settings icon
share icon
Tanong

Sino ang apat na nabubuhay na nilalang sa Pahayag?

Sagot


Ang apat na nabubuhay na nilalang ay makikita sa Pahayag 4:6–9; 5:6–14; 6:1–8; 14:3; 15:7; at 19:4. Ang mga talata na naglalarawan sa mga nilalang na ito ay nagpapahiwatig na sila ay literal hindi lamang pigura ng pananalita—sila ay mga tunay at aktwal na mga nilalang. Ang apat na nabubuhay na nilalang (literal na “mga persona”) ay isang espesyal at mataas na uri ng anghel o kerubin. Ito ay maliwanag dahil sa kanilang pagiging malapit sa trono ng Diyos. Ipinapahiwatig sa Ezekiel 1:12–20 na sila ay laging kumikilos sa paligid ng trono.

Inilalarawan sa Pahayag 5:6–14 ang mga tungkulin o layunin ng apat na nabubuhay na nilalang. Nagpapatirapa sila at sumasamba sa Kordero—si Jesu Cristo at nagaalay ng parehong paggalang na kanilang iniaalay kay Jesus sa Diyos Ama (Pahayag 4:8), na isang ebidensya ng pagiging Diyos ni Jesu Cristo. Kasama ng dalawampu’t apat na matatanda, “Bawat isa'y may hawak na alpa at may gintong mangkok na punô ng insenso na siyang mga panalangin ng mga hinirang ng Diyos” (Pahayag 5:8). Ang mga alpa ay laging may kaugnayan sa pagsamba sa Lumang Tipan, gayundin sa mga hula (2 Hari 3:15; 1 Cronica 25:1). Ang insenso ay kumakatawan sa mga panalangin ng mga banal. Kaya nga, kung pagsasama-samahin ang hawak ng apat na nilalang na buhay at ng dalawampu’t apat na matatanda, ang mga ito ng nagpapatunay na ang lahat ng mga hula ng mga propeta at mga idinalangin ng mga mananampalataya—ay magaganap na lahat.

Ang layunin ng apat na nilalang na buhay ay may kinalaman din sa pagpapahayag ng kabanalan ng Diyos at sa pangunguna sa pagsamba at paghanga sa Diyos at sila ay may kinalaman sa ilang paraan sa hustisya ng Diyos dahil ng kanilang buksan ang unang apat na tatak at ng magpadala sila ng apat na mangangabayo para mangwasak, sa makapangyarihang tinig na gaya ng kulog ay kanilang sinabi, “halika” (Pahayag 6:1–8). Ang mga mangangabayo ay tumugon sa panawagan ng apat na makapangyarihang nilalang na nagpapahiwatig ng taglay nilang kapangyarihan. Ang kapangyarihang ito ay muling nakita sa Pahayag 15:7 ng ang isa sa apat na nilalang na ito ay magpakawala ng huling pitong salot ng poot ng Diyos sa sangkatauhan.

Ang apat na nilalang na buhay ay sobrang kapareho kundi man sila rin ang mga nilalang na binabanggit sa Ezekiel 1 at 10 at Isaias 6:1–3. Sila ay apat, puno ng mga mata, may mga mukha na kagaya ng mga nilalang sa Ezekiel 1:10, may anim na pakpak (Isaias 6:2), at nagaalay ng pagsamba bilang mga nilalang sa Isaias 6:3 na nagsasabi, “Banal, Banal, Banal ang Panginoon.” Maaaring hindi eksaktong sila mismo ang mga nilalang na ito ngunit tiyak na maikukumpara sila sa isa’t isa at maaaring kabilang sa parehong uri ng mga anghel.

Sa paglalagom, ang mga nilalang na ito ay mataas na uri ng mga anghel na ang pangunahing layunin ay ang pagsamba sa Diyos (Pahayag 19:4). Kapareho sila ng mga nilalang na binanggit sa Ezekiel 1 at 10 at Isaias 6:1–3, at sa ilang paraan ay may kinalaman sa banal na hustisya ng Diyos.


English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Sino ang apat na nabubuhay na nilalang sa Pahayag?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries