Tanong
Ano ba ang Iglesia?
Sagot
Ang pagkaunawa ng karamihan ng mga tao ngayon sa salitang iglesia ay isang gusali, denominasyon o kaya ay relihiyon. Hindi ito ang Biblikal na kahulugan ng iglesia. Ang salitang iglesia ay nagmula sa 2 Griyegong salita na "Ekk" na ang ibig sabihin ay "mula sa" at "kaleis" na ang ibig sabihin ay "tinawag" na ng pagsamahin ay naging Ekklesia. Kaya ang salitang ito ay nangangahulugang "tinawag mula sa" na tumutukoy sa mga taong tinawag ng Diyos. Ang payak na kahulugan ng iglesia ay hindi tumutukoy sa isang gusali o relihiyon, sa halip ito ay tumutukoy sa mga tao. Minsan nakakalito ang sagot ng marami kung tinatanong natin kung saang simbahan (na kapareho ng kahulugan ng salitang iglesia sa wikang Ingles na "church") sila dumadalo, ang isasagot nila ay Baptist, Methodist o iba pang relihiyon. Ngunit kung babasahin ang aklat ng Roma 16: 5, ganito ang sinasabi, "At batiin ninyo ang iglesia na nasa kanilang bahay..." Ang tinutukoy ni Pablo ay ang iglesia na nasa loob ng kanilang tahanan, at hindi ang gusali o relihiyon kundi ang mga mananampalataya.
Ang iglesia ay ang katawan ni Kristo. Sinasabi ng aklat ng Efeso 1: 22-23, "At ang lahat ng mga bagay ay pinasuko niya sa ilalim ng kaniyang mga paa, at siyang pinagkaloobang maging pangulo ng lahat ng mga bagay sa iglesia, Na siyang katawan niya, na kapuspusan ni yaong pumupuspos ng lahat sa lahat." Ang katawan ni Kristo ay binubuo ng lahat ng mga mananampalataya mula sa panahon ng Pentecostes sa Aklat ng mga Gawa hanggang sa kanyang muling pagbabalik. Ang katawan ni Kristo o iglesia ay binubuo ng dalawang aspeto:
(1) Ang pandaigdigang iglesia. Ito ay binubuo ng lahat ng mga taong may personal na relasyon kay Hesu Kristo. Sinasabi sa aklat ng 1 Corinto 12: 13, "Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan tayong lahat sa isang katawan, maging tayo'y Judio o Griyego, maging mga alipin o mga laya; at tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu." Makikita natin na ang lahat ng mga nananampalataya kay Hesus ay bahagi na ng katawan ni Kristo. Ang totoong iglesia ng Diyos ay hindi isang relihiyon, gusali o denominasyon. Ang pandaigdigang iglesia ng Diyos ay ang lahat ng mga tumanggap ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Hesu Kristo.
(2) Ang lokal na iglesia. Ito ay inilarawan sa aklat ng Galacia 1: 1-2, "Si Pablo, na Apostol (hindi mula sa mga tao, ni sa pamamagitan man ng tao, kundi sa pamamagitan ni Hesu Kristo, at ng Diyos Ama, na siyang sa kaniya'y muling bumuhay), At ang lahat ng mga kapatid na mga kasama ko, sa mga iglesia ng Galacia." Dito nakikita natin na sa probinsiya ng Galacia ay mayroong maraming mga iglesia-ito ang tinatawag nating mga lokal na iglesia. Ang iglesiang Baptist, Lutheran at iba pa ay hindi ang pandaigdigang iglesia-sa halip ito ay isang lokal na iglesia. Ang pandaigdigang iglesia ay binubuo ng mga nanampalataya kay Kristo. Ang mga miyembro ng pandaigdigang iglesia ay dapat nakikibahagi sa isang lokal na iglesia.
Kaya nga ang iglesia ay hindi relihiyon, gusali o denominasyon. Ayon sa Bibliya, ang iglesia ay ang katawan ni Kristo- na binubuo ng lahat ng mga nanampalataya kay Hesu Kristo (Juan 3:16; 1 Corinto 12:13). May mga miyembro ng pandaigdigang iglesia (katawan ni Kristo) sa mga lokal na iglesia bagama't may mga miyembro din ng lokal na iglesia na hindi miyembro ng pandaigdigang iglesia.
English
Ano ba ang Iglesia?