Tanong
Ano ang Araw ng Panginoon?
Sagot
minsan lamang sa Kasulatan. Sinabi sa Pahayag 1:10, “Ako'y nasa Espiritu nang araw ng Panginoon, at narinig ko sa aking likuran ang dakilang tinig, na tulad sa isang pakakak.” Dahil hindi ipinaliwanag ni Juan kung ano ang kahulugan ng “Araw ng Panginoon,” maipagpapalagay natin na ang kanyang mga mambabasa, ang mga Kristiyano noong unang siglo na pamilyar sa ekspresyong ito ang kanyang konteksto.
May mga nagpapalagay na ang Araw ng Panginoon sa Bagong Tipan ay katumbas ng Sabbath. Ang Sabbath o araw ng Sabado ay itinatag ng Diyos para sa bansang Israel upang alalahanin ang kanilang paglaya mula sa Egipto (Deuteronomio 5:15). Nagsisimula ang Sabbath sa paglubog ng araw sa araw ng Biyernes at dapat na maging isang buong araw ng pamamahinga, na simbolo ng pamamahinga ng Manlilikha sa ikapitong araw (Genesis 2:2–3; Exodo 20:11; 23:12). Ang Sabbath ay isang espesyal na tanda para sa mga Israelita na sila ay ibinukod ng Diyos bilang mga tagasunod ng Katastaasang Diyos. Ang kanilang pagganap sa Sabbath ang tutulong upang makita ang kanilang pagkakaiba sa mga bansa sa kanilang palibot. Gayunman, hindi tinukoy saanman sa buong Kasulatan na ang Sabbath ay tinukoy bilang Araw ng Panginoon. Ang salitang Sabbath ay ginagamit ng komunidad ng mga Hudyo sa Bagong Tipan at binanggit ang salitang ito ni Hesus at ng mga apostol (Mateo 12:5; Juan 7:23; Colosas 2:16).
Araw ng Linggo ng mabuhay na mag-uli ang Panginoong Hesu Kristo mula sa mga patay, isang pangyayari na ikinabukod-tangi ng Kristiyanismo sa lahat ng relihiyon (Juan 20:1). Mula noon, nagtipon na ang mga mananampalataya tuwing unang araw ng sanlinggo (araw ng Linggo) upang ipagdiwang ang Kanyang tagumpay laban sa kasalanan at kamatayan (Gawa 20:7; 1 Corinto 16:2). Bagama’t itinalaga ng Diyos ang Sabbath bilang banal na araw, ipinakita ni Hesus na Siya ang Panginoon ng Sabbath (Mateo 12:8). Sinabi ni Hesus na nagtungo Siya sa lupa hindi upang pawalang bisa ang Kautusan kundi upang ganapin ang buong Kautusan. Hindi makakapagpawalang sala ang pagsunod sa mga utos ng Diyos sa kaninuman; tanging sa pamamagitan lamang ni Hesus maituturing na matuwid sa harap ng Diyos ang mga makasalanan (Roma 3:28). Itinuro ni Pablo ang katotohanang ito sa Colosas 2:16–17, “Kaya't huwag na kayong magpapasakop pa sa anumang alituntunin tungkol sa pagkain o inumin, tungkol sa mga kapistahan, sa bagong buwan o sa Araw ng Pamamahinga. Ang mga ito'y anyo lamang ng mga bagay na darating, ngunit si Cristo ang katuparan ng lahat ng ito.”
Karaniwang itinuturing na araw ng Linggo ang Araw ng Panginoon, ngunit hindi ito katumbas ng Sabbath ng mga Hudyo – sa ibang salita, ang Linggo ang “Sabbath ng mga Kristiyano.” Bagama’t dapat nating italaga ang isang araw ng sanlinggo para sa pamamahinga at pagsamba sa Panginoong na namatay at nabuhay na mag-uli para sa atin, wala na tayo sa ilalim ng Kautusan (Roma 6:14–15). Bilang mga tagasunod ni Hesu Kristo na mga isinilang na muli, malaya tayong sumamba sa anumang araw na gustuhin natin ayon sa udyok ng ating konsensya. Ibinigay sa Roma 14 ang malinaw na paliwanag kung paano magpapasya ang mga Kristiyano sa mga hindi malinaw na bagay sa pagiging alagad ng Panginoon. Sinasabi sa mga talatang apat at lima, “Sino ka upang humatol sa lingkod ng iba? Ang panginoon lamang niya ang makahahatol kung siya'y karapat-dapat o hindi. At aariin naman siyang karapat-dapat sapagkat kayang gawin iyon ng Panginoon. May nagpapahalaga sa isang araw nang higit kaysa ibang mga araw. May naniniwala namang pare-pareho ang lahat ng araw. Dapat tiyakin ng bawat isa na tama ang kanyang pasya tungkol sa bagay na ito” (Roma 14:4-5).
May mga tinatawag na Hudyong “Messianic” ang nagnanais na ipagpatuloy ang pagdiriwang ng Sabbath bilang banal na araw dahil sa pinagmulan ng kanilang lahi. May mga Kristiyanong Hentil ang nakikiisa sa kanilang mga kapatid na Hudyo sa pagdiriwang sa Araw ng Sabbath bilang pagsunod sa utos ng Diyos. Katanggap-tanggap din naman ang pagsamba sa Diyos sa araw ng Sabbath – muli, hindi ang partikular na araw sa loob ng sanlinggo ang pinakamahalagang isyu—kundi ang motibo ng puso sa pagpili kung aling araw ang ilalaan sa pagsamba sa Diyos. Kung ang legalismo o pagsisikap sa pagsunod sa utos ng Diyos ang motibo sa pagdiriwang ng Sabbath, ang desisyong ito ay hindi nagmula sa tamang motibo ng puso (Galacia 5:4). Kung malinis ang ating puso sa harapan ng Panginoon, malaya tayong sumamba sa araw ng Sabado (Araw ng Sabbath) o araw ng Linggo (Araw ng Panginoon). Nalulugod ang Diyos sa parehong araw.
Nagbabala si Hesus laban sa legalismo ng kanyang ulitin ang sinabi ni Propeta Isaias: “Ang bayang ito'y iginagalang ako ng kanilang mga labi; Datapuwa't ang kanilang puso ay malayo sa akin. Datapuwa't walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin, Na nagtuturo ng kanilang pinakaaral ang mga utos ng mga tao” (Mateo 15:8–9; cf. Isaias 29:13). Hindi interesado ang Diyos sa ating pagsunod sa mga ritwal, mga batas at mga kundisyon. Nais Niya ang pusong nagaalab sa paglilingkod dahil sa Kanyang pag-ibig at biyaya, sa araw ng Sabbath (Sabado), Araw ng Panginoon (Linggo), o sa alinmang araw ng sanlinggo (Hebreo 12:28–29; Awit 51:15–17).
English
Ano ang Araw ng Panginoon?