayo ng mga utos na alam natin na hindi natin kayang sundin, lalo na sa bawat araw ng ating buhay. Halimbawa, sino ang magaangkin na kaya niyang ibigin ang Diyos ng Kanyang buong puso, buong isip, at buong kaluluwa sa lahat ng sandali sa loob ng isang araw? Walang sinuman ang makasusunod sa utos na ito sa lahat ng oras. Ngunit ito ang pinakadakilang utos (Mateo 22:36-38). Ang kabiguang ibigin ang Diyos ng ganap sa lahat ng oras ay isang pang araw araw na kasalanan ng lahat ng Kristiyano.
Mayroon ding mga talata na nagbababala sa atin sa pagiging mandaraya ng ating lumang pagkatao, na sa esensya ay isang babala para sa atin sa potensyal kung hindi man sa paggawa ng kasalanan sa araw araw. “Ang puso ay magdaraya ng higit kay sa lahat na bagay, at totoong masama: sinong makaaalam?" (Jeremias 17:9). Kahit na ang mga apostol ay may karanasan ng kabiguan sa kanilang pakikipaglaban sa kasalanang nananahan sa kanilang katauhan. “Sapagka't ako'y nagagalak sa kautusan ng Dios ayon sa pagkataong loob: Datapuwa't nakikita ko ang ibang kautusan sa aking mga sangkap na nakikipagbaka laban sa kautusan ng aking pagiisip, at dinadala akong bihag sa ilalim ng kautusan ng kasalanan na nasa aking mga sangkap” (Roma 7:22-23). Ang kapasidad na ito sa pagkakasala ang nagbunsod sa kanya upang manangis, "Abang tao ako! sino ang magliligtas sa akin sa katawan nitong kamatayan?" (Roma 7:24).
Alam na alam ni Solomon na ang lahat ng tao kasama ang kanyang sarili ay hindi lamang may potensyal na magkasala kundi normal ding sinasanay ang kakayahang ito. Gaya ng kanyang binanggit sa kanyang panalangin noong inihahandog ang Templo, “Kung sila'y magkasala laban sa iyo, sapagka't walang tao na di nagkakasala…” (1 Hari 8:46). Muling inulit ito ni Solomon sa aklat ng Mangangaral: “Tunay na walang matuwid sa lupa, na gumagawa ng mabuti, at hindi nagkakasala” (Mangangaral 7:20). Muli, habang hindi direktang sinasabi sa mga talatang ito ang pagkakasala natin sa araw araw, tiyak na babala ito sa atin laban sa pagmamamataas at pagsasabing hindi tayo nagkakasala sa anumang sandali ng ating buhay.
Ang Mabuting Balita ay hindi na natin kailangan pang makipaglaban magpakailanman sa kasalanan. Isang araw, pupunta tayo sa langit kasama ang ating Tagapagligtas at palalayain tayo mula sa presensya at kapangyarihan ng kasalanan, gaya ng kung paanong napalaya na tayo mula sa kaparusahan nito. English
Nagkakasala ba tayo araw araw? Posible bang hindi magkasala ng kahit isang beses sa buong isang araw?