settings icon
share icon
Tanong

Ang impiyerno ba ay literal na lugar ng apoy at asupre?

Sagot


Sa pagpapaulan ng Diyos ng apoy at supre sa mga siyudad ng Sodoma at Gomora, hindi lamang ipinakita ng Diyos kung ano ang Kanyang saloobin tiungkol sa kasalanan, kundi Kanya ring ipinakita ang isang hindi mapapasubaliang paglalarawan sa impiyerno. Pagkatapos ng mga pangyayari sa Genesis 19:24, kahit sa pagbanggit lamang sa 'apoy at asupre,' dagling sasaisip ng sinumang mambabasa ang konteksto ng paghuhukom ng Diyos. Gayunman, ang isang simbolo na pumupukaw sa emosyon ay maaaring makapagpababaw ng katotohanan. Inilalarawan lamang ng apoy at supre ang ilang katangian ng impiyerno – hindi ito ang mismong impiyerno.

Malimit na inilalarawan sa Bibliya ang nagaapoy na impyerno sa salitang Gehenna— isang salita na tumutukoy sa isang aktwal na lugar ng sunugan, ang lambak ng Gehenna malapit sa hilaga ng Jerusalem. Ang salitang Gehenna ay saling Ingles at isang anyo ng wikang Aramaiko para sa salitang Griyego na hango sa pariralang Hebreo na "Ang lambak ng (mga anak ni) Hinnom." Sa isa sa mga pinakamalaking pamumusong na naganap sa kasaysayan ng Israel, sa lambak na ito, pinaraan ng mga Hudyo (sa panahon ng paghahari nina Haring Ahaz ar Manases) ang kanilang mga anak sa apoy bilang handog sa diyus-diyusang si Molok (2 Hari 16:3; 2 Cronica 33:6; Jeremias 32:35). Dahil dito, itinuring ng mga Hudyo ang lugar na ito na isang maruming lugar ayon sa kanilang ritwal (2 Hari 23:10), at lalo pa nila itong dinumihan sa pamamagitan ng pagtatapon at pagsusunog doon ng mga katawan ng mga kriminal. Noong panahon ni Jesus, ang lugar na ito ay isang lugar na patuloy na nagaapoy at tapunan ng mga bagay na itinuturing ng basura ng mga Hudyo. Sa tuwing binabanggit ni Jesus ang salitang impiyerno, tinutukoy Niya ang isang lugar na katulad ng lambak ng Hinnom ngunit ang lokasyon ay sa kabilang buhay, isang lugar na patuloy na nagaapoy magpasawalang hanggan. Oo, ang apoy ay isa sa mga elemento doon, ngunit ang pagtatapon doon ng mga hindi sumasampalataya ang kabuuan nito.

Sa Markos 9:43 gumamit si Jesus ng isa pang makapangyarihang simbolo upang ilarawan ang pagiging kahindik-hindik ng impiyerno, "At kung ang kamay mo ay makapagpapatisod sa iyo, ay putulin mo: mabuti pa sa iyo ang pumasok sa buhay na pingkaw, kay sa may dalawang kamay kang mapasa impierno, sa apoy na hindi mapapatay." Para sa nakararaming mambabasa – hindi pa rin nila mauunawaan ang kaseryosohan ng impiyerno sa kabila ng mga pangungusap na ito! Kakaunti ang naniniwala na literal na nais ni Jesus na putulin natin ang ating sariling kamay sa halip na pumunta sa impiyerno. Nais Niyang gawin natin ang lahat ng ating makakaya uang makaiwas sa impiyerno at ito ang layunin Niya sa paggamit ng mga pananalitang ito—ang paghahambing, at pagkukumpara. Dahil ang unang bahagi ng teksto ay gumagamit ng mga simbolo, gayundin ang ikalawang bahagi ng teksto, hindi ito dapat unawain na literal na paglalarawan sa impiyerno.

Bilang karagdagan sa apoy, inilalarawan din sa Bagong Tipan ang impiyerno bilang isang banging walang hangganan ang lalim o abyss (Pahayag 20:3), isang lawa o dagat dagatan (Pahayag 20:14), kadiliman sa labas (Mateo 25:30), kamatayan (Pahayag 2:11), pagkawasak (2 Tesalonica 1:9), walang hanggang pagdurusa (Pahayag 20:10), isang lugar ng pananangis at pagtatagis ng mga ngipin (Mateo 25:30), at isang lugar ng pagdurusa sa iba't ibang antas (Mateo 11:20-24; Lukas 12:47-48; Pahayag 20:12-13). Ang maraming iba't ibang paglalarawan sa impiyerno ang ginagawang argumento ng iba laban sa isang literal na interpretasyon. Halimbawa, sinasabi nila na ang literal na apoy sa impiyerno ay hindi maliwanag dahil sinasabi sa isang talata na ito ay lugar ng kadiliman. Hindi gumagamit ng literal na panggatong na gawa ng tao ang impiyerno dahil ang pagpapahirap doon ay hindi natatapos. Gayundin naman, ang iba't ibang antas ng parusa sa impiyerno ang lumilito sa interpretasyon ng pagiging literal nito. Ang apoy ba sa impiyerno ay susunog ng mas matindi sa isang taong pumatay ng maraming tao kaysa sa isang tapat na pagano? Ang isa bang napakasamang diktador ay mahuhulog ng mas mabilis sa banging walang hangganan ang lalim kaysa sa ibang tao? Magiging mas madilim ba ito para sa isang taong halang ang kaluluwa? Mananangis ba ng mas malakas at mas magtatagis ang mga ngipin ng iba kumpara sa iba? Ang maraming paglalarawan at ang likas na pagiging simboliko ng mga manunulat sa Bibliya na bumabanggit sa impiyerno ay hindi makakapagpabago ng katotohanan ng impiyerno, sa halip, ang totoo, ginagawa nito ang kabaliktaran.

Ang pinagsama-samang paglalarawan sa impiyerno ay mas nakahihindik kaysa sa kamatayan, at mas malalim kaysa sa banging walang hangganan ang lalim. Ang impiyerno ay isang lugar kung saan mas marami ang panaghoy at pagtatagis ng mga ngipin kaysa sa anumang paglalarawan ng sinumang manunulat sa Bibliya. Dinadala tayo ng mga manunulat gamit ang simbolikong paglalarawan sa impiyerno sa isang lugar na lampas sa limitasyon ng ating wika— sa isang lugar na higit na kahindik-hindik kaysa sa anumang ating kayang ilarawan at isipin.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ang impiyerno ba ay literal na lugar ng apoy at asupre?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries