settings icon
share icon
Tanong

Ano ang nais ng Diyos na ipagawa sa akin?

Sagot


Itinatanong natin ang tanong na “ano ang nais ng Diyos na ipagawa sa akin?” dahil sa iba’t ibang dahilan. Maaaring humaharap tayo sa isang malaking ddesisyon sa buhay at tunay na nais nating sundin ang plano ng Diyos. O maaaring hinahanap natin ang Diyos at naniniwala tayo na may mga hakbang tayong dapat gawin o may mga batas na dapat nating sundin para natin Siya matagpuan. O maaaring itinatanong natin, “ano ang nais ng Diyos na ipagawa sa akin?” dahil hindi natin matagpuan ang layunin o kahulugan ng ating mga buhay at pinaghihinalaan natin na itinatago iyon sa atin ng Diyos. Anuman ang motibo sa likod ng tanong na ito, may sagot ang Bibliya sa tuwing iniisip natin kung ano ang nais na ipagawa sa atin ng Diyos.

Sa pagtatanong kung ano ang nais na ipagawa sa atin ng Diyos, tandaan na hindi tayo gawa ng tao. Tayo ay nilikha ayon sa wangis ng Diyos para makipag-ugnayan at lumakad ng may pakikipagkasundo sa Kanya (Genesis 1:27). Ang paggawa ay resulta ng pagiging nilalang. Humuhuni ang mga ibon dahil sila ay ibon; hindi sila humuhuni para sila maging ibon. Sila’y lumilipad at gumagawa ng kanilang mga pugad dahil sila’y ibon. Kaya ang nais ng Diyos na ipagawa sa atin ay nanggagaling mula sa ating kalikasan. Hindi Siya interesado sa mga sama ng loob na walang koneksyon sa ating mga puso (Awit 51:16–17; 1 Samuel 15:22; Mikas 6:6–8). Anuman ang ating ginagawa para sa Diyos ay dapat na magmula sa isang pusong umaapaw sa pag-ibig, pagsamba, at pagsuko sa Kanya (Oseas 6:6; 12:6).

Ang unang nais na ipagawa sa atin ng Diyos ay tanggapin ang kanyang alok na kaligtasan. Wala tayong pag-asa sa ating kasalanan at hindi sapat ang ating kabutihan para paglabanan ang ating kasalanan at pumasok sa kanyang presensya. Ito ang dahilan kung bakit dumating si Jesus sa mundo para akuin ang parusa na nararapat sa atin (2 Corinto 5:21). Kung ilalagak natin ang ating pananampalataya sa kamatayan at muling pagkabuhay ni Cristo, magaganap natin ang ating layunin na pagkilala at pagluwalhati sa Diyos (Roma 6:1–6). Binabago tayo ng Diyos upang maging kawangis tayo ni Jesus (Roma 8:29). Kaya ang unang sagot sa tanong na “ano ang nais na ipagawa ng Diyos sa akin?” ay tanggapin ang Kanyang Anak na si Jesus bilang Panginoon at magumpisa sa paglalakbay sa pananampalataya.

Pagkatapos nating maranasan ang kaligtasan, ang nais ng Diyos na ipagawa sa atin ay “lumago sa biyaya at kaalaman ng ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesu Cristo” (2 Pedro 3:18). Nang ampunin tayo ng Diyos sa Kanyang pamilya (Roma 8:15), nagumpisa tayo ng isang bagong relasyon sa Kanya na nakakaapekto sa bawat aspeto ng ating mga buhay. Sa halip na gumawa ng mga desisyon para bigyang kasiyahan ang ating mga sarili, gumagawa tayo ng mga desisyon na nagbibigay kasiyahan sa Diyos (2 Corinto 10:31). Ang mga desisyong iyon ay sinusuportahan ng Bibliya, sinasang-ayunan ng mga makadiyos na tagapayo, at ginagawa sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu (Galatia 5:16, 25).

Ang isang maiksing listahan ng mga bagay na nais na ipagawa sa atin ng Diyos ay makikita sa Mikas 6:8, kung saan sinasabi, “Itinuro na niya sa iyo, kung ano ang mabuti. Ito ang nais ni Yahweh: Maging makatarungan ka sa lahat ng bagay, patuloy mong mahalin ang iyong kapwa, at buong pagpapakumbabang sumunod ka sa iyong Diyos.”

Ang maging makatarungan ay pamumuhay na may kaalaman sa tama at mali at nakikipagugnayan ng tapat at parehas sa mga nakapaligid sa atin. Sinabi ni Jesus na hindi tayo dapat humusga ayon sa panlabas na anyo, “kundi humatol ng may tamang paghatol” (Juan 7:24). Para magawa ang nais na ipagawa sa atin ng Diyos, dapat nating ibigay ang nararapat sa iba, dapat tayong mabuhay sa katotohanan, at hindi tayo dapat na mang-api at manggamit ng sinuman. Dapat nating tratuhin ang ibang tao ng parehas gaya ng kung paanong nais nating tratuhin tayo ng iba (Mateo 7:12).

Ang pagmamahal sa kapwa ay nangangahulugan na binibigyan natin ng tsansa ang sinuman na hindi karapatdapat. Para magawa ang nais na ipagawa sa atin ng Diyos, dapat nating sundin ang halimbawa ni Jesus ng pagiging mahabagin; handa Siyang magpakita ng habag sa sinumang nagsisisi (Juan 8:10–11; Lukas 23:42–43). Gaya ni Jesus, dapat nating patawarin ang mga nagkakasala sa atin (Mateo 18:23–35). Dapat tayong magalak sa tuwing nahahabag sa iba na inaalala kung gaano kalaking habag ang ipinakita sa atin ng Diyos (Lukas 6:35–36).

Lumalakad tayo ng may pagpapakumbaba sa ating Diyos sa pamamagitan ng paghahangad sa kanyang pagsang-ayon at pagpapala sa ating mga desisyon sa buhay. Hindi lamang naging bahagi ng ating mga buhay ang Diyos, Siya ANG ating buhay (Galatia 2:20). Para magawa ang nais ng Diyos na ipagawa sa atin, lumalago tayo sa ating pananampalataya, nagpapatuloy sa pagsusuko sa kanya ng kontrol sa mas maraming aspeto ng ating buhay. Araw-araw nating pinapasan ang ating mga krus, at sumusunod sa Kanya (Lukas 9:23). Sa tuwing ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan (1 Juan 1:9), lumalaya ang ating mga buhay sa pagsamba sa diyus-diyusan, kamunduhan, at pakikipagkompromiso (1 Juan 5:21) saka lamang tayo makakalakad ng may pagpapakumbaba sa ating Diyos.

Nais ng Diyos na impluwensyahan natin ang mundo ng Kanyang mensahe, ang Ebanghelyo. Sinagot ni Jesus ang tanong na “ano ang nais ng Diyos na ipagawa sa atin?” bago Siya umakyat sa langit. Tinatawag natin ang Kanyang mga huling pananalita ito na ang Dakilang Utos: “Kaya't humayo kayo, gawin ninyong alagad ko ang mga tao sa lahat ng mga bansa. Bautismuhan ninyo sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Turuan ninyo silang sumunod sa lahat ng iniutos ko sa inyo. Tandaan ninyo, ako'y laging kasama ninyo hanggang sa katapusan ng panahon” (Mateo 28:19–20). Gumagawa tayo ng mga alagad sa pamamagitan ng paglalaan ng lahat na ipinagkaloob ng Diyos sa atin sa buhay ng mga tao para sila maging mga taong nabubuhay ayon sa pagkalikha sa kanila ng Diyos. Kung itutuon natin ang ating atensyon sa kung sino tayo kay Cristo at nagaaral ng Kasulatan, malalaman natin kung ano ang nais ipagawa sa atin ng Diyos.

English



Bumalik sa Tagalog Home Page

Ano ang nais ng Diyos na ipagawa sa akin?
Ibahagi ang pahinang ito: Facebook icon Twitter icon Pinterest icon YouTube icon Email icon
© Copyright Got Questions Ministries